TADHANA KABANATA 14

10 2 0
                                    

[Kabanata 14 - Kakaiba]

KATAPUSAN na ng oktubre at matapos kong yayain si Doña Cecilia sa simbahan sandali upang humingi ng tawad para sa akin at sa anak nya na rin ay nagtungo naman kami ngayon sa panciteria sapagkat kami ay nagugutom na. Kalapit lang ito ng simbahan.

Nang makababa sa kalesa ay sabay kaming pumasok ni Doña Cecilia sa loob, hapon na at nakasilip pa rin ang liwanag ng araw. Tinanong ko si Doña Cecilia kung nasaan si Cresensia at hindi sya kasama, ang sagot nito ay kasama ni Cresensia ang kaibigan nya at pumasok sa eskuwela.

Tinuturuan sila roon ng iba't ibang bagay tulad ng pagbuburda, pagsasalita ng wikang espansyol, kung ano ang tama at hindi tamang gawin ng isang binibini, kung paano tumugtog, at iba pa. Magkahiwalay ang paaralan ng mga kalalakihan at kababaihan, iba rin ang tinuturo nila sa mga lalaki kumpara sa mga babaeng tulad ko.

Napatingin ako sa isang binibini na pinupunasan ngayon ang lamesa, malinis na naman ito ngunit pinupunasan nya pa rin. Nang maramdaman ang presensya namin ni Doña Cecilia ay nag-angat na sya ng tingin sa amin, matapos mapatingin kay Doña Cecilia ay tumigil ang kanyang mga mata sa akin.

Magsasalita na sana sya ngunit tila ang kanyang sasabihin ay napunta sa dulo ng kanyang dila at hindi na nasabi iyon, nilingon nya na lang ang kasamahan nyang serbidora tulad nya. "Pst!" Tawag nya rito at inunguso kami, nagtaka ako sa paraan ng kanyang pagkilos.

Lumapit na sa amin ang serbidora na tinawag nya ngunit ang aking mga mata ay nanatili sa kanya, pupunasan na nya muli sana ang lamesa ngunit mukhang napagtanto na nyang malinis na pala iyon. Napakamot sya sa kanyang ulo at naglakad na lang palabas.

Nagtataka ko syang sinundan ng tingin. Bakit ganoon? Bakit ganoon sya kumilos? Tila isang lalaki kung maglakad, walang bahid na pagkahinhin at tila may mali talaga sa kanya. Tila bigla akong nahiwagaan sa kanya dahil kumpara sa iba, kakaiba sya.

Pinaupo na kami ng serbidora sa lamesang pinupunasan kanina ng binibining iyon, napahinga na lang ako ng malalim at bumalik na sa aking mundo. Hindi na ako nakabili ng pluma at tinta dahil isinama ako ngayon ni Doña Cecilia sa kanyang lakad, minsan ay napapaisip na lang ako kung sino ba talaga ang kanyang manugang.

Nang masabi ni Doña Cecilia ang aming nais ay muli na nya akong nilingon, biglang may pumasok sa aking isipan na nakalimutan ko kahit na iyon ang iniisip ko magdamag. "Doña Cecilia... Nais ko lang po sanang itanong kung nasaan ngayon si... Si Khalil?" Nagdadalawang isip na tanong ko, napatigil ang Doña ngunit agad syang ngumiti ng kaonti.

"Si Leviano ay umalis kagabi papunta sa Cavite, sya'y nagtungo roon sapagkat ipinag-utos ng ating gobernador-heneral na sanayin at hubugin nya ang hukbo roon. Ako ay labis na humahanga talaga sa narating ng aking anak," nakangiting sagot at saad ni Doña Cecilia, napangiti naman ako dahil nakikita ko ngayon ang saya sa kanyang ngiti.

"Maging kay Sergio at Cresensia, ipinagmamalaki ko ang mga anak ko. Masaya ako dahil lumaki sila ng mabuti at may takot sa diyos," patuloy ng Doña habang nakangiti sa kawalan, napatango naman ako ng dalawang beses. Sadyang kahanga-hanga talaga ang kanilang pamilya.

Ilang sandali pa ay dahan-dahan akong tinignan muli ni Doña Cecilia at mukhang napaisip. "Sandali. Tila may bagay na kay tagal ko nang naririnig ngunit ngayon ko lang napagtanto sa iyo," saad ni Doña Cecilia habang nakatingin sa akin, nagtaka naman ako at napaisip din bago magtanong.

"Ano naman po iyon?" Interesadong tanong ko. Tungkol daw sa akin?

"Ikaw lang pala ang tumatawag sa aking panganay na anak ng kanyang unang pangalan. Ang pangalan nyang Khalil," pagpupuna ni Doña Cecilia na ikinatigil ko, ngayon ko lang din napagtanto na sa lahat ay ako lang ang tumatawag sa kaniya noon.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now