01

58.7K 886 47
                                    




Si Miguel Santillan, ay ang pinakabata at mayamang Haciendero sa Lalawigan ng Santa Teresita, at sa edad niyang dalawampu't walo ay wala pa siyang kabiyak. Hilig niya ang pangangabayo, pangangaso, pangingisda sa ilog at ang pagbabasa ng aklat. Mayroon din siyang natural na karisma na kinamamahanghaan at kinakagigilawan ng mga kababaihan sa kanilang lugar. Magka-ganoon man ay wala pa din siyang napupusuan hanggang sa ngayon. Masyadong mailap ang babaing para sa kanya o sadyang pihikan lang siya.


Magulo ang panahong ito, ang mga Espanyol ay hindi pa din bumabalik ng Espanya. Kabi-kabila ang agawan ng mga lupa, inaangkin ang mga lupa ng mahihirap na siyang tanging pag-asa na lang ng mga ito para mabuhay. Ang mga nasa laylayan ng lipunan ay sadyang naghihikahos sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang mga paslit ay hindi nakakapasok sa eskuwela sa halip sila ay tumutulong sa pagsasaka o iba pang gawain sa bukid. At totoo nga ang kasabihang isang kahig at isang tuka, sapat na ang makakain ng isang beses sa isang araw at magkalaman man lang ang tiyan. At ang tanging mabubuhay nga lang siguro sa panahong ito ay ang mga dugong bughaw.




Ang mga mahihirap ay parang nakatadhana na magsilbi sa mga mayayaman para sa kakarampot na barya. Ilang ektarya na ba ng lupa ang nakamkam ng matandang Santillan noong nabubuhay pa ito? Hindi na mabilang.




"Ano na naman ang kailangan mo Ernesto?" Tanong ni Miguel ng pumasok
ang kanyang kababata at anak ng katiwala ng kanyang ama noong nabuhuhay pa ito. Narito siya ngayon sa silid aklatan sa loob ng mansiyon.
"Hindi ka talaga marunong kumatok kailanman."



"Hindi ko naman kasalanan na bukas ang pinto Miguel. Siya nga pala ako'y naparito para ipaalam sayo na iniimbitahan ka ng Gobernadorcillo bukas ng gabi sa kanyang tahanan, kaarawan niya pala bukas."




"Alam mong wala akong hilig sa mga ganyan, mas gugustuhin ko pang mangabayo o di kaya mangisda." Ibinaba ni Miguel sa lamesa ang binabasa niyang aklat. Naupo naman ang kanyang kaibigan sa bakanteng silya na naroon din sa silid.




"Pero Miguel kailan mo pa din makihalubilo sa kanila lalo pa at kaibigan niya si Don Gregorio." Wika pa ni Ernesto, si Don Gregorio ang namayapang ama ni Miguel dalawang taon na ang nakakalipas sa hindi malamang sakit.



"Siguro ang aking ama pero hindi ako, hayaan mo pag-iisipan ko ang tungkol diyan Ernesto." Tumayo si Miguel at binalik ang libro sa aparador na gawa sa kahoy na narra na naroon. Hilig talaga niya ang pagbabasa ng aklat lalo pa noong bata siya.



"At saan ka na naman pupunta? Akala ko ay titingnan mo ang mga trabahador sayong tubuhan ngayong umaga?"




Sinuot ni Miguel ang kanyang sumbrero bago tiningnan si Ernesto. "Ako ay mangangabayo sa burol."




"Mangangabayo nga lang ba? Kilala kita Miguel kung hindi ko lang kilala ang aking magulang iisipin ko talagang kapatid kita." Napapailing-iling na sabi ni Ernesto, kilalang-kilala niya na ito at alam niyang hindi simpleng pangangabayo ang gagawin nito.




"Ano pa ba ang gagawin ko kung ganon? Wala namang ibang magandang gawin ngayong umaga."





"Alam kong pupuntahan mo na naman si Cristina sa ilog at magbaba-kasakali kung naroon siya, maawa ka naman sa dalagang yun Miguel. Lagi mo na lang iniinis."
Saway ni Ernesto.




Natawa naman si Miguel sa tinuran ng kababata, si Cristina ang dalagang naninirahan kasama ang ina nito sa tabing ilog na sakop ng kanyang Hacienda. Ilegal ang pagtira at pagtayo ng mga ito doon ng bahay pero sadyang makulit talaga ang dalaga at ayaw umalis sa kanyang lupa. "Parang hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ko nasisilayan si Cristina lalo na kapag namumula na ang kanyang mukha sa sobrang inis sa akin."




Miguel Santillan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon