UNANG KABANATA

8 1 4
                                    

NAGISING ANG AKING ulirat nang makarinig ng sunod sunod na katok mula sa kung saan. Dahan-dahan akong umupo mula sa pagkakahiga nang maramdamang nananakit ang aking mga likod. Hindi ko batid kung anong oras akong nakatulog kagabi ngunit sigurado akong inabot ako ng madaling araw sa kakaisip kung anong lugar itong aking kinaroroonan. Dagdag pa ang napakalambot na higaan, naninibago ako sa pakiramdam.

"Binibini! Gising na! Ito-tour pa kita dito sa isla!" sigaw ng boses ng isang ginoo mula sa pintuan.

Itotor? Ano ang itotor? Nagugulumihanan akong inayos ang aking higaan at nang matapos ay tinungo ko na ang pinto. Ngunit napahinto ako nang makita ang aking repleksyon. Tinitigan ko ang aking sarili mula sa salamin. Napakalinaw ng salamin na wari'y kakambal ko ang aking kaharap. Ngunit wala naman akong kabiyak na bunga. Inayos ko ang aking magulong buhok at ngumiti ng marahan sa aking repleksyon. Bumuga ako ng hangin sa aking mga palad at inamoy ang aking hininga. Wala namang masamang amoy kaya't tinuloy ko na ang pagtungo sa pintuan.

Binuksan ko ang pinto at bahagyang nagulat nang makitang nakatayo sa harap ng pinto ang makisig na ginoo. Parang nauubusan na s'ya ng pasensya sa paghintay sa akin ngunit kalauna'y lumiwanag rin ang kanyang mukha nang ako'y makita.

"Magandang umaga, Binibini," marahan n'yang pagbati na nakapagpangiti sa'kin. Ngunit tinakpan ko rin ang aking bibig nang maalalang hindi pa ako nakapagsepilyo.

"Bakit? Ano'ng problema?" tanong n'ya. Umiling ako at nauna nang maglakad pababa sa malawak na hagdan ngunit ako'y napahinto rin.

Nilingon ko s'ya at nakita ko ang ngiting sumisilay sa kan'yang mga labi dahil sa aking paghinto. Napayuko naman ako sa kahihiyan.

"Ah- Ano, maaari mo bang ituro ang daan papuntang kusina?" mahina kong tanong. Hindi n'ya na napigilan ang pagngiti dahil sa aking sinabi at nagsimula nang bumaba sa hagdan. Nilapit n'ya ang kanyang mukha sa'kin nang ako'y maabutan niya na nagpaatras sa'kin sa gulat.

"You're so cute," bulong n'ya habang nakangiti bago lumayo at nagsimulang bumaba sa hagdan. Naiwan naman akong naguguluhan at naiinis.

Kapangahasan! Hindi n'ya ba batid na hindi nararapat sa isang binibini na lumapit sa isang ginoo? Ngunit hindi naman ako ang lumapit. Kahit na, mali parin ang kan'yang ginawa. Umiling-iling ako sa pagtatalo ng aking isip at konsensya. Ngunit, ano'ng sinabi n'ya? Kyut? Ano 'yon?

KUMAKAIN KAMI NG agahan. May iilang bago sa aking paningin at tanging itlog at kanin lamang ang pamilyar sa akin. Ngunit masarap itong tinatawag niyang beykon, kung tama ang pagkakaalala ko.

"Oo nga pala, kahapon ka pa nandito, binibini, ngunit hindi ko man lang alam ang pangalan mo," biglang sabi ng isang boses na nakapagpabalik sa'kin sa realidad mula sa pagkatulala.

"A-Ah- Inara Kaya Del Rosario. Ngunit sanay na ako sa pangalang Yna dahil iyon ang nakasanayang tawag sa akin ng aking ama," marahan kong sagot sa kan'ya. Tumango tango naman s'ya at nagpatuloy sa pagsubo gamit ang kutsara. Nais kong magtanong sa ibang bagay na bago sa paningin ko ngunit nakakahiya.

"'Di mo ba tatanungin ang aking ngalan?" tanong n'ya na nakapagpaiwas ng tingin ko sa kan'ya.

"Sasabihin mo naman kung gusto mo, ginoo," sagot ko sa kalmadong paraan. Tumawa s'ya ng marahan saka inabot ang kamay sa akin.

"Adonis Evangelista ang tawag sa'kin noon," nakangiti n'yang saad. Tiningnan ko lamang ang kamay n'yang nakalahad dahil hindi makatarungan na hawakan ng isang lalaki ang kamay ng isang babae, lalong-lalo na kung kakakilala lang nila sa isa't-isa.

Napansin n'ya namang 'di ako naging komportable kung kaya't binaba n'ya ang kamay.

"Oh, sorry. I forgot," ngumiti s'ya ng maliit. Mas lalo akong napasimangot no'ng wala akong maintindihan sa sinabi n'ya.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 27, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

LiwanagWhere stories live. Discover now