...

732 41 10
                                    

.

Sa edad na 25 anyos, nawalan ako ng isang ama dahil inatake sa puso pero tuloy pa rin ang buhay at nariyan naman ang aking mga kaibigan, sina Marizel at Jay-ann.

Seryosong tao si Jay-ann pero kikay naman at martyr sa pag-ibig si Marizel. Iyong tipong niloloko na ng kasintahan, sige pa rin sa pagpapauto.

Sa aming tatlo, ako ang medyo 'green'. Mahilig sa green jokes, nagpapatawa at tagapakinig ng problema nila.

Niyaya ko silang mag-milktea dahil gusto ko nang may makausap kaya bandang alas sais ng hapon ay nasa paboritong lugar na namin kami.

"Gago siya! May ibang babae naman ang tarantadong 'yon!" gigil na sabi ni Marizel na pilit tinatakpan ang pasa sa kanang braso sa pamamagitan ng panyo pero nakita ko na iyon kanina nang kumaway siya sa akin. Ayaw ko nang magtanong dahil sigurado naman akong magkukuwento siya sa amin mamaya.

"Hiwalayan mo na kasi!" inis na sabi ni Jay-ann, "sinisisi mo lang ang mga babae pero gurl, siya na ang may problema dahil ilang beses na niyang ginawa iyan!"

"M—Mahal ko eh," naiiyak na sagot niya kaya binatukan ko na. "Aray!" daing niya.

"Nang matauhan ka naman!" gigil na sabi ko. Ang pinakaayaw ko sa ugali niya ay ang pagiging tanga pero alam kong malakas siyang tao. Iyong kaya niyang magpaloko ng paulit-ulit.

"N—Nakipaghiwalay siya sa akin," umiiyak na sabi niya at pinahidan ang mga luha gamit ang kanang kamay tapos ayun, nagkwento na siya pero paulit-ulit lang naman. Na kesyo sinasaktan siya ni Niko pero hindi niya kayang hiwalayan. "B—Break na nga siguro kami kasi hindi na siya nagre-reply at binlock na niya ako sa Facebook."

"Eh 'di mabuti!" sabi ni Jay-ann at napatingin sa cellphone na hawak ko. "Ikaw, puro kabastusan ang mga pino-post mo sa Fb!"

"Hayaan mo nga ako!" sagot ko at tinawanan siya. "Kumusta pala ang trabaho mo?"

"Ayun, stressful. Palaging mali ko ang binabantayan nila!" sagot niya na biglang umiba ang timpla ng hitsura at nagkwento na naman ng tungkol sa workmates niyang mga salbahe at pati sa parents niyang halos isumpa na siya dahil walang naibigay na pambayad ng kuryente.

"Kaya mo 'yan," sabi ko at napasulyap kay Marizel na wala na naman sa sarili. "Hoy, Marizel!" tawag ko nang makita ang plaster sa kanang palapulsuhan niya. "Naglaslas ka na naman ng pulso?"

"Hayaan ninyo ako! Sa susunod, totoo na 'yan!" sabi niya kaya tumawa ako at hinampas siya sa kanang balikat. "Gaga ka talaga! Sayang ang ganda mo kung sa impyerno ka lang mapupunta! Huwag ganun!" Baka may magalit na naman sa akin kapag may makarinig pero iyon ang paniniwala ko.

"Mas mabuti pa ngang mamatay na ako!" sabi niya.

"Drama mo! Magpakamatay ka na ngayon! Ito oh, kutsilyo!" sabi ni Jay-ann sabay abot ng bread knife pero pinandilatan lang siya ni Marizel. Nagkwentuhan lang kami o mas tamang sabihin na nagkwento sila tapos nakinig lang ako sa mga hinaing nila sa buhay hanggang sa nagyaya na si Jay-ann na umuwi  dahil may pasok pa siya bukas kaya lumabas na rin ako para mag-abang ng sasakyan. Ihahatid nila ako pero tinanggihan ko dahil may bibilhin pa ako sa bookstore.

"Marizel?" tawag ko nang makalabas na kami sa cafeteria dahil naunang naglalakad si Jay-ann sa amin.

"Salamat, friend. Nakakagaan ng loob na kausap ko kayo pero mamaya kapag mag-isa na lang ako, malulungkot na naman kapag maalala ko ang lahat ng problema ko."

Nginitian ko siya at hinawakan ang kanang kamay. "Alam mo, manalangin ka lang palagi dahil hindi ka papabayaan ni Lord. Alam kong malalampasan mo rin ang lahat dahil isa ka sa pinakamatatag na babaeng nakilala ko," sabi ko na nakatitig sa mga mata niya para ipaalam na hindi ako nagbibiro.

"Salamat, friend. Sana nga," puno ng pag-asang wika niya at isang pilit na ngiti ang ibinigay niya sa akin. "Sige, alis na kami, nandiyan na ang grab."

"Ingat!" bilin ko. "Dasal lang, okay?"

"I will!" sagot niya at lumapit na sa pina-book nilang grab.

Dumaan muna ako sa mall at bumili ng mga gagamitin ko. Nang makauwi sa bahay, nadatnan ko si Nanay na nakipag-usap sa telepono kaya dumiretso na lang ako sa kwarto ko at nahiga kahit na hindi pa nakapagpalit ng damit.

Nag-post na naman ako ng walang kwentang bagay sa Facebook ko dahil wala akong magawa. Nabasa ko ang chat ni Jay-ann na nakita raw nila ni Marizel si Niko na kasama nito ang bagong babae niya kaya depressed na naman daw si Marizel pero hindi ko na ni-reply-an. Sunod-sunod na ang messages ni Marizel kaya ini-off ko na ang wifi. Ilang minuto ang nakalipas, tumatawag na si Marizel sa cellphone number ko pero hindi ko pa rin sinasagot. Walang kabuhay-buhay na nakatitig lang ako sa cellphone ko habang minamasdang namamatay ang ilaw ilang segundo pagkatapos tumawag ni Marizel. Pagod na akong makinig sa kadramahan niya dahil hindi naman siya nakikinig sa akin. Nang mahigit sampung missed calls na, ini-off ko na ang cellphone ko. Tumayo ako at tumungo sa banyo para maligo.

Kinaumagahan, bumaba ako sa sala. Nakita ko ang katulong na may kinakausap na tatlong pulis.

"Manang? Ano ho ang nangyari?" magalang na tanong ko pero hindi niya ako pinansin kaya bumalik ako sa kuwarto ko para tawagan sina Marizel.

Napatigil ako sa paglalakad nang makita ko ang aking mga kaibigan at si Mama, umiiyak habang tinitingala ang kisame ng aking banyo kaya nilapitan ko sila. Nanlumo ako nang makita ang wala nang buhay na katawang nakabigti sa bagong lubid na binili ko kagabi.

Oo nga pala, winakasan ko ang aking buhay kaninang madaling araw.  Hindi sila! Hindi ikaw! Walang sinuman ang nakakaalam kung bakit ako nagpakamatay dahil ni isa sa inyo, walang gustong makinig!










DepresyonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon