KAPITULO XLIX: NAUDLOT

615 43 0
                                    

Akala nilang lahat mamamatay na si Annalyn, kaya't biglaang itinigil ang exorcism.

Habang ang dalaga'y nagkikislot, parang niyuyugyog ang buong katawan nito nang todo, at parang hindi hihinto ang panginginig.

Halos isang minuto itong inaatake ng matinding pangingisay, ngunit humupa rin ito, at kumalma.

Sinidlan ng matinding kaba si Felix, sapagkat kinutuban siyang babawian ng buhay ang maysapi habang pinagkakalooban ng eksorsismo.

Niyanig ang pari ng pangyayari.

"Iyon ay isang minutong parang walang katapusan," sabi niya sa sarili.

Sa kabutihang palad, buhay pa ang dalaga at humihinga. Nawalan lamang ng ulirat.

Kaya't nakahinga na rin nang maluwag si Felix.

Sa isip ng pari, naro'n parati ang tsansang pumanaw ang sinasapian habang pinagkakalooban ng eksorsismo. Subalit hindi pa rin niya ito maaaring hayaang mangyari.

"Handang ibuwis ng pastol ang kanyang buhay para sagipin ang tupang naligaw ng landas," pahayag nga ng Simbahan.

Sa mga oras na iyon, muling nagkukubli ang diyablo.

Walang paramdam ang masamang nilalang.

Hindi pa rin nito nilisan si Annalyn.

Tila papaslangin muna nito ang dalaga bago tuluyang lumayas— 'ililibing sa hukay kung hindi niya ito maaangkin'.

Siyang diyablo mismo ang kikitil ng buhay ni Annalyn kung pupuwersahin siyang pakawalan ang dalagang bihag.

Hinding-hindi papayag na ito'y maagaw sa kanya.

Lumipas ang ilang sandali, nagkaro'n ng malay si Annalyn.

Labis naibsan ang pag-aalala ni Jennalisa nang makitang nagising ang anak.

Nang magkamalay ang sinapian, tinanong ito ni Felix. "May naaalala ka ba sa mga nangyari habang ginaganap ang exorcism?"

Umiling si Annalyn. "Wala po," tanggi nito.

Pagkatapos sagutin ang tanong, tumindig ang dalaga, at tumuloy sa kuwarto. Umiwas sa maaaring karagdagang pag-uusisa.

Sa panig ng pari, kailangan niyang alamin paano nangyaring nagbunyag na naman ng mga kasalanan ang diyablo.

Iisa lang ang maaaring kadahilanan nito — hindi nagpunta sa sakramento ng kumpisal ang may-ari ng mga kasalanang isiniwalat.

Namamangha si Felix na humina ang diyablo kaysa dati. At nagawa pa nga niyang pigain ang pangalan nito.

Ngunit nanunuot sa kura ang pangamba, sapagkat lima ang binanggit na lagusan at lahat ito'y mga seryosong pagkakasala.

Mabibigat at mortal na mga kasalanan.

Nakakabahala.

At hindi pa ito kumpleto. Kulang ang lima.

Ayon sa demonyo, pito ang lagusan.

"Dalawa ang hindi pa nabunyag," tuos ni Felix sa isip.

Bilang pari, hindi niya pinagtutuunan ng pansin ang ginawang kasalanan ng tao. Ang mas tinitignan ay ang ganap na pagsisisi.

Tuwing kumpisal, kinakalimutan kaagad ng pari ang mga kasalanang inamin.

Tapat siya sa 'seal of confession'.

Pasok sa isang tainga, labas agad sa kabila. Hindi tumatatak sa utak.

Subalit sa kaso ni Annalyn, kailangang ungkatin ang mga kasalanan, kung saan nangungunyapit ang maruruming espiritu.

Sa ganitong paraan, matutukoy ang lagusan at maisasara ito.

Maitutuwid ang liko-likong pamumuhay. Maiwawasto ang baluktot na gawi't ugali.

Karugtong nito'y maitataboy ang diyablo.

At mahihirapan itong makabalik.

Sapagkat wala nang kasalanang madidikitan. Wala nang madadakma't malalapatan.

Sa mga sandaling iyon, nasa kuwarto na si Annalyn.

Nililinis na ni Jennalisa ang isinuka ng anak, habang nagliligpit naman ang dalawang tiyuhin ng mga nagkalat na kagamitan at kasangkapan.

Wari sinalanta ng buhawi ang loob ng bahay.

Habang ang mga pinsang Glenpaul at Vino, isinandal nila sa gilid ang family picture na nalaglag. Nagtamo ito ng biyak at lamat.

"Oras na munang umuwi," sabi ni Felix sa sarili.

Humantong na naman sa dulo ang pagtutuos ng exorcist at ng diyablo.

ITUTULOY

Labis na pasasalamat sa lahat ng sumusubaybay — bumabasa, bumoboto, at nag-iiwan ng komento!

Pansamantala munang ihihinto ang pagsusulat ng istoryang ito. Ang may-akda ay nakatakdang magpahinga't magbakasyon ngayong huling buwan ng taon, 'panahon ng Kapaskuhan at pagtatapos ng 2021'.

Susundan ang kapitulong ito ng 'Eksorsismo' sa Kapistahan ng Itim na Nazareno, 09 Enero 2022.

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaWhere stories live. Discover now