Naalala kasi ni Alex ang dahilan kung bakit nga ba siya hinampas ni Kelly. "Ang lakas kasi ng trip mo sa buhay, girl." Habang hawak pa rin nito ang tiyan. Halos maubusan na siya ng hangin, dahil sa kakatawa.

Mas lalong nagkasalubong ang kilay ni Kelly. "Huh? Anong pinagsasabi mo?" Nanatiling walang ideya sa Kelly. Nang wala siyang makuhang sagot kay Alex ay sinimulan na niyang maglakad patungo sa kanilang opisina, iniwan si Alex na panay pa rin ang tawa.

"Hoy girl, hintay naman. Baka kausapin mo na naman ang sarili mo." Nang-aasar ang himig sa boses ni Alex.

Huminto si Kelly sa paglalakad, binalingan si Alex at sinamaan ng tingin. "Tigilan mo ako, Alexander, ha!" May diin na sabi ni Kelly, pero parang wala lang iyon kay Alex. "Kung ayaw mong huling tawa mo na 'yan!" Dagdag pa niya.

"Ops, relax..." Nangingiti naman na pagpapa-kalma ni Alex kay Kelly.

Kahit kasi magalit si Kelly ay nandoon pa rin ang maamo niyang mukha. "Titigil na ako." Pagsuko ni Alex, kumapit pa siya sa braso ni Kelly. "Peace na tayo. Nagbibiro lang naman ako, eh." Paglalambing pa ni Alex.

Hindi naman na nagawang pansinin pa iyon ni Kelly, at tumuloy na lang sa paglalakad. Ganito naman sila lagi, mag aasaran tapos kapag nagkapikunan, kalma lang silang dalawa tapos maayos na sila ulit. "And girl, please lang." Nakataas ang kilay niyang binalingan ng tingin si Alex. Ano na naman kaya ang sasabihin niya? "It's Alexandra, not Alexander." Pagtama pa ni Alex sa pagtawag sa kanya ni Kelly kanina. Napailing na lamang si Kelly sa ideya na iyon.

Bumigay na talaga, wala ng pag-asa.

KASALUKUYANG nakaupo si Kelly sa kanyang swivel chair. Wala naman siyang trabaho na hindi pa natatapos, kaya naisipan niyang maglaro sa kanyang cellphone.

Biglang tumunog ang kanyang cellphone, lumitaw sa screen ang pangalan ng kanilang boss. Huminga muna siya nang malalim, bago niya sinagot ang tawag. Tumagal lang ng ilang minuto ang kanilang pag-uusap.

"Lalabas muna ako, may inutos sa akin." Imporma nito kay Alex.

Tumango si Alex. "Ingat ka, girl."

Inutusan kasi siyang pumunta ng bangko dahil may pera siyang kailangan na mai-withdraw. May nagbayad daw kasi na isang miyembro.

Ganoon kasi ang isang paraan nila kung paano magbayad ang isang miyembro. Kung hindi man sila makabayad mismo sa opisina, pwede naman iyong ipadala na lang sa bangko, at sila na ang bahala na kumuha.

Nang tuluyan siyang makalabas sa bungad, nag palipat lipat ang kanyang tingin. Kaliwa. Kanan. Iyon ang gawain niya bago siya tumawid sa kabila, mahigpit kasing ipinagbabawal ang tumawid sa hindi pedestrian lane at idagdag pa na maraming sasakyan na dumadaan. Ngunit, dahil mainit at medyo malayo pa ang pedestrian lane. Wala siyang choice kung hindi lumipat na lang, sa hindi pedestrian lane. Wala rin namang nagbabantay.

Ngayon lang naman.

Tatawid na sana siya ng biglang...

Beep beep beep.

Hindi kaagad nakakilos si Kelly sa kanyang kinatatayuan. Napapikit siya at halos pigil ang kanyang hininga dahil sa gulat. Mukhang araw talaga niya ngayon. Masyado siyang pinagpala ngayon araw. Muntik lang kanina, pero ngayon mukhang matutuluyan na.

