Hindi Paranoid ang Lider

11 1 0
                                    

Ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili at mataas na tiwala sa mga nasasakupan ay dalawa lamang sa magagandang katangiang dapat taglayin ng mga pinuno upang maisakatupan ang mga mithiin sa grupo. Pero, kung paranoid ka at ang sarili mo lang ang pinagkakatiwalaan mo, well, hindi ka maituturing na good leader.

Huwag ka munang masaktan. Basahin mo ito at mag-reflect ka.

Hindi ka mabuting lider kung akala mo ang puwesto mo ay katumbas ng kakayahan mo. Hey, hindi lang ikaw ang anak ng Diyos. Hindi lang ikaw ang biniyaaan ng husay at talino. (Meron nga ba?) Hindi porke't matagal ka nang pinuno, kuwalipikado ka nang magtagal diyan. Ayaw mo nang maungusan ka ng iba. Mali iyon! Nagbabago at natututo ang iba, baka mas magaling pa sa 'yo. Kapag ganito ka, assumero/assumera ka.

Hindi ka mabuting lider kung palagi kang tama. Ano ka, si Perfecto? Uy, kahit ikaw pa ang pinakamagaling na tao, magkakamali at magkakamali ka pa rin. Aminin mo iyan! Alam mong lahat ay nagkakamali. Tandaan mo, sa leadership, ang mithiin mo ay maging matagumpay-- matagumpay na kasama ang mga nasa mabababang puwesto. Matuto kang magbalanse ng 'true and false.' Ang leadership ay parang exam lang, 'di ba? Hindi mahalaga kung nagkamali. Ang importante, alam mo kung paano ito itama. Kapag hindi mo matanggap ang pagkakamali mo, hindi ka matututo at hindi ka makakaabante. Kapag ikaw lagi ang tama, hindi ka creative at innovative. Ang tawag sa 'yo... mayabang!

Hindi ka mabuting lider kung pinararamdam mo sa mga tauhan mo, na nanganganib silang mawalan ng trabaho. Lagi mo silang ini-intimidate, makuha mo lang ang mga naisin mo. Ginagawa mo silang puppets, robots, o remote-controleld cars. Makasarili ka. Gusto mo lagi kang nasusunod. Hindi leadership iyan, kundi manipulasyon. Gawain ito ng mahihina (weak).

Hindi ka mabuting lider kung itinatago mo ang katotohanan, kaalaman, at impormasyon. Dahil sa ginagawa mo, natitigil ang paglago ng grupo. Ang malala, nabibigo. Dahil sa gawain mo, nagkakaroon tuloy ng pagdududa sa iyo ang mga tauhan mo. Nagkakaroon ng bulong-bulungan. Tsismis! Gusto mo bang pinagtsitsismisan ka? Gusto mo bang sa iba pa nila malaman? Dahil sa ginagawa mo, nalilito tuloy ang mga nasasakupan mo. Namamali tuloy sila. Tapos, pagagalitan mo. E, sino nga ba ang engot? Hindi ba ikaw, na ayaw maging open sa mga empleyado?! Makinig ka. Pakinggan mo sila. Kausapin mo. Ilapit mo ang sarili mo sa kanila. Mag-share ka!

Hindi ka mabuting lider kung iniisip mong mas nasa mabuting kalagayan ang kasamahan mo. Kinaiinggitan mo siya, kahit ang totoo, wala namang dapat kainggitan. Alam mo bang nasisira nito ang kalagayan ng grupo? Hindi lang nakamamatay ang inggit, nakasisira rin ito ng samahan. Bakit? Dahil nang nainggit ka sa kanya, pinersonal mo na siya at pinag-initan. Healthy ba 'yon? Hindi! Hindi iyon gawain ng mabuting lider. Huwag mong wasakin ang grupo dahil sa inggit. Ikaw rin... mawawalan ng respeto sa iyo ang mga tauhan mo.

Hindi ka mabuting lider kung ipinagpapalagay mong wala ka nang kakayahang maging pinuno pagkatapos mong magkamali. Lahat ng tao ay nagkakamali. Ang pagkakamali ay maaari ngang makapagpababa ng self-confidence, ngunit maaari rin nitong maipakita sa pinuno ang mga posibilidad ng pagtagumpay at paglago. Learn from your mistakes, 'ika nga. Kaya, kung nais mong maging mahusay na pinuno, kailangan mong magkamali ka, tanggapin mo iyon, at gawing tuntungan upang gumawa ng tama at kapaki-pakinabang. Huwag mong hayaang ang munting pagkakamali ay lamunin ang kakayahan mong mamuno.

Maraming toxic na kaisipan ang maaaring pumasok sa utak mo, ngunit kung alam mong piliin ang nararapat sa pamunuan mo, magiging matagumpay ka bilang pinuno.

Mamuno ka nang may puso. Kapag tinanggal mo ang mga negatibong kaisipan sa sistema mo, makikita mo kung gaano ka kaepektibong pinuno.

Pores-pirationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon