Chapter 21: Ang Kainan sa Florania

900 50 3
                                    

Chapter 21: Ang Kainan sa Florania

*****

"IBIG-SABIHIN si Richard na tinutukoy ng aking anak at ang hari ng Armenia na si William ay iisa?" natatawang sabi ni Haring Alberto sa bisita ng kanyang kaharian. Ang hari ng Armenia. Nakaupo ito sa trono at nasa tabi ang anak na prinsesa. Nakapaligid din sa bulwagan ang nasa dalawampung dama at nasa sampung kawal naman mula sa likuran. Nasa likuran naman ni Richard ang mga kasamang taga-luto ng kanyang kaharian. Mga taga-luto na tinuruan niya mismo ng mga bagong paraan at estilo.

"Ako nga po mahal na haring Alberto," sabi ng binata at yumuko pa ito.

"Talagang kayong dalawa ng aking prinsesa ang itinadhana..." Tumayo ang hari at bumaba papunta sa harapan ni Richard.

"Ipangako mong hindi mo sasaktan at paluluhain ang aking anak..."

Seryoso na tiningnan ni Richard ang mata ng hari. Napatingin din siya sa prinsesa.

"Ipinapangako ko po!" Yumuko muli si Richard matapos sabihin iyon at napangiti ang hari. Nagpalakpakan din ang lahat nang marinig iyon.

Bigla namang bumaba si Ruby at pumunta sa tabi ng binata. Humawak ito sa bisig ni Richard. Tila kinilig pa nga ang mga dama na nakakita.

"Wala kang dapat ipag-alala ama... Kahit isa siyang hari ay hindi siya makakatanggi sa mga hihilingin ko..." sabi ng prinsesa at napangiti na lang si Richard nang pilit.

"Hindi ka pa rin nagbabago..." sabi na lang ng binata sa sarili.

"Nga pala, haring Richard... haring William... ano ba ang nais mong itawag ko sa iyo... bilang magiging kabiyak ng aking prinsesa?" tanong bigla ng hari ng Florania.

"Ka-kayo na po ang bahala... Kahit po wala nang hari... Ayos lamang po sa akin," nangingiting sabi ng binata.

Napaisip si haring Alberto.

"Kung ganoon, Willchard ang itatawag ko sa iyo... Tama, Willchard," seryosong sabi ng hari at bigla namang natawa si Ruby.

"Napakapangit!" sabi ng dalaga at napatawa sila. Nakitawa na lang din si Richard dahil doon.

Pagkatapos niyon ay kinausap ni Richard si Haring Alberto, hinggil sa nais niyang gawin. Isinama niya ang mga magagaling na kusinero ng Armenia upang ipagluto sila ng ilang putaheng unang beses pa lang nilang matitikman. Humingi siyang permiso na ipagamit ang kusina ng palasyo. Wala namang ano-ano'y pumayag agad ang hari ng Florania.

"Tamang-tama, aking susuotin ang pinakamaganda kong kasuotan..." sabi pa ng hari at pansamantala muna itong umalis matapos magpaalam kina Richard na ito raw ay pupunta muna sa silid upang ihanda ang sarili.

"Gusto pa sana kitang makasama nang matagal, ngunit kailangan ko ring maghanda ng aking sarili para sa salo-salo na ihahanda ninyo... kaya magpapaalam muna ako..." sabi naman ni Ruby sa binata.

"Okay lang. Sige na, tutulong din ako sa kanila para mapabilis ang paghahanda..." sabi naman ng binata.

"Sige... dapat ay masiyahan ako sa ihahain ninyo... dahil kung hindi..."

Lumapit si Ruby sa binata at bumulong.

"Ako ang magluluto at ipapaubos ko sa iyo..." Pagkatapos niyon ay agad na umalis si Ruby at dumiretso na papunta sa silid nito. Agad naman itong sinundan ng dalawang dama.

Napangiti naman si Richard.

"Na-miss ko ring kumain ng uling..."

Matapos iyon ay nagpasama na siya sa mga kawal ng Florania upang ituro kung saan ang daanan papunta sa kusina ng palasyo.

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)Where stories live. Discover now