Chapter VIII

5.9K 1.2K 85
                                    

Chapter VIII: Arriving at the Beastman Kingdom(Part 2)

Sa hinihingi ni Finn, agad na tumango si Osuar. Mahigpit ang utos sa kanilang mga punong kawal na kailangan nilang maging magalang sa oras na rumating at magpakita sa kanila ang binata. Utos ito mismo ng kanilang hari—at hindi nila maaaring salungatin iyon dahil malalagay sa panganib ang kanilang posisyon na matagal nilang pinaghirapan. Kahit si Resun na hindi personal na pinaalalahanan ni Eregor ay tahimik matapos makita ang pag-uugali ni Osuar.

“Reion!” tawag ni Osuar sa isa sa mga kawal na tahimik na nakatayo sa kanyang likuran.

Agad na umabante si Reion, at agad siyang sumaludo kay Osuar at Resun.

“Ano’ng ipag-uutos n’yo, Punong Kawal Osuar?” magalang at matikas na tanong ni Reion.

Hindi pa rin inaalis ni Osuar ang tingin niya kay Finn. Ibinuka niya ang kanyang bibig at marahang nagsalita, “Magmadali ka at magsama ka ng mga kawal upang ipaalam sa ating hari na ang binatang nagngangalang Finn Doria ay nasa daungan at nais siyang makita.” Huminto sandali si Osuar, tumingin sa «Raven» na mabagal na umuusad patungo sa kanila bago magpatuloy, “Hihintayin lang namin ang kanyang mga kaibigan bago namin siya ihatid sa palasyo.”

Muling sumaludo si Reion. At agad na umatras. Nagsama siya ng ilang mga kawal at mabilis silang lumipad palayo sa daungan.

Pinagmasdan ni Finn ang lahat ng ito at natuwa siya sa pagtatanggap sa kanya ng mga kawal ng kaharian ni Eregor. Bahagya siyang ngumiti at nagwika, “Paumanhin sa abala, Ginoong…”

“Osuar mula sa White Ape Tribe—at ito naman si Resun, ang aking katuwang sa pagbabantay sa daungan,” pakilala ni Osuar habang itinuturo si Resun. “Hindi mo na kailangan pang humingi ng paumanhin. Isa kang mahalagang panauhin ng Kamahalan, at nararapat lamang na ika’y aming paglingkuran.”

Bahagyang yumuko naman si Resun kay Finn at magalang na nagpakilala, “Resun mula sa Sun Eagle Tribe. Tama si Osuar, isa kang panauhin kaya hindi mo kailangang humingi ng paumanhin.”

Ngumiti si Finn at nagsalita, “Ikinagagalak ko kayong makilala, Ginoong Osuar, Ginoong Resun,” giit ng binata. “Ako naman si Finn Doria, isang tao mula sa karatig na kontinente—ang Ancestral Continent.”

Natigilan ang dalawa nang marinig nila ang sinabi ni Finn. Nabigla sila sa impormasyong ito at naging interesado, pero, agad din silang huminahon dahil alam nilang hindi maganda kung hahalungkatin pa nila ang tungkol sa personal na impormasyon ng binata.

Hindi lang sila makapaniwala na si Finn Doria ay nagmula sa kabilang kontinente, at ito ang kauna-unahang beses na nakakilala sila ng nilalang na hindi nagmula sa Dark Continent.

Lumingon si Finn sa kanyang likuran nang mapansin niyang natahimik ang dalawa. Nakita niyang malapit nang dumaong ang «Raven» sa daungan kaya huminga siya ng malalim at tahimik na naghintay.

Habang maingat na dumadaong, si Zed ay agad na lumapit sa tabi ni Finn. Hindi pa rin nawawala ang pagmamalaki sa kanyang ekspresyon, at mapapansing maayos na ang kanyang kalagayan ngayon. Isang buong araw siyang nagdusa kasama sina Grey at Mason dahil sa kanilang pagkain ng Seawater Mushroom.

At noong gumaling sila, pinagtulungan nilang tatlo si Python. Naging magulo ang «Raven» nitong mga nakaraang araw, pero, hindi sila pinigilan ni Gin. Hinayaan lang nila ang kalokohan ng apat dahil alam nilang wala na rin naman silang magagawa pa roon.

Pagkatapos makadaong sa daungan, lumabas ang lahat ng miyembro ng Dark Crow kasama si Emilia. Humanay sila sa likuran ni Finn at tumingin din sa mga kawal na beastman.

Naiwan ang grupo nina Reiyan at Meryan sa «Raven». Sila ang magsisilbing bantay ng «Raven» habang wala sina Finn, ito ang kanilang trabaho, at ito naman talaga ang dahilan kung bakit sila kasama.

Legend of Divine God [Vol 7: Continental War]Where stories live. Discover now