Silence 15: Victim

Magsimula sa umpisa
                                    

"Saan kayo nakatira, Ralph?" tanong ko.

Ngumisi si Ralph. "Nasarapan kayo ma'am noh?"

"Dagdag customer na rin diba?" sagot ko.

Hinipan niya ang kape bago sumimsim dito. Nang malunok ay nagsalitang muli.

"Eh saan ba kayo ma'am?" balik niya ng tanong. "Para sasabihin ko na lang sa inyo kung saan kayo dadaan."

"Doon sa may mga apartment malapit doon sa subdivision," kumuha ako ng alcohol sa bag upang malinisan ang aking kamay.

"Ah! Edi malapit lang kayo sa amin ma'am. Don kayo sa apartment nila sir Noah?"

Nagpalitan ng mapangasar na tingin ang lima dahil sa narinig kay Ralph. Napasapo ako sa aking noo dahil sa posibleng nasa isipan nila.

"Diba po mula don sa apartment dire diretso tapos may kantong parang slope na paakyat yung kalsada. Pagdating niyo roon sa kanto, kakaliwa po kayo tapos mga ilang hakbang po may makikita kayong green na bakery. Yun na po yung amin. Makikita niyo po agad kase matingkad na green naman yon."

Tumango ako at sinubukang sauluhin ang kanyang mga direksyon. Siguro nama'y kilalang bakery yon kung ganito kasarap ang tinapay nila. Pwede naman akong magtanong kung malimutan ko.

"Grabe ma'am, ka-close na namin kayo. Akala namin katulad nanaman nung mga nakaraang taon eh. Teacher lang namin, hindi naman namin makausap pag labas ng klase."

"Lagi kong sinasabihang sipsip yung mga kumakausap sa teacher, pero masaya din naman pala sa feeling na nakakusap yung teacher," dugtong ni Gascon.

"Hmm binobola niyo lang ako eh," I awkwardly laughed. Hindi naman ako masayang kasama, siguro'y naaawa sila sa akin dahil palagi akong mag isa. Pero hindi naman nila kailangang mag alala dahil sanay na ako sa ganito. Ngunit masaya rin naman ako na sinasamahan nila kahit na medyo hirap akong makisabay sa daldal nila.

Dala dala ko ang mga pinagkainan pati ang mga balat ng kape dahil lalabas din naman ako kaya nagpresenta nang magtapon sa basura.

Sa dulo ng corridor ay saktong sasalubong sa akin si Thelma.

"Oh, nakakain ka na pala?" aniya. "Binilihan pa kita nitong sisig with rice sa seven eleven kase hindi ka nag almusal."

Tumango ako.

"Nagdala ng pandesal si Ralph, nag almusal kami nung mga bata," nakangiti kong kwento habang tinatapon ang supot.

"Aba! Napapalapit na ang loob," kantyaw ni Thelma. "Yan talaga yung fun part ng teaching."

Tumango ako at sumang ayon.

Lumingon ako sa kanan at kaliwa nang maalala ang kahapon pang bumabagabag sa akin. Hindi kami nag abot kagabi ni Thelma dahil ginabi na yata siya ng uwi.

"Parang may sumusunod sa akin," mababa kong sambit.

"Ha?" lito ang ekspresyon niya na parang unang beses niya pa lang ito napapakinggan.

"Anong ha? Di mo ba nareceive yung text ko kahapon?"

Umiling siya.

"Wala ka namang sinend sa akin eh," depensa niya.

"Meron!" protesta ko. Hinugot ko ang cellphone ko sa aking bulsa upang mapatunayan sa kanya na nagtext ako kahapon.

Pagkapunta ko sa messages ay noong isang araw pa ang huling text namin ni Thelma.

"Oh! Wala naman eh. Baka hindi mo naisend," ani Thelma.

Umiling ako. Sigurado akong naisend ko sa kanya yon dahil kaloload ko lang naman kahapon kaya imposibleng hindi maisend.

A Silence In The ChaosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon