"Mapanakit ka na rin, ha?" Sita nito at natatawa na napakamot sa ulo si Alex. Ano bang malay niya, 'di ba? Napapanood lang naman niya iyon sa telebisyon. Kahit naman mayroon iyon dito, hindi niya naman masusubukan. May ibang bagay siyang kailangan pahalagahan, at hangga't kumakain naman silang pamilya nang tatlong beses sa isang araw. Sapat na iyon sa kanya.

"Kung hindi bibili, umalis na lang!"

Sumama ang timpla ng mukha ni Alex nang marinig niya iyon. Kahit hindi naman direkta na sinabi sa kanila, alam niyang sila ang tinutukoy. "Kung pangit ka, huwag ka nang magsalita." Pagtataray ni Alex, harap-harapan pa niya iyon na sinabi. Nagulantang ang mukha ng babae, halos hindi makagalaw sa kinatatayuan niya. Mukhang hindi niya iyon inaasahan.

"Tara na!" Aya ni Alex kay Kelly. "Ang pangit... ng nagbebenta." Sigaw pa nito, at mabilis na hinila si Kelly palabas.

Habol tuloy nilang dalawa ang kanilang hininga. Talagang binilisan kasi nilang tumakbo dahil lumabas pa ang nagbebenta. Mukhang doon lamang natauhan sa sinabi sa kanya nang makalabas na silang dalawa. Mabuti na lang at hindi na sila hinabol pa.

"G-Grabe ka girl. Mamamatay yata ako dahil lang sa ulam na gusto mo!" Habang hawak-hawak ni Alex ang dibdib dahil sa pagod na tumakbo.

"Alam ko na ang gusto ko..." Hindi naman nagawang pansinin pa iyon ni Kelly dahil mukhang inuna niyang isipin iyong pagkain na gusto niya. Halos kuminang pa ang mata niya nang sabihin niya iyon.

"Sa wakas naman, 'no?" Sarkastiko na wika ni Alex. "Ano ba iyon?"

"Balut!" Nakangiti niyang sambit. "Gusto ko ng balut!"

Nanghihina na tumawa si Alex, hindi siya makapaniwala. "Alam mo na nga ang gusto mo, pero balut naman. Sige nga, saan tayo hahanap ng balut nang ganitong oras? Tanghali pa lang kaya!"

Sumimangot naman si Kelly. "Iyon ang gusto ko, baks!" Niyugyog pa nito ang braso ni Alex, talagang iyon ang hinahanap niya. Ang gusto niyang makain sa oras na iyon.

Napabuntong-hininga na lang si Alex, at inirapan pa si Kelly. Wala na naman kasi siyang magagawa, maghahanap pa rin siya. Kaya kahit man lang doon ay makabawi siya.

"Oo na!"

PAGKAPASOK pa lang ni Alex at nang matanaw siya ni Kelly, iba na ang kinang ng mata nito. Pero nang makitang walang dala si Alex, para naman siyang binagsakan ng lahat ng problema.

"G-Girl..." Nagpapaawa ang boses ni Alex. Alam niyang galit na sa kanya si Kelly, sa itsura pa lang kasi nito halatang-halata na!

"Huwag mo akong kausapin!"

Lumapit si Alex kaya naman tumayo si Kelly at marahas na binunggo siya. "A-Attitude ka, girl!" Napahawak na lang sa braso si Alex. Bukod kasi sa hindi niya inaasahan iyon, ay talagang masakit. Sadyain ba naman, eh.

"Tsk! Bakla ka!" Talagang hindi nagpatalo si Kelly. Kaya bago pa man makasagot si Alex sa kanya, tinungo na niya ang banyo, at hindi na lumingon pa.

Kinuha naman ni Alex ang nabili niyang balut sa labas. Sinadya talaga niyang iwan muna iyon para makita ang reaksyon ni Kelly.

Nang makuha na ni Alex ang pinamili niya, tinungo na niya ang kanyang lamesa, at inumpisahan niyang kumain. Paglabas naman ni Kelly, saktong pagkadako ng tingin niya kay Alex. Ganoon na lang kabilis na nagbago ang kanyang mood, kumikislap na ang mata niya.

"Baks, nakabili ka pala..." Malambing niyang sabi kay Alex. Umupo pa siya sa tapat ni Alex. Parang kanina lang ay sinungitan lang niya. Ngayon naman, halos sambahin niya si Alex.

Ngunit parang walang narinig si Alex, at talagang nilakasan niya pa ang paghigop ng sabaw. "Ang sarap talaga..." Pagpaparinig pa niya.

"Baks!" Simangot ni Kelly.

ACCIDENTALLY GLANCES THE CITY BOYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon