Tumango na lang ang binata at muling natahimik. Hindi na nakayanan ng dalawa ang kanilang kuryusidad. Nagkatinginan sila at agad na tinanong ang binata.

“Mukhang malalim ang iniisip mo… mayroon ka bang problema, Finn?” tanong ni Emilia.

Hindi sila sanay sa ganitong katahimikan ng binata. Nakararamdam sila ng pag-alala kaya hindi nila mapigilang tanungin si Finn tungkol dito.

Bahagyang ngumiti si Finn kay Emilia at bumuntong-hininga, “Wala naman. Naiisip ko lang ang aking mga magulang sa Ancestral Continent. Mag-dadalawang taon na mula nang huli ko silang makita, at gusto ko na silang makita upang malaman kung ayos lang ba ang kanilang kalagayan.”

Huminga ng malalim si Melissa at matamis na ngumiti, “Sigurado akong ayos lang sila. Walang sinuman sa kontinenteng iyon ang mangangahas na saktan o kalabanin ang iyong pamilya lalo na’t protektado kayo ng Adventurers Guild doon at ng iyong dalawang protektor.”

“Sigurado akong maunlad na ang inyong Craftsman Alliance at marami nang may utang na loob sa inyo.”

Sinulyapan ni Finn si Melissa, at bahagya siyang tumango. Tiwala siya kina Leonel at Loen. Alam niyang walang makapapantay sa lakas ng mga magulang ni Eon sa Ancestral Continent, pero, bilang malayo siya sa kanila, hindi niya pa rin mapigilang mag-alala.

“Salamat,” giit na lang ni Finn.

Tumango sina Emilia at Melissa. Napansin nila na kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ng binata. Natuwa sila kaya naman matamis silang napangiti.

“Pagkatapos nating talunin ang Imperyo ng Rowan at Holy Church, makababalik ka na sa iyong pamilya,” sabi ni Melissa at ngumiti.

Mas naging determinado ang ekspresyon ng binata at tumango siya, “Magiging matagumpay tayo. Ang ating hangarin ay magtatagumpay. Hindi na rin ako makapaghintay na matapos ito dahil marami pa akong nais gawin at planuhin pagkatapos nito.”

Tumango-tango ang dalawa bilang pagsang-ayon. Gaya ng binata mayroon din silang pinaplano, ganoon pa man, hindi pa buo ang kanilang loob dahil nag-aalinlangan pa sila. Sa ngayon, itutuon muna nila ang kanilang atensyon sa malaking gulo na kanilang papasukin. Kailangan nilang makidigma, pero, kailangan din nilang mabuhay upang makasama pa nila ang kani-kanilang magulang at pamilya.

“Bakit hindi natin bisitahin muna sina Python? Siguradong hanggang ngayon ay nagkakasiyahan pa rin sila,” alok ni Finn sa dalawa.

Nagkasundo ang tatlo kaya agad din silang nagtungo sa kinaroroonan nina Python. Nang makarating sila, nadatnan nila ang mga ito na kumakain pa rin. Wala na roon si Crypt at ang natira na lang ay sina Python, Zed, Mason at Grey.

“Akala ko kasama n’yo si Crypt kanina? Asan na siya?” tanong ni Melissa sa apat.

Nagpatuloy sa pagkain sina Zed, Grey at Python habang si Mason lang ang bumaling kay Melissa. Ibinaba niya ang mangkok niyang hawak at tumugon, “Gusto niyang hamunin sa isang duelo sina Kapitan at Second. Tinukso kasi siya nina Zed at Grey na hindi siya makatatagal kina Kapitan at Second kapag kinalaban niya ang sinuman sa dalawa.”

Kunot-noong tiningnan ni Melissa sina Zed at Grey na abala pa rin sa pagkain. Hindi siya pinapansin ng mga ito na para bang isa lang siyang hangin.

Hindi na rin pinagtuunan pa ni Melissa ng pansin ang dalawa. Nasanay na rin siya sa mga ito, at kilala niya na rin si Crypt. Alam niyang hindi hinamon ni Crypt sina Gin at Gris sa laban dahil gusto nitong higitan ang mga ito, gusto lang nitong alamin ang kasalukuyan niyang lakas.

Napabaling na lang si Melissa kay Finn na kasalukuyang nakatingin sa isang putahe na kinakain nina Zed. Napansin niyang nakakunot ang noo ng binata. Ang pagkaing tinitingnan ng binata ay isang sinabawang asul na kabute. Pamilyar kay Melissa ang kabuteng iyon, pero, hindi niya alam kung ano ang tawag dito at kung ano iyon. Ang alam lang niya, maraming ganoon sa ilalim ng karagatan. Kinakain nila ang kabuteng iyon at nasasarapan sila sa lasa noon.

Legend of Divine God [Vol 7: Continental War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon