6

48.8K 1.6K 225
                                    

"ELSA? Kaloy? Kayo ba iyan?" hindi makapaniwala si Summer nang makita ang dalawang matalik na kaibigan na nag-iintay sa kanya sa living room ng mansion nang makababa siya mula sa kwarto niya.

Iniwan muna niya si Comet na abala sa panonood ng movie sa entertainment room ng mansion nang tawagin siya ni Nanang Fely at ipaalam sa kanya na may mga bisita siya. Hindi naman niya akalain na sina Elsa at Kaloy iyon.

"Summer! Grabe na-miss kita ng sobra!" niyakap siya ni Elsa. Hindi naman maiwasang mapangiti ni Summer at ginantihan rin ng yakap ang mga kaibigan.

"Bakit pala kayo nandito?" tanong niya sa mga kaibigan.

"Inutusan kasi ako ng nanay ko na kunin yung ipinadala ng tiyahin ko na titulo ng lupa nila sa probinsya dito sa Maynila, sakto naman na pinakiusapan kasi kami ni Lola Selya na bisitahin ka dito kaya dumaan na kami dito para makita ka."

"Summer, eto pala, pinadala ni Lola Selya." mas lalong lumawak ang pagkakangiti ni Summer nang iabot naman sa kanya ni Kaloy ang kahon na may lamang bibingka na napakaraming latik sa ibabaw.

Iginiya niya ulit paupo ang mga kaibigan. "Naku salamat. Miss na miss ko na nga rin si lola, syempre kayo rin. Kamusta na pala kayo? Yung isla?"

"Ayun isla pa rin. At saka alam mo ba? Si Mr. La Croix, yung nakabili ng isla, binigyan niya kami ng scholarship para makapag-aral sa isang state university sa bayan. Binigyan rin niya ng ibang pinagkakakitaan yung mga ka-isla natin. Nagulat nga kami, hindi naman pala siya ganoon kasama." sabi ni Elsa. Maging siya nagulat sa sinabi nito.

Oo nga at nakaka-intimidate ang nakakatandang kapatid ni Comet na si Orion pero hindi niya akalain na ganoon pala kabuti ang kalooban nito. Maling-mali ang akala nila dati na masama ang ugali nito.

"Kelan ka ba bibisita sa isla, Summer?" untag naman ni Kaloy sa kanya.

"Ah, sa katapusan nitong buwan. Hindi kasi ako pwede basta-basta umalis dito, walang magbabantay sa alaga ko. Pero may ipapasabay din ako sa inyo pagbalik niyo sa isla ha? Mga kaunting gamit lang iyon na kailangan ni lola."

"Sus, wala iyon Summer. Ikaw pa? Eh malakas ka sa amin, lalo na dito kay Kaloy." natawa na lang siya sa sinabi ni Elsa, palihim pa itong siniko ni Kaloy.

"Ah, Summer, ayos ka lang ba dito? Hindi ka naman ba minamaltrato o sinasaktan ng amo mo?"

Hinampas naman ni Elsa ang lalaki sa braso nito na parang sinasaway. "Kaloy! Ang nega mo talaga 'noh? Kita mo ngang ang bait-bait sa atin ni Mr. La Croix, dito pa kaya kay Summer?"

"Nag-aalala lang naman ako." Kakamot-kamot sa batok na depensa ni Kaloy. Natawa na lang si Summer. Na-miss niya rin talaga ang pagbabangayan ng dalawa niyang matalik na kaibigan.

"Ayos lang talaga ako dito, Kaloy. Mababait naman ang mga kasama ko dito sa bahay. Sandali ah? Ikukuha ko lang kayo ng makakain." tumayo siya at naglakad papunta sa kusina, sakto naman na nakasalubong niya si Nanang Fely na may dalang tray ng pagkain at mga inumin.

"Oh, iniwan mo yung mga bisita mo doon?" puna nito sa kanya.

"Ahm, kukuha lang po sana ako ng kaunting makakain para sa kanila, nanang. Ayos lang ho ba?"

"Naku, oo naman. Heto nga at ako na sana ang magdadala sa inyo doon. Alam ko na matagal din kayong hindi nagkita ng mga kaibigan mo." inabot nito sa kanya ang tray na may lamang mga pagkain.

Kinuha naman agad ni Summer ang tray mula sa matanda. "Maraming salamat ho, nakakahiya naman sa inyo at kayo pa ang naghanda nito, baka nakaabala ho ako sa inyo."

Masuyong hinaplos ng matandang babae ang kanyang pisngi saka siya nito nginitian. "Wala iyon, sige na bumalik ka na doon. Si Comet ba ay nasa entertainment room pa rin?"

Serendipity (Under Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon