Tula 6

13 3 1
                                    

Tuparin Mo Sakanya
Dinonymous


Binibigkas ng labi mo na mahal mo pa rin ako
Ngunit bakas sa mga mata mo na meron nang bago
Hindi mo man sabihin ang tunay mong nararamdaman,
Batid ko na lalong lumalaki ang distansya sa ating pagitan

Pansin kong hindi na kasing tamis ng dati ang ngiti mo ngayon,
Maging ang iyong mata ay hindi na pinapakita ang parehong emosyon
Pilitin mo mang manatili, batid kong hindi na mababalik ang lahat sa dati
Bakas ang 'yong lungkot sa mga bisig mong dinaig na ng lamig ng gabi

Hindi na kita pipilitin pang manatili kung nahihirapan ka na
Mas panatag akong masaya ka, kahit sa piling na ng iba
Alam kong hindi na kita napapasaya, at kung nais mo ay paglaya,
Mahal, pinapalaya na kita

At sa paglisan mo ay hindi ka makakarinig ng panunumbat
Bagkus ay lubos pa akong magpapasalamat
Dahil kahit sa sandaling panahon ay ako ang naging dahilan ng ngiti mo
Kahit sa sandaling panahon, ako ang nilaman ng puso mo

Salamat sa lahat ng ngiting iginuhit mo sa mga labi ko
At sa init na pinadama mo nung mga gabing nilalamig ako
Sa pagdamay sa'kin nung tinalikuran ako ng mundo,
Salamat, dahil dumaan ka sa buhay ko

Huwag kang mag-alala kung hindi mo natupad ang mga pangako
Mga pangakong sabay nating iginuhit at binuo
Hindi pa naman huli ang lahat para ito'y abutin
Maari mo pa rin itong tuparin kahit hindi na sa akin

Sabay kayong sumayaw sa ilalim ng mahika ng buwan,
Sabay kayong tumakbo sa damuhan sa ilalim ng madilim na kalawakan
Sabay niyong bilangin ang mga bilyun-bilyong alapaap
Na naging saksi sa pag-iibigan niyo kahit na ikinubli ng mga ulap

Lagi mong sabihin sakaniya kung gaano mo siya kamahal
Lagi mo siyang yayakapin kapag hindi niya kinaya 'yung lamig ng gabi
Lagi mo siyang hahalikan sa labi para lang pangamba niya'y matanggal
At kapag siya'y natakot, huwag na huwag kang aalis sakaniyang tabi

Hindi ko hihilingin na manatili ka pa sa'kin
Ngunit mayroon lang sana akong hihilingin
Pakiusap, ipakita mong hindi ko pagsisisihan
Ang pagpapalaya sa'yo, ayokong makita kang luhaan

Ipakita mo sakaniya kung gaano kasarap magmahal
Ibigay mo sakaniya ang lahat ng rason para sumugal
Ipakita mo sakaniya kung bakit dapat ipaglaban ka
Mga pangako nating ibinulong sa hangin, tuparin mo sakaniya

#MahiSalita

MahiSalitaWhere stories live. Discover now