#KL
#KapitanLang
Chapter 1 - Episode 1: Abang Lingkod-bayan (April 8, 2022)
"Magandang umaga, mga kabarangay. Manatili ho muna tayo sa ating mga p'westo at may sasabihin lang saglit sa atin si Kap," anunsiyo ng lalaki matapos ang kanilang pag-awit.
"Good morning sa inyo. Nais ko lang kayong batiin dahil sa matagumpay nating paglilinis sa mga kanal sa buong barangay na sinimulan natin noong nakaraang linggo," pagbati sa kanila ng Kapitan na pinalakpakan naman ng madla.
"The best ka talaga, Marco Lim!", sigaw ng isa sa mga pumapalakpak.
"Sana po ay sa mga susunod pa nating mga aktibidad ay makasama pa rin po namin kayo para sa ikauunlad ng ating barangay," dagdag pa ni Marco nang matapos ang mga hiyawan.
"Maraming salamat at maaari na po tayong magpatuloy sa ating mga paggawa," sabi pa niya bago yumuko sa mga nasasakupan.
"Iba talaga si kuya Marco, mama. Kahapon po, nakipaglaro po siya sa amin ng basketball tapos tinuruan n'ya pa po kami," ani bata sa kaniyang ina habang paalis sila ng barangay hall.
"Grabe talaga ang kasipagan ng batang 'yon. Magaling sa paaralan, masunurin sa magulang tapos matulungin pa sa atin na mga kapos-palad. Kaklase n'ya nga ang anak ko noong nag-aaral pa sila at naimpluwens'yahan n'ya ang anak ko na mag-aral nang mabuti," pagsang-ayon naman ng isa pang babae sa saloobin ng bata.
"Talagang hindi ako nagsisisi na s'ya ang binoto ko bilang Kapitan noong isang taon, sana nga ay tumakbo s'ya bilang mayor ng Naraitu kasi malaki ang matutulong n'ya sa bayan natin," dagdag naman ng isa pang lalaki na sumali sa usapan nila.
"Oo nga, hindi ko na nga binoto si Theo kasi puro pasarap lang ang alam lalo na noong naging sila ng bise n'ya." ani naman ng ina.
"Kaso nanalo pa rin," sabay na tugon ng dalawa.
"Sige, sa susunod na tayo mag-usap. Kailangan mo nang pumasok ng school," umalis na rin ang mag-ina kasunod ng dalawang nauna sa kanila.
Samantala, sa loob ng barangay hall...
"Good morning, kuya Mark," bati ng isang lalaki.
"Sonny, kumusta na ang mga nakolekta natin sa drive?", tanong ni Marco rito.
"Nakahanap na po kami ng paraan para ma-dispose ang mga basura," sagot naman ni Sonny.
"Mabuti naman. Mas maganda kung agad nang magawa 'yon para hindi mangamoy ang basura sa mga bahay na malapit. Magpasama ka na rin kay Tyler." bilin ni Marco sa kaniya.
"Opo, Kap. See you later po," pagpapaalam naman ni Sonny sa kaniya.
"Ingat kayo," bati rin niya bago makalabas si Sonny ng kaniyang silid. May isa pang pumasok makalipas ang ilang sandali.
"Kap, dumating na po ang lahat ng mga mag-a-apply para maging assistant ninyo," pahayag sa kaniya ng isang tanod.
"Sige, kuya. Mag-aalmusal lang ako nang saglit. Kumain din sila kung gusto nila. Pasok na lang sila rito ng 8 sharp," bilin naman niya rito.
"Copy po," sagot naman sa kaniya ng tanod bago lumabas.
"Dad, tama nga po na iniwan n'yo po ako rito. Nahanap ko na po ang gusto kong gawin at iyon po ang makatulong sa kap'wa ko," pagkausap niya sa isang litrato nang siya ay napag-isa.
"Tama na ang drama. Kakain na ako at marami pa akong gagawin ngayong araw," pagtigil niya bago magsimulang kumain.
Makalipas ang isang oras...
"Narito na po sila, Kap. Papasukin ko na po ba?", tanong sa kaniya ng tanod.
"Sige po. Maraming salamat," hudyat ni Marco rito at isa-isang pumasok ang mga babae.
"Good morning. Salamat sa paghihintay. Pakilagay rito ang mga resume ninyo tapos hintayin ninyo ang turn ninyo," panuto niya sa mga ito. Pagkakuha niya ng mga papel ay agad siyang pumasok sa isang silid upang isa-isang basahin ang mga papel.
