Matagal uli siyang natigilan. "So...ayaw mo?" gano'n na lang ang paglunok niya.

Napatitig ako sa kaniya, kabang-kaba. "Gusto..."nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko.

"Pero?" dinugsungan niya ang linyang hindi ko maituloy.

Dahilan para salubungin ko ang paningin niya at maghanap ng lakas ng loob do'n. Hinawakan ko ang braso niya at nahihiya man, hinayaan kong maramdaman niya ang panginginig at takot ko.

"Wala ka pa kasing ano..." mahina kong sabi.

Tumango siya. "Ano?"

Nakagat ko ang labi ko saka napanguso. "Buwan dapat ang panliligaw, Maxrill Won."

Napatitig siya sa 'kin saka kunot-noong tumingin kung saan-saan bago muling binalik ang paningin sa 'kin. "Dainty, I'm a Moon."

Umawang ang labi ko nang hindi agad makuha ang sinabi niya. "Hindi," umiling ako. "Ibig kong sabihin...maraming buwan, Maxrill Won."

Kumurap-kurap siya at saka muling itinutok ang paningin sa 'kin. "Yeah. We are all Moon. We have my mom, my sibs, my father, Mokz...Heurt, Spaun...Moon family, Dainty."

Lumaylay ang mga balikat ko. "Hindi mo naman ako naiintindihan, eh."

Napalunok siya. "I'm sorry," hinawakan niya ang pareho kong balikat. "What exactly do you mean, then?"

"Months," nakasimangot nang sagot ko.

Namilog ang bibig niya. "Oh, sorry."

"Dapat maraming buwan ka manliligaw."

Muling naglikot ang paningin niya. Sa gano'ng ginagawa niya, hindi ko tuloy makuha kung hindi niya lang maintindihan ang sinasabi ko o pinag-iisipang mabuti ang mga narinig at isasagot niya.

"Oh, okay. Sorry." Ngumiti siya. "In my country, kapag sinabi mo na mahal mo 'ko, girlfriend na kita."

Ngumiti siya at lalong inilapit ang mukha sa 'kin. Sa pagkakataong 'yon ay pinagpantay niya ang mga mukha namin, na halos maduling kami sa katititig sa isa't isa.

"Kapag sinabi kong mahal kita..." tumitig siya sa mga mata ko at kasabay ng pagngiti ng mga mata ay ang labi niya. "Hindi na 'ko magmamahal ng iba," gano'n na lang kalambing na sinabi ni Maxrill Won ang mga salitang 'yon. Namasa ang mga mata ko sa sobrang sarap sa pakiramdam na idinulot no'n.

Umawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. "Maxrill Won..."

Ngumiti at tumango siya, damang-dama ang pagkatulala ko, iniisip yatang gano'n na lang ang epekto sa 'kin ng sinabi niya. Pero hindi 'yon ang laman ng isip ko.

"Ang galing mo nang mag-Tagalog!" namamanghang sinabi ko.

Siya naman ang natigilan at napatitig sa 'kin. Napapikit saka diniinan ng daliri ang parehong mata niya. Nang magmulat ay hindi maintindihan ang tawa at ngiti niya saka siya bumuntong-hininga.

"In a freaking balcony, seriously?" Gano'n na lang ang gulat namin ni Maxrill Won nang mangibabaw ang tinig ni Ate Maxpein. Gano'n na lang ang kaba ko pero sa itsura niya, parang wala akong dapat na ipag-alala.

"Noona?!" nagrereklamong tugon ni Maxrill.

Umangat ang labi ni Ate Maxpein. "I missed that."

"Tsh. What do you want?"

"The food is ready," isinenyas ni Ate Maxpein ang loob ng restaurant.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon