I M A H E
Ni Alexandra Javier
PROLOGO
Pagod na naupo si Lara sa bakanteng silya. Naiinitan, pero pinilit niya pa ring maiabot kani-kanina lang ang order na barbeque ng suki nilang costumer. Ngayon, kaharap niya na lang ang bagang wala nang nakapatong na inihaw.
Tinawag niya ang helper nilang si Badet. "Aling Badet, kayo na ho muna ang bahala rito ah. Magpapahinga lang ako sa loob. Nasinghot ko yata lahat ng usok no'ng huling inihaw ko," biro pa niya.
Natawa rin ang ale. "Ay siya, sige laang, Ma'am. Sabi ko naman po sa inyo na ako na lang ang bahala rito. Kumpleto naman kami. Baka mapagalitan na kami ni Sir Terrence kapag nalaman niyang nausukan na naman ang unica hija niya."
Iiling-iling na lang siyang naglakad papasok sa loob ng maliit na opisina ng kainan nila.
"Kainan." Iyon mismo ang pangalan ng restaurant nila. Kilala silang lokal na kainan sa lugar dahil nasa paanan lang sila ng Mt. Maculot. Karamihan sa mga kumakain sa kanila ay mga nagha-hike. Mag-jowa, magkaibigan, kabit, friends with benefits, magkakaklase... iba-ibang tao ang laman ng Kainan sa bawat araw.
Dati, ang Kainan sa Benguet ang mina-manage niya. Pero nang lumipat siya sa CALABARZON, nagboluntaryo na siyang mag-manage ng branch nila sa Cuenca, Batangas.
Isinara niya ang pinto ng maliit na opisina. Naupo siya sa swivel chair sa harap ng desk. Hinawakan ang batok at inikot-ikot ang ulo. Kaunting gawain pa lang ay para na siyang walang lakas na natitira.
"What a life," bulong niya kasunod ng mahinang buntong-hininga.
Alam niyang magagalit ang daddy niya kapag nalaman nitong ginagawa niya rin ang lahat ng gawain sa Kainan, kahit pa ang gusto lang nito ay mag-focus siya sa paperworks at sales niyon.
Paano niya naman malalaman na epektibo siyang boss kung hindi niya mararamdaman ang pakiramdam ng mga empleyado?
Mas mabuti nang naroon siya kesa ubusin niya ang oras sa pagkukulong sa kwarto.
Abala siyang hilutin ang sarili nang mapansin niyang bukas ang medicine cabinet sa bandang ulunan niya. Napakunot ang noo ni Lara. Bakit hinayaan lang na nakabukas iyon?
"Nako, ang burara naman."
Napilitan siyang tumayo at tumuntong sa swivel chair. Sinuguro niya munang nahubad niya na ang suot na sapatos. Pagkatapos ay tumingkayad na siya para isara ang may kataasang medicine cabinet.
Nasa ganoong estado siya nang biglang gumalaw ang tinutuntungan, dahilan para mawalan siya ng balanse. Dire-diretso siyang lumagpak sa sahig. Bago pa niya maireklamo ang pagkauntog ng ulo, bigla siyang nawalan ng malay.
I
MASAYANG-MASAYA si Lara na makita ang mga kamag-anak na naroon sa kanilang tahanan. Hindi niya akalaing bago matapos ang taon ay makikita niya ang mga ito. Alam niya kung gaano kaabala sa kani-kanilang buhay ang mga tiyo at tiya niya kaya naman masaya siya na pinaunlakan ng mga ito ang paanyaya ng kanyang ama.
"Oh, dapat masarap 'yan ah," pabirong bungad sa kanya ng kanyang Tita Emily habang sinisilip ang iniihaw niyang karne. Naroon siya sa harap ng griller, iniikot-ikot ang mga barbeque na tinuhog niya kani-kanina lang.
Inabot siya ng isang oras sa pagtutuhog ng karne dahil kaliwa't kanan pa ang mga gawaing tinapos niya sa kusina. Panay ang paalala at pagtulong niya sa mga kawaksi kung paano lutuin nang tama ang mga putahe.
Ang ama naman niya ang abalang nag-estima sa mga bisita. Hindi nito magawang iwan ang mga kamag-anak na tila sabik din nitong makakwentuhan matapos ang mahabang panahon na hindi nila pagkikita-kita.
YOU ARE READING
IMAHE
RomanceSa pagdilat ng mga mata ni Lara, nalaman niya agad na bumalik siya sa nakaraan. Kung paano at bakit, hindi niya alam. Pero sigurado siyang hindi iyon ang panahon niya. Kahit pa ganoon, pinilit niyang umakto nang normal habang hinahanap niya ang para...
