20 - First Encounter

1K 57 7
                                    

10 YEARS AGO

"Lola, kaya n'yo pa ba? Magpahinga kaya muna tayo. Baka sumakit na naman ang mga tuhod n'yo kapag tinodo mo ang pagpapagod mo," saad ni Merida pero mabilis s'yang napa-atras nang iangat ng matanda ang hawak nitong kahoy para hampasin s'ya.

"Aba! Minamaliit mo ba ako?!"

"Hindi naman sa ganun lola. Nag-aalala lang ako. Baka kasi mag-reklamo ka mamaya na masakit na naman ang mga kasu-kasuan mo. Halos kalahating oras na tayo umaakyat dito sa burol kaya tama lang ba magpahinga muna tayo." Paliwanag ni Merida habang kinakamot ang batok n'ya.

Isang maliit na insekto ang nahawakan ni Merida na ikinangiwi n'ya. Kaya pala ang kati-kati ng batok n'ya mula pa kanina dahil may insektong pumapapak sa kanya.

"Oh s'ya, magpahinga muna tayo," pahayag ng matanda.

"Lola, kaano-ano n'yo po ba si nanang Linda?"

"Pinsan s'ya ng lolo Ambo mo. Alam mo bang s'ya ang palaging tumutulong sa amin ng lolo mo kapag kapos kami sa pera? Kapag magbabayad naman ako sa kanya ay tatanggi s'ya. Napakabait ng matandang 'yon. Nabalitaan ko kasing nagkasakit s'ya kaya naman naisipan kong bisitahin s'ya. Burol pa ata ng lolo Ambo mo nung huli kaming magkita na dalawa."

"Ang yaman-yaman n'ya siguro kasi hindi n'ya na kayo pinagbabayad."

"Nakapag-asawa kasi ng Hapon ang nanang Linda mo. Nang ikasal sila sa Japan ay umuwi kaagad sila rito sa probinsya at nagpatayo ng bahay pero matapos ang masayang tatlong taon nilang pagsasama ay binawian ng buhay ang asawa ng Nanang Linda mo dahil sa malubhang sakit."

"Nagka-anak po ba sila?"

"Hindi biniyayaan ng anak ang dalawa dahil may sakit sa matres ni Linda. Mamaya na nga tayo magkwentuhan. Lumakad na tayo bago pa tayo abutan ng dilim."

MATAPOS ang halos isang oras na paglalakad ay narating na nila ang bahay ni Linda.

Akala ni Merida ay isang abandonadong haunted house ang bahay na kaharap nila ngayon. Lumang-luma na kasi ang itsura nito. May tatlong palapag ito at attic. Hindi na s'ya magtataka kung hindi nagawang ma-maintain ng Nanang Linda n'ya ang bahay. Malaki ito para linisin ng mag-isa ng isang matandang babae.

Nanigas sa kanyang kinatatayuan si Merida ng makita ang isang batang lalaki na nakasilip sa bintana ng attic. Alam n'yang hindi normal na bata ang nakikita n'ya dahil sa negatibong enerhiyang nararamdaman n'ya rito. Hindi mapigilan ng dalaga na kilabutan. Hindi pamilyar sa kanya ang pakiramdam na ibinibigay sa kanya ng batang 'yon.

"Merida," tawag sa kanya ng lola n'ya kaya kaagad s'yang napabaling sa gawi nito. "Ayos ka lang ba, apo?" Nag-aalalang tanong sa kanya nito.

Lumunok muna ng laway si Merida bago tumango sa matanda. Habang papalapit sila nang papalapit sa bahay ay ramdam n'ya ang negatibong presensya na nanggagaling sa loob ng lumang bahay.

"Veronica."

Isang matandang babae na halos kasing tanda ng kanyang lola Veron ang nagbukas sa kanila ng pinto. May hawak itong tungkod na naka-alalay sa paglalakad nito. Suot nito ang isang mahabang puting bestida habang aabot naman hanggang sa bewang nito ang mahaba nitong puting buhok. Maaliwalas ang ngiting suot ng matanda pero hindi matatago sa mga mata nito ang kapaguran at puyat.

"Linda, masaya akong makita kang ulit. Kamusta ka na?" masayang saad ni Veron saka nito mahigpit na yinakap si Linda.

"Heto, okay naman. Paminsan-minsan ay inaatake ako ng rayuma ko. Alam mo namang parte na ng pagtanda ang sakit na 'yon." Natatawang sagot ni Linda bago nito ibaling ang tingin kay Merida.

Lady of JardinUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum