"Tandaan mo ito, Stella" malumanay ang tinig ng babae ngunit bakas nag pang-gigigil sa tono nito. "Ang apoy at tubig ay mga elementong hindi maaaring mag-sama" makahulugang sabi ng misteryosong babae bago ito naglaho na parang bula.

Samantala, naiwan namang tulala si Stella habang iniisip kung ano ang ibig sabihin ng babae at kung ano ba ang relasyon ni Celestia at Feliciano.

"Ama, paki usap. Nais kong mapasa akin si Feliciano! Sabihin mo na kay Don Alejandro na ipagkakasundo mo kami ng kanyang bunsong anak!"

Isang pusong puno ng kasakiman ang gagawin ang lahat upang makuha ang lalaking mula pa noon ay kanya ng iniibig.

Si Feliciano Martinez ay itinuturing ni Nenita bilang kanyang mundo. Mula pa noong mga bata pa lamang sila ay madalas na silang magkasama sapagkat mag-kaibigan ang kanilang mga ama. Lingid sa kaalamam ni Feliciano na iniibig na siya ni Nenita. Para sa kanya, ito ay para na niyang nakababatang kapatid.

"Anak, alam nating pareho na iba ang iniibig ni Feliciano. Kung hindi ako nagkakamali ay may kasunduuan na si Don Alejandro at Don Leonardo na ipapakasal nila sina Celestia at Feliciano. Iyon ang dahilan kung bakit sila nagpunta rito sa ating bayan" sagot ng kaniyang ama kung kaya't mas lalong nilamon ng galit ang puso ni Nenita.

"Kung wala kayong magagawa para sa akin, ako na lamang ang gagawa ng paraan upang makapagpakasal kami ng aking mahal. Sa akin siya, Ama. Sa akin lamang. Kami ang ang nakatadhana para sa isa't isa."

Ganoon na lamang ang pagkagulat ng kanyang ama nang sigawan siya nito. Natatakot siya sa posibleng magawa ng anak dahil lingid sa kaalaman ng lahat ay matagal na niyang inililihim na si Nenita ay may problema sa pag iisip. Alam din niyang makapangyarihan ang pag-ibig at sa kaso ni Nenita, hindi ito makapapayag na magpaubaya at maging masaya na lamang para kina Celestia at Feliciano.

Wala na sa katinuan si Nenita. Hindi na niya kontrolado ang kanyang sarili. Ang tanging nasa isip niya lamang ay kailangang mapaghiwalay niya ang dalawa. Kailangang makagawa siya ng paraan upang mahalin siya ni Feliciano at mawala sa landas nila si Celestia. Lumabas siya sa kanilang tahanan at nagtungo sa lugar kung saan unang nagtapat ng kanilang nararamdaman sina Felipe at Stella na nasa katauhan ni Celestia at Feliciano. Nang makita niya ang mga ito na nagtatawanan ay bumalik sa kanyang alaala ang senaryo noog dapit-hapon na iyon, ang araw ng pagkawasak ng kanyang puso. Para sa kanya ay wala nang mas sasakit pa sa kanyang nakita. Wala nang mas sasakit pa sa katotohanang ang lalaking kanyang minamahal mula pa noong una ay may mahal ng iba at ang masakit pa roon ay si Celestia iyon-ang taong itinuring niyang kaibigan noong siya ay nag-aral sa isang kumbento sa Maynila.

Kinagabihan, sa silid ni Stella ay nagpakitang muli ang misteryosong babae.

"Binalaan na kita ngunit hindi ka nakinig" seryosong sabi nito.

"Kasalanan mo ang lahat. Kung hindi mo ako dinala rito ay hindi ko naman siya makikilala. Hindi ako mai-inlove sa kanya" sagot naman ni Stella.

"Nais mo na bang bumalik sa iyong panahon?" tanong ng misteryosong babae at isinawalang bahala ang sinabi ng dalaga.

