Kabanata 8 - Adelpa

Start from the beginning
                                    

Dali-daling lumabas si Agnes sa tindahan. Agad niyang hinila si Selio na nakatayo pa rin sa tapat ng tindahan habang nakatulala sa dalagitang tindera na kumausap sa kaniya. "Halika na!" nagmamadaling saad ni Agnes sa kapatid sabay hila sa manggas nito.

Napahawak si Mateo sa kanyang ulo. Madalas nangyayari iyon sa kaniya. Madalas niyang nakikita sa ibang tao si Agnes gayong malinaw na wala na ito. Nakadalo pa siya sa burol at libing ni Agnes.

Ngunit napatigil siya nang mapagtanto na maaaring may kahawig nga si Agnes ngunit malabong pati ang boses nito ay magkapareho. Agad tumakbo papalabas ng tindahan si Mateo. Tinanong pa siya ng tindera ngunit hindi na niya ito nilingon.

Inilibot ni Mateo ang kanyang mata sa paligid. Marami ng tao ang naglalakad sa gitnang kalsada. Dumaraan na rin ang iilang kalesa lulan ang mga mararangyang tao. Tila umiikot ang paligid at nanlalabo ang paningin ni Mateo.

Namataan niya ang isang dalagang nakatalikod at naglalakad papalayo. Agad niya itong hinabol "Binibini... Sandali!" wika ni Mateo, napalingon ang dalaga na may bitbit na sanggol. "Bakit po?" nagtatakang tanong nito. Gumuho ang kanyang pag-asa nang mapagtanto na nagkamali na naman siya ng hinala.

"Paumanhin" wika ni Mateo saka tumalikod at tulalang naglakad pabalik sa tindahan. Nayayamot sa sarili sapagkat hinahayaan niyang umasa ang sarili sa taong batid niyang hindi na magbabalik.


MAGILIW na nilanghap ni Agnes ang sariwang hangin nang buksan niya ang bintana sa kanilang tahanan. Papasikat na ang araw, ang tilaok ng mga tandang at ang huni ng mga ibon ay musika sa kanyang pandinig.

Nagsimula na siyang magluto ng almusal gaya ng dating nakagawian. Napagkasunduan nila ni Selio na ibigay sa kanilang itay ang alak na kanilang regalo ngayong umaga.

Napansin ni Agnes si Selio na tulalang naglalakad papalapit sa kanilang tahanan habang buhat-buhat nito ang dalawang balde ng tubig. "Ano iyan?" tanong ni Agnes nang makalapit ang kapatid at nang ilapag nito ang dalawang balde sa tabi ng pugon.

Napatingin si Selio kay Agnes nang may pagtataka. "Ang sabi ko, ano iyan?" ulit ni Agnes sabay turo sa nakasimangot na mukha ng kapatid gamit ang hawak na sandok.

Napakamot sa ulo si Selio. Ang totoo ay hindi siya nakatulog buong gabi. "Wala" pagtanggi nito. Napahalukipkip si Agnes saka napasingkit ang mga mata habang pinagmamasdan ang kapatid. "Talo mo pa si itay sa tuwing natatalo sa sabungan" saad ni Agnes saka napailing sa sarili.

"Huwag mo sabihing... Akin na ang iyong salapi!" wika ni Agnes saka pilit na kinukuha sa bulsa ni Selio ang pera nito. Mabilis na nakaiwas si Selio, tumapak sa silya saka lumundag sa kabilang bahagi ng mesa.

"Hindi ako nagsasabong, ate!" paliwanag ni Selio sabay kamot sa ulo. Ang tanging gusto niya lang gawin ngayon ay matulog. Muling napahalukipkip sa Agnes saka pinagmasdan ang kapatid. "Kung gayon... Bakit ganiyan ang iyong hitsura? Para kang nalugi ng ilang libo" puna ni Agnes.

Napasandal si Selio sa bintana sabay hinga nang malalim at napatingin sa magandang tanawin sa labas ng bintana. Natatanaw niya ngayon ang maliit na hardin sa tapat ng kanilang tahanan. Malagong nakatanim doon ang bulaklak ng adelpa at mga halamang gamot.

"Madalas kong makita ang bulaklak na iyan, ate. Hindi ba't iyan din ang itinanim mo sa hardin ni Doña Lara?" tanong ni Selio habang nakatitig sa mga bulaklak ng adelpa.

"Iyo bang nababatid kung ano ang kahulugan ng bulaklak na iyan?" tanong ni Agnes habang nakatitig na rin sa malalagong adelpa. Umiling si Selio.

"Sumisimbolo ang bulaklak na iyan sa hangarin ng isang tao. Lahat ng tayo ay may mithiin sa buhay. Kapag ibinigay mo iyan sa isang binibini, nangangahulugan iyon na siya ang hinahangad mong makapiling" ngiti ni Agnes. Napakamot si Selio sa kanyang ulo, nagsisimula nang manukso si Agnes tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.

Lo Siento, Te AmoWhere stories live. Discover now