Nanatili sa taas ang anino niya, habang unti-unti akong bumababa hanggang sa naglaho noong tumama ang anino ng ibon ko sa hangganan ng liwanag at nakiisa sa dilim. Papaiyak si Tim nang nawala ako pero bago pa siya tumigil sa paglipad ay kinikiliti ko na siya sa tiyan.

Nanaig ang hagikhik niya. Medyo naibsan ang takot ko dahil hindi na siya natatakot. Nabalewala na namin ang ulan ngunit sa isang pagbagsak lang ng pinto—lumalakas na buhos ng unos at ang sumalakay na lamig sa loob ng bahay—naglaho ang lahat.

"Buong araw ka sa pagtitinda at ang sasabihin mo sa 'kin, wala kang kinikita? Napakalaking sinungaling mo talaga!"

Nahigit ko ang hininga sa sigaw ni Tito Martin. Lasing na naman.

"Kung mayroon man akong kinikita ay hindi ko rin maibibigay sa 'yo, Martin. Para iyon sa mga bata. Ikaw, may kinikita ka naman sa pamamasada mo. Bakit hindi iyon ang gamitin mo sa halip na ubusin lang sa sugal at alak—"

Bahagya akong natulala sa pagkapit ng takot, pinipilit na sa pagkakataong ito, sa ulan lamang ako makikinig. At sa mga oras na ito, hindi na nakakatakot para sa akin ang kulog dahil sa hiling ko pang tumindi para mabaon ng lakas nito ang sigawan.

Pero ang hirap lalo na at dinig ko ang sigaw ni Mama bago ang bagsakan ng kakarampot na gamit namin sa kusina.

"Huwag na huwag mo akong susubukan, Eugenia!" panibagong kalabog ang nahagip ng pandinig ko sa gitna ng patuloy na pag-ulan.

"Matulog ka na, Tim. Huwag kang makikinig sa kanila," sabi ko sa kapatid.

Inayos ko ang mga unan sa kanya, dinidikit ang dalawa sa magkabila niyang tenga saka ako umahon para silipin ang nangyayari. Hindi naman lumiliban ang away sa bahay sa tuwing lasing si Tito Martin, pero ngayong gabi yata ang pinakamalala.

Hindi ko narinig na sumagot si Mama. Nang makalapit na sa pader na nagbabahagi ng aming silid at sa pinag-isang kusina at salas, sumilip ako. Nahuli kong papaahon na siya mula sa pagkakasubsob sa lamesa habang si Tito Martin ay nakatalikod sa kanya, nagsasalin ng tubig mula sa pitchel.

Namilog ang mga mata ko, agad nakuha ang ginawa sa kanya dahil na rin sa tinatakpan nitong kanang pisngi. Nag-angat ng tingin si Mama at nahuli ang mga mata ko. Mabilis niyang ibinaba ang kamay sa mukha at inilag ang paningin.

Sa mga nagdaang segundong natatanto ko ang nangyari, dumaloy sa akin ang pananamlay. Ngunit sa panlalambot ng mga tuhod ko, ang ngumangawang guwang sa aking kalamnan at ang mainit na haplos ng panghihina ay hindi dinamay ang nag-aapoy na galit noong dumapo ang tingin ko kay Tito Martin. Patuloy itong pinagsasalitaan si Mama habang nagsasalin para sa pangalawang inom. Hindi ko mapigilan ang sariling mag-isip ng masama at hiniling na mabulunan siya.

"Ang kapatid mo, Eda?" Si Mama nang makalapit. Nilagpasan niya ako at tuloy tuloy na pumasok sa kuwarto, nagmamadali.

"Tulog na po..."

Kinuha niya sa Tim mula sa hinihigaang banig kasama na ang nakabalot nitong kumot.

"Doon muna kayo kay Manang Adring. Pupuntahan ko kayo roon. Hihintayin ko lang munang tumahan ang Tito Martin mo."

Umiling ako, tinatanaw na ang mangyayari sa dulo ng gabi habang inaabot niya sa akin ang kapatid kong walang muwang sa nangyayari.

"Paano po kayo?" kabado kong tanong, halos hindi mapansin ang inabot niyang bag laman ang iilang gamit ni Tim sapat para sa buong gabi.

"Kung sasama ako ay susugod lang din iyan doon."

Kumunot ang noo ko. Hindi naman siguro. Malakas ang ulan at lasing siya kaya imposibleng makalahati man lang nito ang kagubatan.

OBSIDIAN ISSUES SERIES 3: MARKEDUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum