"Boss, matagal ko nang tinatanong kung ano ba ang makakapuksa sa halimaw na 'yan. Hindi ka naman sumasagot ng diretso," ani Eduard, tapos na ito sa ginagawa. Lihim akong napahanga sa naging resulta ng kaniyang iginuhit. Isa iyong babae na nakatalikod, kaharap ang matayog na bundok. Kung patagilid itong titingnan ay normal lang ang guhit pero noong hinarap na niya sa amin ay siyang malinaw na larawan ng babaeng paliban ang ulo mula sa katawan nito.

"Dapat malagyan ng bubog ang butas ng kaniyang leeg."

Noong nagsimula nang kumagat ang dilim, kaagad na akong nagpaalam sa dalawang doktora na sasamahan ko si Nazli sa kabilang eskinita dahil may iniutos si Nang Minda (kahit wala naman talaga). Tahimik na si Nazli ngayon at tipid lang kung sumagot. Hindi ko na kinulit dahil baka mas lalo lang magatungan ang nararamdaman niya.

Wala na rin silang pagtutol sa muli kong pagsama. Hindi kasi talaga ako mapakali sa bahay kapag alam kong narito sila't makikipagbuno na naman.

Maya't maya ang ingay ng tuko at kuliglig. Nagungusap naman ang hangin sa atmospera, dagdag pa ang hamog na ulap na tumatabon sa daan. Mabuti na lang, hindi ito gano'n kakapal para hindi makita ni Barbaros ang daanan.

Ipinarada niyang muli ang dyip sa pwesto na saktong kita lang ang talon para hindi makakuha ng atensiyon ng penanggalan.

"Bago na ang makina nitong dyip ko. Siguradong mas may tiyansa tayong mahabol 'yang halimaw na 'yan," komento ni Barbaros na nakapatong ang braso sa bintana ng dyip.

Napukaw ang aming atensiyon sa isang sigaw. Halatang galit na galit. Para bang ibinubuhos nito ang lakas ng kaniyang litid sa paraan ng kaniyang pagsigaw. Teka... at kung hindi ako nagkakamali ay may naaaninag ako sa paanan ng talon.

"May tao!" sigaw ko.

Naalerto silang lahat. Unang lumabas si Barbaros kaya sumunod na rin kami. Hawak-hawak namin ang aming dalang sandata. Gano'n pa rin ang dala nila, ang sa akin lang ay naging kutsilyo na. Iyon lang talaga ang nakita kong madaling maitago sa mata ng kasamahan ko sa bahay.

Dahan-dahan kaming humakbang papalit sa bulto ng taong sumisigaw. Iniiwasan naming mapansin niya kami kaagad. Nauna si Barbaros, sumunod si Eduard at Nazli, ako nama'y nasa hulihan. Marahan naming hinahawi ang damong nakaharang sa daan. Palapit kami nang palapit, siyang paglinaw ng mga katagang binibitawan ng taong 'to.

"Ibalik mo ang asawa ko! Pinatay mo ang asawa kong peste ka! Ako ang harapin mo at nang magkaalaman tayo! Lumabas ka sa lungga mong halimaw ka!"

Namilog ang mga mata ko noong nahinuha kung sino itong pahamak na naghahamon sa penanggalan.

"Si Kanor... Nazli, si Kanor 'yan. B-bakit alam niya ang tungkol sa halimaw?" nagtatakang tanong ko sa babae.

"Kasi siya ang isa sa mismong nakakita rito noon kasama ni Nanay," tugon ni Nazli bago kinalabit si Barbaros.

"Barbar, kailangan nating mailayo si Kanor dito bago pa dumating ang penanggalan," aniya bago sinenyasan si Eduard. "Eduard, ikaw na ang bahala sa tiyo mo."

"Problema talaga itong si Tiyo Kanor kahit kailan." Napakamot-kamot sa ulong satinig ni Eduard bago tumalima.

Hinayaan namin siyang lapitan ang kaniyang tiyo. Rinig pa mula rito ang pag-ayaw ng lasing na umalis sa lugar. Nagmamatigas talaga ito habang walang humpay ang pagbuga ng mga salitang ikapapahamak naming lahat.

"Gagong 'yan. Suntukin mo na Barbar para tumahimik. Baka bigla nang sumulpot ang penanggalan," suhestiyon ni Nazli sa gilid.

Tahimik na naglakad si Barbaros papunta sa kinaroroonan nina Eduard na nahihirapang pakalmahin ang tiyo. Sumunod na rin ako sa kanila noong dumako na roon si Nazli.

May manipis na hamog din doon kaya't mas maginaw pa ang paghampas ng hangin. Gayunpaman, tila manhid itong si Kanor dahil naka-display pa ang sunog na balat pang-itaas.

"Iuuwi muna natin 'to sa ngayon." Hinawakan ito ni Barbaros sa braso ngunit pumalag ang lasing.

"Tiyo, umuwi na nga tayo. Pinapahamak mo lang ang sarili mo rito." Si Eduard naman ngayon ang pilit ipinapatong ang braso ni Kanor sa kaniyang balikat. Napaatras si Eduard noong itinulak siya ni Kanor.

"Yang pesteng halimaw. 'Yan... Kasalanan niya lahat. Hoy! Harapin mo 'ko. Yawa!" Umalingawngaw na naman ang sigaw ni Kanor sa malumbay na paligid.

Sabi nga nila, maghinay-hinay sa hinihiling dahil baka magkatotoo.

Isang sumisilaw na bagay ang lumilipad papalapit sa amin. Habang papalapit ito'y nagiging klaro ang nabubulok niyang mukha at nakausling mga matutulis na ngipin. Parang lampara ang kaniyang intestines na nagdudulot ng liwanag sa kaniyang bawat kilos sa tulong ng buwan.

"Ilayo mo rito si Kanor, Eduard," ani Barbaros, mataman na rin ngayong napatingin sa itaas namin. Inihanda niya sa ere ang itak habang nakalinya ang mga labi.

Walang ano-ano'y isang mahabang bagay ang biglang tumapat sa leeg ni Kanor. Wari'y sawa itong pumalibot sa kaniyang leeg bago siya nadala nito sa ere. Lumuwa ang kaniyang mga mata habang hawak-hawak ang nakagapos na leeg sa hangin.

"Tiyo!"

Ang Lihim Ng Sitio PutiWhere stories live. Discover now