May humawak naman sa braso niya at iginaya siya sa gilid ng kalsada. Hindi man lang niya nagawang umapila. Tila hindi rin nag sink in sa isip niya na may humila sa kanya. Siguro, dahil pa rin sa pagka-bigla sa nangyari. "Miss, are you ok—." Pinutol naman nito ang dapat sasabihin ng lalaki.

"Sa tingin mo—. Ah, oo naman. Okay lang, wala namang galos, oh." Akma na sana niyang sisinghalan ang lalaking humigit sa kanyang braso. Pero natigil siya nang makita kung sino ang nasa harapan niya. Pinakita pa niya ang kanyang braso para mapatunayan na wala naman talagang galos. Maayos ang lagay niya, nabigla lang talaga. Nagawa pa niyang umikot sa harapan ng lalaki. Ang nasa harapan kasi niya ngayon, ay 'yong lalaking nakatayo sa balkonahe sa tapat ng kanilang bahay nila. "Okay na okay ako. Huwag kang mag-alala."

"Sigurado ka ba, miss?" Panigurado sa kanya ng lalaki. Tumango tango naman si Kelly bilang tugon. Hindi niya napigilan ang sarili na tingnan ang lalaki mula ulo hanggang paa. Masyadong masikip ang suot nito na Polo shirt kaya halata ang braso nito na naglalakihan at ang abs nito. Napaisip pa si Kelly kung ilan kayang pandesal ang laman noon.

Natigil lang siya sa kanyang imahinasyon nang muling magsalita ang lalaking nasa harap niya. "Okay... I'll go, then. Mag ingat ka."

Mabilis siyang napaiwas ng tingin sa lalaki para sana itago ang kahihiyan. Ngunit, huli na iyon dahil hindi niya inaasan ang tagong ngisi na may halong ngiti mula sa lalaki nang mapasadahan niya ang labi nito. "A-Ah, oo. Ikaw rin." Mabagal pang kumaway ang kanyang kamay.

Marahan niyang tinapik ang kanyang pisngi nang makaalis ang lalaki. Pinakiramdaman niya ang kanyang braso, kung saan siya hinawakan ng lalaki kanina.

Bakit parang nakuryente?

Binalewa lang niya ang ideya na 'yon at nagpatuloy sa paglalakad para makalimutan ang ginawa niya kanina. Kahit ang sarili niya ay hindi inaasahan na magiging ganoon ang i-aakto niya kapag nakakita siya ng lalaki... isang lalaking mala-artista ang itsura. Siguro, nahawa lang siya kay Alex. Tuwing tumitili ito sa mga lalaking natipuan niya.

Beep beep beep.

"Miss, magpapakamatay ka ba?!" Sigaw ng isang manong. Sumilip pa iyon sa bintana ng kanyang sasakyan.

Agaran naman na bumalik si Kelly sa gilid. Hindi niya namalayan na mabagal pala ang naging lakad niya at nakatayo lang siya sa gitna ng kalsada. "H-Hindi po..." Kabadong sabi ni Kelly. "Pasensya na manong." Habol niyang hingi ng tawad kay manong. Pero hindi man lang siya pinansin, at pinaharurut lang ang sasakyan nito paalis.

Nai-hilamos na lang ni Kelly ang dalawang palad sa kanyang mukha. Wala siyang nagawa kung hindi ang dumiretso sa pwesto ng pedestrian lane. Nakadalawa na siya, at hindi na niya gugustuhin pang pumangatlo. Mahirap na baka hindi na naman siya makatawid, at baka matuluyan na talaga. Matengga pa ang pinapakuha na pera sa kanya.

Napa-iling na lang siya sa mga nangyari sa kanya ngayong araw. Sobra siyang hindi makapaniwala.

Hindi niya rin maiwasan na mapabulong sa sarili.

"Ang malas ko naman ngayong araw."

Itutuloy...

ACCIDENTALLY GLANCES THE CITY BOYOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz