Simula

112K 2.9K 1.6K
                                    

Happy Valentine's Day, Archers! Dapat magpo-post ako nito kasabay ng ARVIB kaso 'di ko natapos ang Chapter 4 kaya ito muna ang gift ko hahaha! Bawal ko pa nga dapat 'to i-post kaso saktong Valentine's naman (excuse ko lang 'yan charot) pero enjoy! This will be the book 2 na. Huli si Hunter Hubadero.

--

Simula

"Happy Valentine's Day, Revel!" umagang-umaga ay sinalubong na ako ng bati ng mga kaibigang umaga pa lang ay namemeste na ng araw ko.

"Anong Valentine-valentine d'yan? Ang papangit n'yo!" iritang singhap ko.

Nagkatawanan silang lahat kaagad sa sinabi. Umirap ako sa hangin. Kakamot-kamot pa sa batok ay bumaba ako ng hagdan habang nasa likod ang walang lamang bag pack na suot ko.

"Oh, anak, gising ka na!" si Mama na may dala pang plato na may lamang pandesal na may keso galing kusina ang nadatnan ko pagkababa kaya ngumiti ako.

"Magandang umaga, Ma." Bati ko sabay lapit at mano sa kanya. Hinaplos niya ang buhok ko kaya inakala kong manlalambing. Dumampot ako ng pandesal, walang habas na inilapit sa bunganga ko para kainin pero 'di ko pa man nadidilaan ay may bahagyang humila na sa buhok ko.

"Wala ka na namang suklay, Revelia!" singhap niya kaagad sabay tanggal ng kamay sa buhok ko't kinuha ang pandesal sa aking kamay. Umungol na ako sa reklamo nang magtawanan ang mga kaibigan sa nakita.

"Mama!" reklamo ko sabay tingin sa kanya pero umiling lang siya at ibinalik ang pandesal sa plato.

"Shh, hindi para sa 'yo 'tong pandesal. Para 'to sa mga kaibigan mo. Hindi ka na nahiya sinundo ka pa rito at late na late kang lokaret ka!" kinurot niya ang tagiliran ko kaya mas napaigik ako at napasipa.

"Mama naman! Wala namang pasok ngayon kasi Valentine's! Anong gagawin ko sa school, ah? Sawang-sawa na akong magsabi ng Sana All!"

Sumimangot siya at pinitik ang noo ko.

"Mag-aral ka, Revelia. Hindi ko sinabing mag-sana all ka sa eskwela!" paalala pa niya sabay iling at sulyap sa mga kaibigan ko. "Eunice, Jeremiah, Junard, pagsabihan n'yo nga itong babaeng 'to nang mag-aral!"

Sumulyap sa akin ang mga kaibigan at tumango-tango.

"Oo nga, Rev! Mag-aral tayo ng mabuti! Gayahin mo kami!" segunda pa ng Junard na ito at bago pa man ako makapagsalita ay tinapik na ni Mama ang balikat ko.

"Gayahin mo ang mga kaibigan mo at mag-aral ng mabuti. Naku, Revelia! Malapit ka na magtapos ng high school hindi ka pa rin nakakatapak sa mataas na seksyon. Ano pa't valedictorian ang Mama mo kung wala kang pakialam sa pag-aaral mo?" aniya.

"Hala, valedictorian ka, Ma?" gulat kong sabi sabay hawak sa dibdib. "Bakit sabi ni Lolo dati no'ng 'di pa siya nag-hello kay Lord—Lo, h'wag mo 'kong multuhin, please—na madalas ka raw makurot ni Lola kasi tambay ka sa bilyaran?!"

Nanlaki ang mata niya at sinimangutan ako. Nagpanggap akong inosente.

"Yari ka sa akin mamaya," banta pa ni Mama sa maliit na boses sa akin sabay sulyap sa mga kaibigan kong parang anghel na. "Eunice, kayo muna rito sa anak ko, ah? Alam ko namang medyo tomboyin pero hahayaan ko kayong hanapan siya ng lalaki ngayong araw para 'di na siya mag-sana all."

Nalaglag ang panga ko.

Grabe itong Mama ko! Parang 'di ako anak, ah?!

"Sige, Tita!" tumawa ang lokaret.

"H'wag kang mag-alala, Tita. Subukan naming hanapan ito nang 'di na mag-sana all. Akong bahala rito kay Pareng Revel para 'di na siya mag-rebel." Pasimple kong sinipa si Jeri nang umasta na namang macho-gwapito patpatin naman!

Rebel HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon