"Teka lang ha, palibhasa kasi wala kayong alam sa ganito. Ang mabuti pa, gisingin mo na si Princess at magpapatulong ako sa kanya," sagot ni mama kay papa habang nilalabas ang mga binili.
'Di na sumagot si papa at dumiretso na lamang sa kwarto kung saan kaming lahat natutulog.
Narinig ko ang paggising niya kay Princess, ang nakababata kong kapatid. Nag-aaral pa siya, 'di tulad ko.
Bakit nga ulit ako nag-stop? Hindi ko rin ginusto, pero ang wala kasing malapit na public school dito para sa kolehiyo eh. Mayroon pero sa siyudad pa at kinakailangang doon nakatira para makapag-aral.
'Di ba, dana.
Tang ina, nakakapanghinayang. Kung hindi ako tumigil, kolehiyo na sana ako ngayon. Ayaw na akong pag-aralin ulit dahil sayang lang daw ang pera.
Napatingin ako sa oras, alas-dose na pala. Kaya rin siguro umiiyak na ang t'yan ko.
Saglit akong tumungo ng kusina at nakitang nagluluto si mama.
"Ma, tulungan na kita diyan," sabi ko habang tinitingnan ang piniprito niyang hotdog.
Tinanggihan niya ito at sinabing makakaabala lang ako.
Nagbuntong-hininga na lang ako.
Kumuha na lang ako ng tubig at ininom ito, humihiling na sana mabusog ako sa isang matabang na likido.
Napasimangot ako matapos uminom. Gutom na gutom na talaga ako.
***
"Santi, bili ka muna saglit ng sigarilyo at alak do'n," utos ni papa.
Nagbuntonghininga ako bago tumayo. 'Di niya ba nakikita na kumakain pa ako?
Nang makapunta na sa sala, nakita ko siyang nakaupo do'n at tila ba may iniisip. Ipinakita ko ang palad ko sa kanya, at sumenyas na bigyan ako ng pera pang bili.
Tiningnan niya ako gamit ang nawiwirduhang tingin.
"Pa, nasa'n na pambili?" paglilinaw ko.
"Hingi ka kay mama mo. D'yos ko, sa tingin mo ba may pera ako?" sabi niya. Oo nga pala, palamunin lang siya sa bahay.
Ako rin naman, eh.
"Ma, penge pong pera!" nilakasan ko ang sigaw ko para marinig ni mama na nasa loob ng kwarto.
Nakakatamad kayang maglakad pa papunta do'n, at saka maririnig naman siguro ako, wala naman kasing pintuan 'yon.
"Utang ka na lang muna!" sigaw niya pabalik.
Wala akong nagawa, gusto kong magdabog sa pag-uugali nilang dalawa.
Huminga akong malalim bago salubungin ang labas ng bahay. Inalis ko ang pandinig, hindi ko pinansin ang mga tingin nila sa 'kin. Napapayuko ako sa mga matutulis nilang matang nakatuon sa akin.
Alam ko 'yan, 'yong mga tingin na 'yan, halatang nanghihinayang sila sa nangyari sa 'kin.
"Pabili po!" sabi ko nang makarating sa tindahan.
Ilan pang tawag bago ako makarinig ng sagot. "Sandali lang!" sigaw ng isang matandang boses.
Tumalikod ako sa tindahan at pinagmasdan ang kabuuan ng kalye. Ang daming mga bata na naglalaro. Tumbang preso, tagu-taguan, habulan, patintero, at mga larong gawa-gawa lang ata nila. Ramdam ko 'yong tagaktak na pawis ng mga naglalaro, 'di rin nakatulong ang maruruming usok na nanggaling sa mga motorsiklo at traysikel.
"Ano 'yon?" naputol ako nang marinig na ang tindera.
"Nay, utang lang ako sana tatlong pirasong sigarilyo at saka isang bote ng RedHorse," sabi ko habang nagpapaawa.
"Sige, huli na 'to ah. Sabihin mo rin d'yan sa mga magulang mo na magbayad na! Baka ipa-barangay ko sila kapag nagtagal," pananakot niya.
Tumango na lamang ako at sinabing, "Salamat po!"
***
Napatingin ako sa langit, ang ganda talaga nito. Ngayo'y wala na ang presensya ng araw, buwan na at mga bituin ang nangingibabaw. Palagi akong napapaisip, napakagaling na pintor ang gumawa nito.
Pinapakita Niya na kahit na sa kalagitnaan ng dilim, kahit na wala na ang bolang nagliliyab na bumubuhay sa mga naninirahan, mayroon pa ring kakaunting liwanag, sapat na para magbigay ng pag-asa na darating pa ang kinabukasan.
Isa pa, mas gusto ko ang gabi kaysa umaga. Masyado akong nasosobrahan sa liwanag na dala-dala ng araw. Para bang masyado itong nakasisilaw sa mga mata. 'Di tulad ng buwan, sapat lang ang liwanag na inilalaan niya. Kalmado lang at mapayapa.
Kinuha ko ang aking phone at binuksan ang Camera App. Kukuhanan ko sana ito ng litrato, pero napagtanto ko na sobrang labo nito kumuha kaya't wala na ring kwenta. Dahil sa pagkairita, aksidente kong napindot ang mobile data, at nabuksan ito.
Papatayin ko na sana nang bigla akong nakatanggap ng notification.
Inna Verrera has sent you a friend request.
YOU ARE READING
Cannot Be Reached
Teen FictionSanti knew how the world wouldn't just work the way he wanted it to be. Ang makakain, makapag-aral, at mabuhay ay hindi isang karapatan, kundi isang pribilehiyo sa paningin niya. He was sick of it. So in desperation, Santi did everything he could t...
Simula
Start from the beginning
