Paghilom

5 1 0
                                    

Malalim na rin ang ating pinagsamahan,
malayo layo na ang ating narating.

Marami na ang naabot,
hindi man ganoon kataas
ay ipagsalamat parin natin.

Sinubok na tayo ng panahon,
pinalugmok at tinangay ng pagsubok.

Sapat na ang hirap,
marapat lamang na maghilom na tayo.

Panahon,

Ilaan mo ang mga sandali ng hapis at kalungkutan
Na mabura sa mga buhangin ng oras na ako'y nagdadalamhati
Sa mga pagkakataon, na ako'y nabulag ng mga damdaming nagdulot sa akin ng pighati.

Panahon,

Pakawalan mo ang mga luha at mga pagdurusang kay tagal kong ikinimkim
Hayaang ihayag ang mga damdaming nakasupil sa rehas ng pagtitiis
Nananaghoy sa mga pagkabigo ng pusong nawasak
Sa talim ng kristal, na pangako ng kahapong pag-ibig.

Panahon,

Paduguin mo ang mga sugat na lumalim at patuloy pang umuuka sa bawat himaymay
Ng aking pagkatao, sa pagpatak ng dugong ito,
Na may bakas ng mga trahedyang dinurog ang aking diwa
At sumisigaw ng sakit na patuloy na tatak sa mga sandali ng aking pag-iisa.

Panahon,

Ako'y nagsusumano, na magawa mong kalimutan ang labis kong paghihirap,
Sa mga kahapong sinubukan ang tatag ng aking pagkatao,
Magbunga sana ang mga sakripisyong aking naging alay
At mga luhang nasayang, dala ng mga pag-ibig na huwad
Pawiin mo ang mga sakit na patuloy na nagpapaalala
Sa mga kabiguan at hinagpis na dala ng buhay na ito
Muli mo sana iparamdam sa akin, ang isang pag-asa
At paghilom ng aking sarili, sa mga bukas na darating
Habang pinipilit kong mabuo, ang puso kong nabasag.

Panahon,

Handa na akong gumaling, at salubungin ang mga umagang
Hatid ng magandang bukas, sa pag-asa ng isa pang bagong pag-ibig
Na muling maghihilom, sa mga sugat ng aking nakalipas.

Panahon,

Ako'y nagtitiwala, sa gamot ng liwanag na iyong muling dala.

Salamat, Panahon.

1000 TULA PARA SA ATINDonde viven las historias. Descúbrelo ahora