TADHANA KABANATA 30

Magsimula sa umpisa
                                    

Napatikhim ako at umatras na sa kanya dahil masyado kaming malapit sa isa't isa. "Salamat," rinig kong saad nya ngunit tinalikuran na sya upang itago ang aking ngiti, isa sana iyon sa aking gagawin palagi kung ako'y nakasal sa kanya. Ngunit hindi bale na, ang mahalaga ay nagawa ko rin ito.

Sinuot na nya ang kanyang itim na abrigo at sumbrero bago ako muling lingunin, napatulala na lang ako sa kanya sapagkat kahit anong gawin at suotin nya, hindi pa rin maglalaho ang kanyang kagandahang lalaki. Maging sya ay hindi maalis ang tingin sa akin ngayon.

Sinundan ko sya ng tingin hanggang sa makalapit sya sa akin, napatigil ako nang ilahad nya ang kanyang palad sa akin. "Tayo na?" Tanong nya, napangiti ako at tinanggap ang kanyang kamay na kahit hindi nya ibigay ay handa 'kong tanggapin.

Sapagkat mahal ko sya.

SABAY at hawak kamay kaming naglalakad ngayon dito sa daungan, kanina ko pa sinusubukang pigilan ang aking ngiti dahil sa kanyang kamay na nakakapit pa rin sa akin hanggang ngayon. Paminsan-minsan ay ako'y sinusulyapan nya, marahil ay iniisip nyang ako'y nababaliw na.

Kami ay kumain na kanina, sa bawat pagpatak ng segundong kasama ko sya ngayon ay hindi ko naramdamang hindi ako espesyal. Hindi ko alam kung bakit nya ginagawa ito, ang tanging alam ko lang ay gusto ko ito at ito ang tanging nagdadala ng ngiti sa aking labi.

Ilang sandali pa ay napatigil ako sa paglalakad dahil tumigil sya, hindi ko na naisip pa kung nasaan kami ngayon dahil sa kanya lumulutang ang aking isipan. Natauhan na ako at nag-angat ng tingin sa kanya bago ilibot ang aking paningin, nanlaki ang mga mata ko matapos makita ang bangkang mukhang naghihintay sa amin ngayon!

"Khalil!" Nabibiglang pagtawag ko sa kanya at napakapit sa suot nyang abrigo, napasimangot ako nang makitang matawa sya ngunit sa kabila noon ay napangiti ako sa aking loob-loob dahil nakita ko ang kanyang ngiti.

Natatawa nyang kinuha ang aking kamay na nakakapit sa kanyang damit at inalis iyon sa kanya. "Ako ba ay ihuhulog mo na naman sa bangkang iyan?" May sama ng loob na tanong ko, ngunit dahan-dahang humupa ang pagkakunot ng aking noo matapos maramdamang humigpit ang pagkakahawak nya sa aking kamay.

"Sasaluhin naman muli kita," nakangiting saad nya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, napatigil ako. Sana nga ay maging ang aking pusong patuloy na nahuhulog sa kanya.

Napangiti na lang ako at tumango, lumibot ang aking paningin. Papalubog na ang araw at napakaganda ng kulay kahel na kalangitan ngayon. Kaonti rin lang ang tao sa aming kapaligiran sapagkat malayo kami sa mismong daungan, bumalik ang aking mga mata sa kanya nang maingat nyang pisilin ang aking kamay.

"Maaari bang sumakay na ang perpektong binibini na ito?" Napangiti ako at natawa matapos marinig ang binansag nila sa akin noon, hindi ako makapaniwalang darating ang araw na pangungulilaan ko rin ito.

"Maaari naman sapagkat ito ang nais ng ginoong katulad mo," nakangiting sagot ko sa kanya at tinanggap ang kanyang pag-alalay sa akin patungtong sa bangkang ito.

Nang makatungtong sa bangka ay sumunod naman sya, lumapit sya sa akin at maingat na inalalayan ako paupo. Napangiti na lang ako at sinundan sya ng tingin, kinuha na nya ang sagwan at tulad ng dati ay sinimulan nyang paandarin ang bangka.

Umupo sya sa aking tabi. "Ikaw ay talaga bang marunong na kung paano gamitin at paandarin ang bangkang ito?" Maagap na tanong ko habang hindi pa kami nakakalayo, umihip ang malamig na hangin at kasabay no'n ay nilingon nya ako.

"Aking sinusubukan lang kasama ka," nakangiting sagot nya sa ikalawang pagkakataon, iyan din ang sinagot nya sa akin noon. Tinignan ko sya ng masama habang patuloy sya sa pagsasagwan.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon