Chapter 2: Paglipas ng mga Araw

1.6K 73 3
                                    

Chapter 2: Paglipas ng mga Araw

SUMIKAT na naman si Richard sa lugar nila dahil sa nangyari. Trending chismis topic ng mga chismosa't chismoso. Baka nga may mag-tweet pa sa twitter at baka ihashtag pa siya. Dasal na nga lang niya na sana ay walang kumuha ng video. Baka kasi makita siya sa Tv Patrol, sa Mga Kwento ni Marc Logan. Habang pabalik nga sila ni Ruby sa bahay, ang daming mga natatawa sa ginawa niyang pagsalo sa suntok ni Aling Susan. Hiyang-hiya na tuloy siya.

"Ipaghanda mo na ako ng paliguan at pati 'yong panty ko. Kung ano man iyon." Pagkarating pa lang ay inutusan na agad ni Ruby ang binata. Ni pasalamat ay wala man lang itong sinabi.

"Opo!" naaasar namang sagot ni Richard. Gusto na nga niyang batukan ang dalaga, kaso hindi naman p'wede. Babae pa rin daw kasi ito at lalaki naman siya. Wala na lang siyang nagawa kundi ang ihanda ang panligo ng dalaga.

"Pagkatapos kong maligo, dapat ay handa na rin ang pagkain d'yan sa hapag!" utos pa ng dalaga. Dahan-dahan na rin niyang inalis ang kanyang damit nang makapasok sa loob ng munting CR. Handa na rin kasi ang tubig at pinagbantaan niya si Richard na pupugutan ng ulo kapag sinilipan siya.

"Hindi ako manyakis!" sabi na lang ni Richard. Iniabot na rin niya ang sabon at shampoo. Sinabi rin niya na bilisan ang pagligo dahil maliligo rin daw siya. Iniabot na rin niya ang tuwalya at ang damit na susuotin ng dalaga habang nakapikit.

"Pwehhh! Alipin! Bakit ang sama ng lasa ng bagay na ito?!" Nabigla si Richard dahil doon. Hindi nga niya maiwasang mapatawa dahil kinagat ni Ruby ang sabon na ibinigay niya. Napalunok din siya ng laway dahil aksidente niyang nakita ang hubad na katawan ng dalaga. Pasalamat na lang siya dahil hindi siya nito pinansin. Agad nga rin niyang ipinikit ang mga mata niya para hindi magalit ang dalaga.

Namula bigla si Ruby nang mapansin ang itsura niya. Bahagya siyang napatili at agad kinuha ang hinubad niyang damit at itinakip sa sarili.

"A-alipin! A-anong bagay ito?" Medyo nailang ang dalaga nang mga oras na iyon. Inimulat na rin ni Richard ang mata niya at napakamot na lang sa ulo.

"Eh, hindi naman kasi kinakain 'yan. Tawag d'yan, sabon." Napahawak pa ang binata sa noo.

"S-sabon? Eh, ano ba'ng gamit nito? Pati ang bagay na ito?" Kinuha rin ni Ruby ang shampoo. Napailing na lang tuloy ang binata.

"Sabon, 'pag naligo ka... hindi, 'pag binasa mo ng tubig ang katawan mo ay basain mo ito. Tapos, ipahid mo sa katawan mo. Mabango 'yan. At 'yang isa... Shampoo, inilalagay sa buhok. Pagkatapos ay magbanlaw ka.. Kuha mo ba?" paliwanag ni Richard sa dalaga. Sana nga lang ay naintindihan siya nito.

"Mabango nga ito..." bulong naman ni Ruby. Inamoy-amoy pa nga nito ang sabon. Pasimple tuloy natawa ang binata. Daig pa raw yata niya ang nag-aalaga ng baliw na babae dahil dito. Napaisip na rin siya kung ano ang ipapakain niya sa dalaga.

Habang naliligo si Ruby ay naisipan na niyang bumili ng apat na pirasong monay at dalawang  cereal drink sa tindahan sa tapat nila. Tinatamad kasi siyang magluto. Mamaya na rin lang daw niya iisipin ang kakainin nila para sa tanghalian at hapunan.

"A-ANG lamig ng tubig. Magyeyelo na ako nito..." Bumungad kay Richard si Ruby na kakatapos lang maligo. Napatingin din agad sa kanya ito.

"A-alipin! Sa susunod, nais kong maging maligamgam ang tubig na ipanliligo ko!" Gusto pa nga sanang patulan ni Richard ang sinabi ng dalaga pero pinigilan na lang niya ang kanyang sarili.

"Nasaan na ang pagkain?" tanong ni Ruby habang nagsusuklay ng buhok.

"'Eto na lang muna ang ating agahan. Wala nang oras para magluto." Inilapag ng binata ang binili niya sa mesa.

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon