Part 3

6.2K 153 0
                                    

GRAND HYATT Hotel, Hong Kong

Kapapasok pa lang ni Editha Formilleza sa hotel suite ay tumunog na ang kanyang cell phone. "Yes?" sagot niya.

"Mama," anang nasa kabilang linya.

"O, Pa? Nandito na ako sa Hong Kong. Kadarating ko lang. Three days from now pa tayo magkikita dito, di ba?" aniya sa asawa.

"Yes. Editha, ang anak mo..."

Kumunot ang noo niya. Kapag ganoon ang salita ng asawa, alam na niyang may problema. At hindi siya kumibo sa susunod na mga sandali. Hinayaan niyang magsalita ang nasa kabilang linya.

"Inaya niya sa Palawan si Chad?" wika niya nang hindi na makatiis sa mga naririnig. "Ano na ang nangyari sa batang iyon?"

"Umuwi ka na muna, Ma. Kausapin mo ang batang iyon. Lumalagpas na siya sa dapat niyang ikilos. Magpasalamat tayo at mapagkakatiwalaan si Chad."

"Pero may kausap akong mga businessman bukas. Alam mo namang business din ang dahilan ng pagpunta ko dito." Nag-isip siya nang mabilis. "Don't worry, Pa. Ako na ang bahala. Tutal naman, ikaw na ang maysabi na mapagkakatiwalaan naman iyang si Chad. Surely, hindi niya papatulan ang kalokohan ng anak mo."

"Dapat lang. Hindi ako nag-aalaga ng ahas."

Umungol siya. "Pero, Pa, hindi kaya parang nakakainsulto din? Maganda si Scarlett at nagpapakita na mismo ng motibo sa lalaking iyan. Hindi man lang ba nagkainteres maski paano ang Chad na iyan sa anak mo?"

"Kung may utang-na-loob si Chad, hindi ang anak natin ang pakikialaman niya."

"Pa, walang utang-na-loob ang pag-ibig. Remember, love conquers all."

"Editha, sa ngayon ay panatag ang loob ko na hindi papatulan ni Chad ang mga ginagawa ni Scarlett sa kanya. Pero dapat nang rendahan ang anak mo. Baka mamaya, kahihiyan na ang ginagawa niyan. Go home, wife."

"No," may tigas sa tinig niya. "Scarlett is twenty-six years old. Kung noong bata pa siya ay pinalayaw natin siya, sa palagay mo ba ay kasing-dali lang ng pag-uwi ko ang pagkontrol sa ginagawa niya ngayon? I have a better idea, Arnulfo. Trust me, for the time being, hindi gagawa ng kalokohan ang anak mo."

"You better be sure of that, Editha. Kung hindi..."

"Kung hindi ay ano?" tudyo niya. She was fifty but she had the beauty and energy of thirty-five. Isa sa marami niyang katangian kung kaya't hanggang ngayon ay hindi nag-iinteres bumaling kanyang asawa sa ibang babae.

"Ah, dapat ay hindi natin in-spoil si Calett," wika na lamang nito.

"Don't worry, Arnulfo. Hindi naman napakalaking problema niyan kung tutuusin. Para din naman kaming mag-best friend ng anak mo." Nang matapos ang kanilang pag-uusap ay dumayal siya ng isa pang numero. "Calett, hija... Kumusta?"

"Mabuti, Ma. Oh, I mean, mabyuti kagaya ninyo. Magkamukha yata tayo." At tumawa ang kanyang dalaga.

"Kumusta naman ang love interest mo?"

"Si Chad?" she said. "Nandoon, nagpapakasubsob sa trabaho. Nakakainis nga, eh. No pansin na naman ako."

"Bakit hindi mo na lang ibaling sa iba ang tingin mo? Doon sa mga lalaking papansinin ka? Pumili ka ng kagaya ng papa mo, Calett. Look, hanggang ngayon, patay na patay siya sa akin." Talagang ginamit niya ang termino ng mga kabataan upang iparamdam sa anak na hindi lang siya ina nito kundi barkada din.

"Ma, I have plans. Sa plano ko, bakla na lang si Chad kung hindi pa rin niya ako papansinin."

Doon siya biglang kinabahan. "Sigurado ka ba naman na deserving iyang Chad na iyan sa plano mo? Baka naman may ibang lalaking deserving diyan. Remember, baby, you deserve nothing less."

"Ma, Chad's far better kaysa sa mga manliligaw ko. Ipinanganak ngang mga may gintong kutsara sa bibig, puro naman nakaasa sa yaman ng magulang. Walang alam gawin sa buhay kung hindi ang pumorma. Chad is the best. He's a self-made man."

"Kung hintayin mo kaya, hija, na ligawan ka ni Chad?" maingat niyang sabi.

"Ma, paano niya gagawin iyon samantalang takot siya kay Papa? I'm sure, ayaw niyang masabihang ahas kaya hindi siya makagawa ng hakbang para ligawan ako."

"Hija, A man with integrity could find his way kung talagang liligawan ka niya. Halimbawa na iyong kausapin niya nang masinsinan ang papa mo kung talagang gusto ka niyang ligawan?"

"Mama! Are you telling me, walang gusto sa akin si Chad? He just needs some encouragement."

She tightened her lips. Ito ang isa sa mga pagkakataong nagsisisi siya na hindi man lang niya napalo si Scarlett kahit minsan. "Wala akong tutol kay Chad, Calett. Kaya lang, ang hindi ko gusto ay iyong magbigay ka sa kanya ng encouragement." Ang ayain mo siya sa Palawan, gusto sana niyang sabihin pero nagpigil siya.

"Ma, may incoming call ako. Ako na lang ang tatawag sa iyo, ha?"

At bago pa siya nakahuma ay nawala na si Calett sa linya. Alam naman niyang style lang iyon ng anak niya dahil nakahalata na ito na nagsisimula na siyang magsermon. Napailing na lang siya. Muli ay nag-dial siya.

Napangiti siya nang may sumagot sa kabilang linya. "Hello, Rod, hijo..."

- itutuloy -

Wedding Girls Series 04 - SCARLETT MARIE - The Floristजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें