Kabanata 12

442 25 1
                                    

"Diba tao rin ang penanggalan sa umaga? Ano ba ang palatandaan para malamang isang penanggalan nga ang kaharap mo?" Itinukod ko ang mga kamay sa kawayang lamesa at masusing tiningnan ang reaksiyon nila. Narito ulit kami sa kubo ngayong Sabado ng tanghali. Sumama ako kay Nazli dahil nais kong makalimot sa masasamang ideya na pumapasok sa utak ko simula noong dinalaw ako ng kakaibang guni-guni. Madali lang din akong nakaalis sa bahay dahil nasa sentro ng Arkanghel ang dalawang doktora.

Pare-pareho kaming nakaupo sa papag ng kubo habang nakaharang sa bawat isa ang maliit na lamesa.

"Kung basihan ang hitsura, Ma'am, hindi talaga kaagad malalaman. Tao ito sa umaga kaya mahirap maipagkumpara... pero ayon sa kwento ng yumaong lolo ko, isa sa palatandaan na ang tao ay isang penanggalan kung makaaamoy ka na siya'y amoy suka," giit ni Barbaros na kasalukuyang hinahasa ang talim ng kaniyang itak.

"Suka talaga? Ano namang kinalaman ng maasim na likidong 'to sa penanggalan?" tanong ko. Nagsalubong ang aking mga kilay lalo na noong mahinang tumawa si Nazli na nakasandal sa likod ni Barbaros. Kahit mahina siyang sinisiko ng lalake, komportable pa rin itong nakahilig doon habang ngumunguya na naman ng bubble gum.

"Ikaw talaga, Dok, ah. Bilib din ako sa'yo, eh. Andami mong tanong tungkol sa penanggalan na 'yan," aniya at bumaling sa akin ang tingin. "Bilib ako sa'yo kasi grabe ka kung makiusyuso sa buhay namin dito. Nalaman mo na ngang may halimaw rito, narito ka pa rin. Kita ko naman sa'yo ang takot, Dok. Sinasabi ng mga mata mong ayaw mong mapahamak, pero grabe ka talaga. Wag mo namang ubusin ang bilib ko sa'yo, Dok. Nakakaumay ka kasi!"

Malalim akong napabuntong-hininga lalo na noong sinundan muli 'yon ni Nazli ng palakpak. Kailan ba gagaan ang loob ng batang 'to sa'kin?

"Nazli!" sigaw ni Barbaros, tuluyan nang pinaalis ang babae sa likuran niya. Nagtatagis ang mga bagang ni Nazli na umupo sa tabi ko at ni Barbaros.

Mas matalim pa sa hawak na itak ang mga titig ni Barbaros na ipinukol kay Nazli. "Kung ganiyan mo pagsalitaan ang bisitang tumutulong sa mga kabayan natin, mas mabuti pang umuwi ka na muna. Tumulong ka kay Nang Minda sa gawaing bahay para 'di ka masermunan ulit. Magpakita ka mamayang gabi kung maayos ka nang makipag-usap."

"Barbar! Wala naman akong sinabing mali—"

"Umuwi ka na muna," mariin na wika ni Barbaros kay Nazli na nagpalabas ng usok sa tainga ng babae. Walang ano-ano'y padabog itong tumayo. Matalim ang titig niya sa akin at kay Barbaros bago ito patakbong umalis sa lugar.

"Nasobrahan mo yata, Boss," saad ni Eduard na kanina pang tahimik. May iginuguhit ito sa isang dilaw na papel gamit ang pudpod na lapis. Tinapunan niya ng tingin si Barbaros bago muling bumaling sa papel.

"Tama si Eduard. Di ba masiyadong harsh naman 'yong pagpapaalis mo sa kaniya? Halatang nasaktan si Nazli sa sinabi mo. Magtatampo 'yon," dagdag ko pa sa sinabi ni Eduard.

Ipinatong lang ni Barbaros ang mga kamay sa kaniyang ulo habang seryoso ang mukhang nakatanaw sa nahasang itak na nakapatong sa lamesa.

"Kilala ko si Nazli, Ma'am. Parang kapatid ko na 'yan. Mabait naman 'yan kaso matigas ang ulo at matampuhin. Nasanay na rin 'yan na ganito ako magdesiplina. Okay na rin 'yon mamaya," simpleng tugon ni Barbaros bago ako tinuro.

"Ay, Ma'am, alam mo ba ang kwento kung bakit nag-aamoy suka ang penanggalan?"

Umiling ako bilang sagot.

"Sa tuwing bumabalik ang penanggalan sa kaniyang lungga, ibinababad muna niya ang kaniyang organs sa suka upang bumalik ito sa normal na laki. Nang sa gayon, madali lang na maipapasok ang mga organs sa butas ng kaniyang leeg," kwento niya.

Bigla yatang nangasim ang sikmura ko sa narinig. Nagmukha pa yatang sawsawan ng penanggalan ang suka para lang magmukhang normal ulit. Nanindig na naman ang balahibo ko sa pagdaan ng hangin sa kawayang bintana.

Ang Lihim Ng Sitio PutiWhere stories live. Discover now