Sa pagkakataon na iyon ay hindi malaman ni Stella kung bakit hindi niya masagot ang tanong na iyon. Naalala niya si Don Leonardo at Donya Floresca na naging mabuting magulang mga sa kanya sa loob ng ilang linggo. Maging si Felipe na kanyang unang minahal. Nagdadalawang-isip siya sapagkat kung babalik na siya sa kanyang panahon ay maliit ang tsansa na muli niyang makita si Felipe.

"Dinala kita rito dahil sa kahilingan ni Celestia. Nais niyang mabago ang kanyang kapalaran. Nais niyang matupad niya ang kanyang pangarap na maging isang tanyag na babaeng Doktor at upang mailigtas niya ang kaniyang pamilya kapalit ng hindi na siya muling iibig pa kay Feliciano ngunit dahil inulit mo ang kanyang pagkakamali ay kailangan mo ng bumalik bukas ng umaga bago magbukang-liwayway kung ayaw mong hindi na makabalik sa iyong totoong pamilya" naliwanagan si Stella sa sinabi ng misteryosong babae ngunit hindi niya maalis sa kanyang isipan si Felipe.

"Nais mo bang mamatay rito? Nais mo bang makalimutan ka ng iyong totoong mga magulang, Stella?"

Alas-dose na ng gabi ngunit hindi pa rin dalawin ng antok si Stella. Kailangan na niyang mag-desisyon bago sumikat ang araw. Nagpunta siya sa kusina nang siya ay makaramdam ng pagka uhaw. Pabalik na siya sa kanyang tinutuluyang silid sa tahanan ng mga Martinez nang makarinig siya ng nag-uusap.

"Mahal kita, Feliciano" ganoon na lamang ang kaniyang pagkagulat nang marinig niya ang salitang iyon mula kay Nenita pero mas hindi niya inasahan ang sunod nitong sinabi.

"Napa-ibig mo na ba si Celestia kagaya ng iyong plano?" agad siyang nagtungo sa kanyang silid dahil natatakot siyang marinig ang isasagot ni Felipe. Sunod-sunod na pumatak ang kanyang mga luha, hindi niya inakala na tama ang sinabi niya noong una silang magkita na si Felipe ay isang manloloko.

"Bumalik ka sa lugar kung saan nagsimula ang lahat. Iyan ang paraan upang makabalik ka" naalala niya ang huling sinabi ng misteryosong babae sa kanya.

Buo na ang kanyang desisyon kung kaya't nagsulat siya ng liham at iniwan iyon sa kanyang tinu-tuluyang silid.

Napakaganda ng sikat ng araw, masayang bumangon si Felipe sa kanyang higaan at kaagad na inayos ang sarili sapagkat gusto niyang maging presentable sa paningin ng kanyang sinisinta. Pagkalabas niya sa kanyang silid ay iyak ni Donya Floresca ang kanyang agad na narinig. Dali-dali siyang lumapit dito upang tulungan si Don Leonardo na pakalmahin ang asawa nito.

"Nakakahiya ang iyong inaasal, wala tayo sa ating sariling tahanan" sabi ni Don Leonardo na hiyang-hiya na sa pamilyang Martinez.

"Naging masama ba akong ina? Bakit tayo nagawang suwayin ng ating anak?" umiiyak na tanong ni Donya Floresca.

Hindi niya matanggap na umalis ang anak na hindi man lamang nagpaalam ng personal. Nag-iwan lamang ito ng liham na nagsasabing gusto niyang bumalik na sa Maynila upang mag-aral dahil gusto niyang maging mahusay na manggagamot. Naglalaman din ito ng paghingi ng paumanhin sa kaniyang ginawa.

"Gusto lamang tuparin ng ating anak ang kaniyang pangarap, mahal ko. Wala tayong nagawang pagkakamali sa kanya" sagot ni Don Leonardo sa asawa.

"Ano pong ibig ninyong sabihin Don Leonardo? Saan po nagpunta si Celestia?" naguguluhang tanong ng binata.

Nagkatinginan ang magkaibigang Don Leonardo at Don Alejandro habang patuloy pa rin sa pag-iyak ang Donya.

"Mabuti pa ay basahin mo na lamang ang liham na iniwan ni Celestia para sa iyo, Ijo" saad ni Don Leonardo.

Stella|✓Where stories live. Discover now