WYHA [III]: A Heated Conversation

11 0 0
                                    

Pace Gonzales

"Ano ba? Bakit 'di ka sumasagot?" bulong ko sa hangin habang tinatawagan si Cindy sa ikatlong pagkakataon. Ano ba naman itong kaibigan ko, kung kailan ko siya kailangan saka naman siya hindi malapitan?

Napapagod na ang mga daliri ko sa pagpindot ng numero ni Cindy, pero kailangan ko lang talaga ng makakausap ngayon, at siya lang naman ang malalapitan ko.

Alangan namang si Lea? Wala pa akong lakas ng loob na harapin siya.

Hanggang ngayo'y nakatatak pa rin sa aking utak ang mga sinabi ni Patrick, at hindi ako mapalagay dahil totoo lahat ng sinabi niya.

Oo, mahal ko pa si Lea. Pero matapos ang dalawang taon, parang may nag-iba na rin sa akin, ngunit hindi ko maipaliwanag kung ano.

Napasandal na lang ako sa pader ng isa sa mga gusali dito sa labas habang hinihintay na sagutin ni Cindy ang aking mga tawag.

Ano ba kasing ginagawa nila ng kapatid ko at ni hindi man lang nila masagot ang tawag ko?

Kaysa mainis pa ako ay pinatay ko na lang ang aking telepono. Napagdesisyunan ko na lang maglibot-libot para kahit papaano'y mabawasan itong sakit na nararamdaman ko.

Naglakad lang ako nang naglakad, wala akong pakialam kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Kilala ko pa naman ang mga nadaraanan kong gusali kaya hindi ako maliligaw. Kasabay ng paggalaw ng aking mga paa ay ang pagtakbo ng aking isip. Napakaraming tanong ang tumatakbo sa isip ko.

"Time and space, Pace. Soon, everything will be okay."

Muling nanumbalik sa isip ko ang huling payo sa akin ni Pace. Doon ko lang napagtanto na ang sama-sama pala ng tingin ko sa kanya kanina. Gusto lang naman niya akong tulungan pero ako itong nagtulak sa kanya palayo. Gusto lang naman niya akong damayan at samahan sa mga problema ko pero siya pa itong nasigawan ko.

Pero masisisi ko ba ang sarili ko kung mawalan ako ng tiwala sa kanya? Alam kong may alam siya sa naging desisyon ni Lea, pero ni hindi man lang niya ako inabisuhan.

Oo, hindi tamang si Patrick ang magsabi sa akin ng desisyon ni Lea, pero kung kaibigan niya talaga ako, hindi niya ako pababayaan nang ganoon na lang.

Parang sasabog na ang utak ko sa dami ng tanong sa loob nito. Sa bawat masasagot ko ay may panibagong tanong na lilitaw. Pakiramdam ko'y maya-maya lang ay sasabog na ang aking utak.

Ilang minuto rin akong naglakad bago ako nagsimulang makaramdam ng pagod. Naghanap ako ng mauupuan, pero mga nagpapaunahang sasakyan lang ang natatanaw ng aking mga mata. Naglakad pa ako nang kaunti hanggang sa matanaw ko ang isang pamilyar na lugar—

— Ang Karinderya ni Aling Edna.

//

2 years ago

"Promise, sinisiguro ko sa 'yong pati pangalan mo'y makakalimutan mo dahil sa sobrang sarap ng pagkain dito!" masayang ani Lea habang hila-hila ako.

Huminto kami sa isang karinderya sa may gilid ng kalsada. Hindi ako pamilyar sa tindahang ito kaya napadako ang aking tingin sa pangalan ng karinderya.

Ang Karinderya ni Aling Edna

"Nakakain ka na rito? Ni hindi mo man lang ako inaya?" nagkunwari akong nagtatampo. Dahil sa sinabi kong iyon ay napatigil siya sa paghila sa akin at nilingon niya ako.

Win Your Heart AgainWhere stories live. Discover now