TADHANA KABANATA 13

Start from the beginning
                                    

"Wala, nais lang talaga kitang dalawin bilang iyong matalik na kaibigan. Kumusta ka rito?" Pagiging matapat ko muli at tanong ko, hindi ko nais na masaktan sya ngunit mas masakit kung umasa.

Nakita ko nang maglaho ang lawak sa kanyang ngiti ngunit ilang sandali lang ay agad nyang ibinalik iyon, matatag talaga ang ginoo na ito. "Ayos lang, masaya ako rito. Masaya ako dahil naparito ka," nakangiting sagot nya, napatango ako at humakbang na ng isa paatras.

"Ako ay mauuna na rin, magtutungo pa ako sa pamilihan. Paalam na," nakangiti nang pamamaalam ko at nagbigay galang sa kanya.

"Nais mo bang samahan kita?" Sinseryong tanong nya ngunit umiling ako.

"Hindi na kailangan, kaya ko ang aking sarili. Kailangan ka rin dito sa pagamutan," nakangiting tugon ko sa kanyang tanong, napahinga sya ng malalim habang pinagmamasdan ako. Sa totoo lang ay malapit na akong matunaw dahil sa kanyang titig.

"Sige, mag-iingat ka. Ikaw ay magtungo lang dito kung may problema," nakangiting saad ni Sergio at hinubad ang suot nyang sumbrero bago iyon itapat sa kanyang dibdib, muli ko syang tinanguhan bago maglakad paalis.

Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano ang nagdala sa akin dito, ngunit masaya ako na malamang ayos lang sya sa kabila ng lahat.

NAKATULALA akong naglalakad ngayon patungo sa pamilihan, natatanaw ko na ito at ang maraming tao sa loob niyon. Iniisip ko ngayon si Khalil, nakalimutan kong itanong kay Sergio kanina kung nasaan sya. Ang alam ko lang ay wala na sya rito sa Santa Prinsesa.

Kulay kahel na ang kalangitan, papalubog na ang araw ngunit hindi tulad ko na patuloy pa ring umuusad sa gitna ng buhay. Ako ay nagtungo ngayon sa pamilihan upang bumili sana ng pluma at tinta dahil ubos na ang akin.

Patuloy ako sa paglalakad hanggang sa matanaw ko ang isang kalesang paparating, si Doña Cecilia ang sakay at kataka-takang nakatulala ito ngayon. Mukhang malalim ang kanyang iniisip tulad ko kanina. Marahil ay kung nakasakay din ako ngayon sa kalesa, pareho na kami ng sitwasyon.

Tumama ang kanyang mga mata sa akin, nang makilala ako ay natauhan sya at pinatigil sa kutsero ang kalesa sa harapan ko. "Binibining Anastacia!" Nakangiting pagbati nya sa akin, umusog sya at sumenyas na umupo ako sa tabi nya.

Nang makaupo sa kanyang tabi ay naging kalmado na muli sya, muli na ring umandar ang kalesa. Nakatingin lang ako kay Doña Cecilia hanggang sa mapahinga sya ng malalim at muling napatingin sa kawalan, hindi ko napigilan ang aking sariling tanungan ang Doña.

"May problema po ba?" Magalang na tanong ko, napalingon sa akin si Doña Cecilia at sinubukang ngitian ako. Kahit matanda na ang Doña ay nananaig pa rin ang pambihira nyang kagandahan, marahil ay noong bata pa sya ay maraming tumatangi sa kanya.

"Wala naman, iniisip ko lang ang aking mga anak. Si Sergio at Leviano," tugon ni Doña Cecilia sa aking katanungan at muling napahinga ng malalim, mukhang nilalamon sya ngayon ng pag-iisip.

"Maaari ko po bang malaman kung ano iyon?" Nagbabakasaling muling tanong ko, baka mamaya ay may hidwaan pala sa pagitan ng magkapatid na iyon.

Napatigil ako nang dahan-dahan akong lingunin ni Doña Cecilia at pinagmasdan ang aking hitsura, iyon na naman ang pagtataka sa aking isipan dahil kakaiba nilang mga kilos na hindi ko maunawaan. May nais syang ipahiwatig ngunit ayaw nyang sabihin kung ano, naiiwan tuloy akong tunganga sa kawalan.

"Wala. Hayaan mo na lang sa akin ito," nakangiting saad ni Doña Cecilia at sumandal na sa kanyang kinauupuan habang nakahalukipkip, may kakaiba rin maging sa kanyang ngiting ipinapakita ngayon.

Napahinga na lang ako ng malalim at napatango bago tanawin na lang ang kalangitan, kasisimula pa lang ng ginintuang oras at sadyang kay gandang pagmasdan. Ang paglubog ng araw ang dahilan kung bakit kahel ang naging paborito kong kulay, mula pagkabata ko ay ito ang tanawing naging paborito ko sa lahat.

At dahil buong buhay ko ay minahal ko nang palihim si Khalil, sya ang naaalala ko sa paglubog ng araw. Tulad ng araw, lumisan din si Khalil ng biglaan kung kaya't binabalot na ng dilim ang aking puso ngayon. Ang katotohanang wala naman sa akin ang obligasyon nyang iyon ay ang nagpapabigat sa aking dibdib.

Sa paglipas ng mahabang panahon, naririto pa rin ako sa sitwasyon kung saan wala akong mapagpipilian kung hindi mahalin ang araw ng palihim. Ang mahalin sya ng palihim. Wala akong ibang magagawa kung hindi maghintay sa pagkakataong alam kong kailanman ay hindi mangyayari sapagkat ang nais ko ay hindi maaaring mangyari.

Tadhana na lamang ang bahala.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now