Napatingin naman ako sa dalawang lalaki na nasa harapan namin. Parehong formal ang ayos nila at itsura, pareho ring seryoso at guwapo. Iyong isa ay brown ang mga mata at iyong isa naman ay kulay abo.


"No," sagot ko kay Carlyn though parang familiar naman iyong dalawang lalaki. Lalo na iyong kulay abo ang mga mata. 


Sino kaya ang mga ito? Bakit sinundan nila kami rito sa labas ng Kiss Bar?


Bumulong ulit nang malakas si Carlyn sa akin. "Medyo guwapo iyong brown eyes."


Napailing ako at malakas ding bumulong. "For me, iyong grey ang eyes."


Sabay na kumunot ang noo ng dalawang lalaki. Parang nauubusan na sila ng pasensiya sa amin. 


Itinuro ni Carlyn ang kulay abo ang mga mata. "Kamukha ng ex mo."


Kumiling ang ulo ko. "Sinong ex? Iyong feeling love?"


"Luh, feeling love?"


Sumimangot ako habang nakatingin sa abo ang mga mata. "Uu, 'di ko na love iyon."


Tumawa si Carlyn at pasubsob na yumakap sa akin. "Di ko na rin love ex ko."


Natawa na rin ako at nag-apir kaming dalawa. Tumatawa kami pero hindi namin alam kung ano ba iyong nakakatawa. Basta lang masaya. Tapos halos magyakap na kami sa sobrang hilo.


Nang tingnan ko ulit ang dalawang lalaki ay napapakamot sila ng ulo habang nakatingin sa amin ni Carlyn. Teka, ano bang problema nila? Type ba nila kami? 


Siniko ko si Carlyn at wala sa huwisyong niyaya. "Sama tayo sa kanila?"


Tila kinikilig na napahagikhik naman si Carlyn sa tabi ko. "Sige, sino sa 'yo?"


Pigil ang ngiti na sinulyapan ko ang napili ko saka siya itinuro. "Yung grey nga mata."


"Hala, sige! Single naman tayo! Landi-landi rin 'pag may time!" Kahit gumegewang ay humakbang palapit si Carlyn sa napili niyang lalaki. Muntik na siyang masubsob kung hindi siya nasalo nito.


"Pre, iuuwi ko na ito," nagpaalam ang brown ang mga mata sa kulay abo ang mga mata.


Ako naman ay biglang nahimasmasan nang palapit na sa akin ang lalaking napili ko, iyong kulay abo ang mga mata. 


Sinabi ko bang sasama ako sa kanya? No, wala akong sinabi! Hindi ako sasama sa kanya dahil hindi ko naman siya kilala! Hindi ko rin siya love!


"Sussie," maaligasgas ang boses na tawag niya sa akin.


How did he know my name? Ini-stalk niya ba ako?!


Umatras ako at umiwas nang akma niyang hahawakan ang aking kamay. "Carlyn!" sigaw ko.


South Boys #1: Kiss Master (Published and to be adapted soon into mini-series)Where stories live. Discover now