"Romana Perez," pagtawag niya gamit ang mikropono bago ito patayin. Saglit lang ay may pumasok na isang babae at umupo sa tapat niya.
"Good morning po, Kap Mark," bati sa kaniya ng babae.
"Same university po pala tayo nag-aral. Tingin ko po, naging teacher ninyo rin po si Mrs. Dimaculangan na ang dami-rami pong pinagagawa," kumento niya sa aplikasiyon ng babae.
"Tama po kayo, Kap. Hindi po matatapos ang araw noon na wala s'yang ipagagawang proyekto sa amin," pagsang-ayon naman ni Romana.
"Napansin ko rin po na marami na po pala kayong napasukang trabaho, ang nakapagtataka lang, bakit wala po rito na kahit isa na umabot ng isang taon?", napansin pa ni Marco.
"Nabubuntis po kasi ako lagi ng asawa ko kaya kinakailangan ko po laging umalis," paliwanag naman sa kaniya nito.
"Mayro'n naman pong tinatawag na maternity leave kasi bawal pong paalisin lang nang basta ang isang empleyado ng kumpan'ya kung walang valid reason at ang pagiging buntis po ninyo ay hindi po dahilan para kayo ay tanggalin," pagbibigay-pansin ni Marco sa sinabi nito.
"Saka nakasaad po sa requirements ninyo na kung may asawa ay dapat may kopya ng marriage certificate at kung patay ay pati death certificate at sa mga anak naman ay birth certificate. H'wag ninyo po sanang masamain ang tanong ko pero," mas napalakas nang pahayag ni Marco bago muling magsalita ang babae.
"Patawad po, Kap Mark. Hindi ko po gustong magsinungaling. Wala po talaga akong asawa at anak. Desperado na po kasi akong magkatrabaho kasi lagi na lang po akong natatanggal. Kahit ano pong trabaho, tatanggapin ko," biglang pagluhod ng babae at pakikiusap sa nakababata.
"Mukhang hindi s'ya papasa." nasabi na lang ng isa sa mga naghihintay.
"Let's have a deal then. Kauusapin ko ang lahat ng nilagay mo rito sa application mo at ia-assess ko kung anong gampanin ang ibibigay ko pero hindi ko ipangangako na magiging assistant kita," pagbibigay ni Marco sa kaniya ng pagkakataon.
"Salamat po, salamat po, sir," biglang pagtayo ng babae at pagyuko nito bago lumabas sa mga silid.
"Liana Cruz," pagbabanggit muli ni Marco ng pangalan bago pumasok ang isang babae.
"Good morning po, sir," bati ni Liana sa kapitan.
"Isa lang ang masasabi ko, hindi kita tatanggapin na assistant ka ng kapitan," panimula ni Marco rito.
"Sandali po, Kap? Gano'n na lang po ba 'yon? Maganda naman po ang credentials ko at wala po akong bad record," katuwiran naman ng kapapasok pa lang na babae.
"Maganda nga. Sa sobrang ganda ay mas gusto kong maging bahagi ka ng kumpan'ya na pagmamay-ari ko. Ito ang card, magpakilala ka lang at kauusapin ka ng assistant ko roon. Dalhin mo na rin ito," paliwanag ni Marco bago bigyan ng papel si Liana at ibalik ang resume nito.
"Maraming salamat po talaga, sir. Tatanawin ko po itong malaking utang na loob. Mauuna na po ako," biglang pasasalamat naman sa kaniya nito bago umalis.
"Sabrina Ramos," pagtawag ni Marco sa huling babae na agad nang pumasok.
"Ate ka pala ni Sean. Matagal ko nang hindi nakita ang batang 'yon," pangungumusta niya rito.
"Maayos naman s'ya, Marco," tanging nasagot lang ni Sabrina.
"Sana ay marami kang matutuhan rito. Tanggap ka na," bati ni Marco sa kaniya.
"Talaga po! Salamat po talaga nang napakarami, Mark!"
YOU ARE READING
Kapitan Lang
Fanfiction[FIL] Sa magulong mundo ng politika, may pag-ibig pa bang makikita? Ang Partidong Pangarap ay pinangungunahan ni Marco, kasama ang kaniyang mga kaibigan na kasalukyang naghahanda para sa nalalapit na City Elections, ngunit sa biglaang paglitaw ng is...
