TADHANA KABANATA 31

10 1 0
                                    

[Kabanata 31 - Tanging Paraan]

TAHIMIK na aking winawalis ngayon ang mga patay na dahon na nahulog sa lupa sa loob ng hacienda Garcia. Hawak ng aking isang kamay ang walis tingting at hinahawi ang mga patay na dahon na nagmumula sa mataas na puno na aking sinisilungan ngayon, ang isa ko namang kamay ay nakahawak sa tapat ng aking puso.

Umaga pa lang at maaliwalas ang kalangitan, papasapit na ang napakagandang sinag ng araw sa maaliwalas na kalangitan. Marahang umiihip ang malamig na hangin na tila yumayakap sa akin. Ako'y nasa loob nga ng kasumpa-sumpang hacienda Garcia ngunit sa pagkakataong ito ay may ngiting gumuguhit ngayon sa aking labi.

Ilang araw na ang lumipas mula noong nagtapos ang aking ika-labing limang kaarawan, may namumuong saya ngayon sa aking puso dahil sa kanya. Hindi naging mahirap na ako'y nakauwi rito dahil kay Khalil, tulad ng kanyang sinabi ay sya na ang bahala sa lahat.

Sinamahan nya ako papauwi rito, hindi ko na nagawa pang tumingin ng diretso sa mga mata nya matapos ang pangyayari sa kalagitnaan ng paglubog ng araw at sa pagitan naming dalawa. Si Aurora ang sumalubong sa amin at tulad ng dati ay nagulat sya matapos makita si Khalil at hindi agad ako napansin.

Nagpalusot si Khalil na ako'y nabunggo nya at tumapon sa sahig ang lahat ng mga pinamili ko nang walang bakas sa mukha na sya ay nagsisinungaling. Hindi ko alam kung paano nya nagawa 'yon at agad napaniwala si Aurora, marahil ay hibang talaga ang babaeng iyon sa lalaking aking iniibig din.

Lumipas na ang ilang araw ngunit hindi pa rin ako makapaniwalang magagawa nya akong halikan, hindi ko alam kung bakit nya ginawa iyon. Naaalala ko pa rin noong sandaling iyon na humingi sya ng paumanhin kung gagawin nya man ang bagay na iyon.

Kaba at saya ang namumutawi ngayon sa aking puso na aking nararamdaman sa tuwing kasama ko sya, hindi ko mapigilang mapangiti dahil sa katotohanang nangyari nga ang sandaling iyon sa ikalawang pagkakataon.

Oo, sa ikalawang pagkakataon. Sapagkat minsan ko na rin syang nahalikan noon sa hindi inaasahan at sinasadyang pagkakataon, ilang taon na rin ang nakakaraan...

Pilipinas, 1872

"ANO ba ang dahilan at ako'y dinala mo rito?" Nagtatakang tanong ko kay Khalil habang ilinilibot ang aking paningin sa kapaligiran, narito kami ngayon sa ilog ng Santa Prinsesa kung saan nahulog kami noon.

Marahil ay may sumpa ang kanyang ginawa dahil ako'y mas lalong nahulog pa sa kanya.

"Ikaw ay hindi ko naman dinala rito, ang ating mga paa ang nagdala sa atin dito." Nilingon ko sya matapos nyang sambitin iyon, tumigil ako sa paglalakad at pinagmasdan syang nakatingin din sa akin ngayon.

"Ngunit yinaya mo akong lumabas kung kaya't ganoon na rin iyon," hindi magpapatalong saad ko at nginitian sya, napakurap sya ng dalawang beses bago mapangiti na rin at napatango sa aking sinabi.

Umihip ang sariwang hangin at kasabay no'n ay nagpatuloy na rin ako sa paglalakad, tumigil ako sa gitna ng tulay at nilingon sya. Napatigil na din sya sa paglalakad at nagtataka akong pinagmamasdan. Dito ko nais makipagusap kung kaya't dito muna kami ngayon sa gitna ng tulay.

"Bakit mo ako yinayang lumabas?" Usisa ko bigla at naghihinala syang tinignan, mula sa seryosong mukha ay napangiti muli sya at sumandal sa hawakan ng tulay.

"Masama ba?" Tanong nya pabalik habang nakangiti pa rin, napailing na lang ako at natawa. Ang mga sagot nya talaga.

"Ano ang iyong masasabi ngayong labing walong taong gulang ka na?" Pag-iiba ko ng usapan, muling umihip ang malamig na hangin at pinagmamasdan ko pa rin ngayon ang maaliwalas nyang mukha. "Malapit ka nang mag-asawa," dagdag ko, napangiti sya.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now