"Mabuti na lamang at nalinawan na ko."

"Ano daw? Naguguluhan ako."

"Meron bang pwedeng magpaliwanag sakin?"

"Ang sakit sa ulo. Hindi ko naintindihan."

"Meron pa ba kayong katanungan? Kung wala na, maaari na ba akong magpatuloy sa pagsasalita?" Sabi ko at muling tinignan silang lahat.

Walang sumagot. Nakipagtinginan lamang sila sakin. Mabuti. Para wala nang diskusyon na maganap. Nasasayang lang ang oras ko sa pakikipagusap sa kanila.

Akmang magsasalita na sana ako nang biglang may magtanong na naman. Napairap ako dahil sa sobrang inis.

"Maam, ano pong klaseng tattoo yang nasa bandang dibdib niyo? Bago lang po ba yan?" Tanong nito sa akin. Pasilip-silip pa ito na tila ba gustong makita nang mas malinaw ang sinasabi niyang tattoo.

Labis akong nainis dahil sa katanungan niya. Ayaw na ayaw ko pa namang pinag-uusapan ang bagay na iyon. Dahil malaki ang kinalaman nito sa pagkatao ko. Nilapitan ko siya at hinawakan ng napaka-higpit sa braso niya habang pekeng nakangiti. Napangisi naman ako nang makita ang takot na takot niyang mukha na tila ba sising-sisi sa mga sinabi niya.

Nakaramdam ng saya ng mga sandaling iyon. Ganyan. Ganyan ang gusto ko. Umiyak kayo sa harapan ko at magmakaawa. Dahil pagkatapos ng araw na ito, ako na ang magdedesisyon para sa mga buhay niyo. Mamimili ako kung sino ang mga isasali ko sa laro, at kung sino ang mga kailangang tanggalin.

Nasasabik na ako sa araw na iyon.

"S-s-sorry po," takot na takot na sabi nito sa akin habang nakatingin sakin ang mga kaklase niya.

Takot na takot rin ang mukha ng mga ito. Sigurado akong napapansin na nila kung ano ang ugali ko magmula pa kanina. Ganyan nga. Kilalanin niyo ako. Kilalanin niyo ang Miss Laurang nasa harapan ninyo ngayon.

"Wag na wag mo nang itatanong sa akin yang bagay na yan, maliwanag ba?" Galit ngunit may pagkahinahon na sabi ko sa babaeng iyon. Tumango lang siya sakin bilang pagsang-ayon.

"Kayo rin. Wag niyo rin akong tatanungin tungkol sa bagay na iyon. Maliwanag ba?" sabi ko pa sa iba kong estudyante. Nagsitanguhan rin sila gaya nitong nauna.

Pakialamera.

Tiningnan ko lang muli ang babaeng iyon bago padabog na binitawan ang braso niya. Namumula na iyon ngayon na lalong nagpapasaya sakin. Mahilig talaga akong magpahirap ng mga estudyante. Lalo na kung ako ang may hawak sa mga ito.

Tumalikod na ako at naglakad pabalik sa unahan. Hinding-hindi ko makakalimutan ang pangalan ng pakialamerang iyon kahit kailan.

"Lucy," bulong ko at muling tumingin sa kinauupuan niya.



Ivanna's POV

"Ayos ka lang?" Nag-aalalang tanong ko kay Lucy matapos siyang hawakan ng mahigpit sa braso ni Miss Laura. Grabe. Kakaiba talaga ang gurong iyon.

Sa lahat ng gurong nakilala ko, siya lang ang walang pakialam sa estudyante. Talaga namang napaka-sama ng ugali niya. Wala siyang pakialam sa mga estudyante niya at nagagawa niyang saktan ang mga ito. Posibleng siya rin ang may gawa ng sugat sa binti nina Heather at Krylle. Dahil base sa mga nakikita ko, tuwang-tuwa pa siya sa kalagayan nung dalawa nang makita niya ito kanina.

"Humanda siya sakin. Pagbabayaran niya ang ginawa niya," rinig kong bulong ni Lucy. Ibang klase talaga ang babaeng ito. Mapaghiganti masyado. Kinakabahan tuloy ako sa naiisip niya.

"Huminahon ka Lucy. Pigilin mo ang galit mo," sabi ko sa kanya habang nakatingin kay Miss Laura.

Pinagmasdan muna ni Miss Laura ang buong klase bago siya muling magsalita.

"Gusto kong sabihin sa inyong lahat, bilang ako ang gurong-tagapayo niyo sa section na ito, ay may limang rules ako na dapat ninyong sundin. Oras na may lumabag o hindi sumunod sa limang rules ko na ito, ay mayroong hindi magandang mangyayari sa inyo. Kaya gusto ko na kayong lahat, sundin niyo itong mga sasabihin ko."

Ano ba 'tong kalokohan niya?

Napairap tuloy ako.

"Una, ayaw na ayaw ko sa lahat ang maiingay. Nabi-bwisit talaga ako sa tuwing nakaririnig ako ng pagsigaw. Ang sakit sa tenga. Nakakarindi. Ikalawa, kung may ikakalat kayo na tsismis tungkol sa akin sa loob at maging sa labas ng paaralang ito, sinasabi ko sa inyo na wag niyo nang ituloy. Dahil, hindi niyo ko lubusang kilala. Ikatlo, wag na wag kayong gagawa ng kalokohan kung saan madadawit ang pangalan ko. Ikaapat, hindi kayo maaaring lumabas ng klase na ito nang wala ang pahintulot ko. At ang panghuli, ang ikalima, hindi niyo maaaring galawin o pakialaman ang mga gamit ko na nasa ilalim ng mesa na nasa harapan. Maliwanag ba?"

Nakakainis. Ano ba itong mga pinagsasasabi niya? Ano 'yon, Kalokohan? May rules na nga sa school na 'to pati ba naman sa klase meron din? Pambihira.

Ayoko na dito.

"Yes ma'am!" Masiglang sagot ng mga kaklase ko.

Muli akong napairap. Halatang mga napipilitan lang naman sila. Ayaw rin nila kay Miss Laura gaya ko. Masuwerte sila dahil hindi napapansin ng gurong ito na pinaplastik lang nila.

Hindi nga ba talaga?

The OppositeWhere stories live. Discover now