16 - Gone

1K 61 3
                                    

Maingat akong bumangon sa kama at siniguradong hindi ko magigising si Erika na mahimbing ngayong natutulog sa tabi ko. Tahimik akong naglakad papunta sa terrace saka ko pinagmasdan ang pagbagsak ng ulan sa labas. Napayakap ako sa sarili ko dahil sa malamig na hanging dulot ng malakas na pag-ulan.

Mukhang mananatili ang masamang panahon hanggang sa kaarawan ni Erika.

Habang nakatanaw sa malayo ay bumalik sa alaala ko ang multo ni Mallen habang buhat n'ya ang isang sanggol kanina sa pasilyo.

Lahat ng mga pangyayari sa buhay n'ya ay nakapaloob sa panaginip ko. Minsan ay natatakot na akong ipikit ang mga mata ko. Gusto ko s'yang tulungan pero may parte sa aking na natatakot sa sunod kong makikita patungkol sa buhay n'ya.

Mabilis na naudlot ang pag-iisip ko nang matanaw ko si Eron at Denise na nag-uusap sa loob ng greenhouse. Kahit nanlalabo ang paningin ko dulot nang malakas na pag-ulan ay sigurado akong silang dalawa 'yon. Nanikip bigla ang dibdib ko ng yakapin ni Eron si Denise. Mabilis kong iniwas ang tingin sa dalawa at nanghihinang napaupo sa kama ni Erika.

May hindi ka ba sa akin sinasabi Eron?

Inayos ko muna ang kumot ni Erika bago lumabas sa kwarto n'ya. Nang marating ko ang kwarto ko ay doon ko inilabas ang sama ng loob dahil sa nasaksihan ko kanina. Iyak ako nang iyak.

Palabas lang ba ni Eron ang ginawa n'yang pag-amin sa akin?

Ito ang pangalawang beses na nakita ko silang dalawa na magkasama. Wala sana akong iisiping masama sa pag-uusap nila kung hindi ko nakita ang ginawang pagyakap ni Eron kay Denise.

Nang mapagod ako sa pag-iyak ay hinayaan ko ang sarili kong magpatangay sa antok. 

NAALIMPUNGATAN ako nang maramdaman kong may humahaplos sa pisngi ko. Sa pagmulat ko ay nakita ko ang isang babae na nakaupo sa dulo ng kama ko. Nakatalikod ito mula sa akin habang naghu-hum ng lullaby. Dahan-dahan akong napaupo sa kama ng hindi inaalis ang mata ko sa likuran n'ya.

Napatakip ako ng bibig ko nang makita ang duguang sanggol na hawak n'ya. Sariwang-sariwa pa ang mga dugong pumapatak sa puting bestida ng babae at sa braso n'ya.

"M-Mallen," pagtawag ko sa kanya. Hindi ko makita ang mukha n'ya dahil nakayuko s'ya. Bukod 'don ay nahaharangan din ng mahaba n'yang buhok ang mukha n'ya.

Nagpatuloy s'ya sa pagkanta nang hindi ako pinapansin.

Mabilis na nalipat ang tingin ko sa pinto ng kwarto ko nang iniluwa nun si Denise. Bago ko pa man s'ya matanong kung anong problema ay mabilis ng humarang sa harap ko si Mallen saka s'ya malakas na sumigaw.

"Ahhhhh!" Hindi s'ya galit. Sigaw 'yon ng pighati at paghihirap.

Nakita ko ang pira-pirasong alaala ni Mallen dahil sa ginawa n'ya. Mula sa kung paano s'ya sapilitang gahasain ng isang matandang lalaki sa isang madilim na kwarto hanggang sa walang-awa at paulit-ulit na pananakit sa kanya ni Susan. Ipinakita n'ya rin sa akin ang pagkalaglag ng bata sa sinapupunan n'ya at kung paano nun na apektuhan ang relasyon nilang mag-asawa dahil sa pagkawala ng sanggol.

Sa pangalawang pagkakataon na pagbubuntis si Mallen ay nakita ko ang paghihirap n'ya nang duguin s'ya pero sa kabila ng paghihirap n'yang iyon ay matagumpay n'yang na isilang ang isang malusog na batang babae, si Erika. Kahit nand'yan na si Erika ay makikita pa rin sa mga mata ni Mallen ang matinding kalungkutan.

Ano pa ang nangyari sa'yo? Sabihin mo sa akin Mallen!

Tuluyang naputol ang mga alaalang ipinapakita sa akin ni Mallen dahil sa ginawang pagyugyog ni Denise sa balikat ko.

"Merida! Nawawala si Erika! Nawawala si Erika at hindi namin s'ya makita," puno ng pag-aalalang pahayag ni Denise.

"P-Paanong nawawala si Erika?" tanong ko habang sapo ang ulo ko dahil sa biglang pag-ikot ng paningin ko. "N-Natutulog lang s'ya kanina sa kwarto nang iwanan ko s'ya 'ron," kunot-noong pahayag ko. Malalaki ang hakbang ko na tinungo ang kwarto ni Erika.

Lady of JardinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon