Ang Sombrero

28 2 0
                                    

Sa gilid ng footbridge, makikita ang mag-asawa. Nakaupo ang lalaki sa maliit na silya. Kalong-kalong niya ang babaeng nakabalot ang kanang hita at nakatakip ang bibig.

Sa kabila ng paghihirap ng dalawa, kitang-kita sa kanila ang pagmamahal sa isa't isa. Ang pagtitiis ng lalaki sa pagkalong sa asawa at ang pagiging matatag ng babae sa sakit na dinaramdam nito ay pinapalitan nila ng matatamis na ngiti para sa mga taong nagdaraan. Umaasa silang ang maliit na lata ay mapuno man lang ng mga baryang ihuhulog ng mga taong may maawaing puso.

Isang oras na silang naroon ngunit kay tumal ng pagkalansing ng latang na may nakasandal na karatula: Kidney Failure. Ramdam at kitang-kita nila ang mapanuri at mapanghusgang mga mata ng ilang dumaraan.

Matagal silang pinagmasdan ng isang mama. Nilapitan pa nito ang lata upang silipin at tantiyahin ang laman niyon. Umiling-iling ito, pagkuwa'y umalis.

Nang bumalik ang lalaki, kinuha nito ang karatula. Napatingin lamang dito ang mag-asawa.

"Kidney failure?  Walang maniniwala sa inyo," wika ng lalaki.

Napamaang ang mag-asawa. Nais kumawala sa bibig nila ang mga salita.

"Gumawa po ako... nito." Ipinakita nito sa mag-asawa ang mas malaking karatula. "No kidney failure can separate two people bound by God."

Muling sumilay ang matatamis na ngiti ng mag-asawa.

Pagkatapos, itinayo ng lalaki sa likod ng lata ang karatulang ginawa nito. Kinuha din nito ang  fedora cap at itinabi sa karatula. Nahulog pa ang peluka at tumambad ang kalbo nitong ulo.

Maya-maya, nagdagsaan ang mga tao upang magbigay at mag-abot ng tulong pinansiyal. Halos mapuno ng perang papel ang sombrero. 

Masaya namang umalis ang lalaki, pagkatapos nitong ibigay ang pinakamatamis na ngiti sa mag-asawa. Alam kasi nitong hindi lang siya ang pagagalingin ng Diyos.

Pores-pirationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon