Chapter 7: Meet Camille!

1.3K 69 3
                                    

Chapter 7: Meet Camille!

LUMBAY na lumbay si Richard pag-uwi. Paano, kakaunti ang kinita niya. Para raw siyang minalas, kung kailan kailangan niya ng pera, doon pa humina. Umulan din kasi kaya medyo hindi siya nakapangalkal nang maayos. Dalawang kilong bigas at apat na itlog lang tuloy ang nabili niya. Hindi na siya nakabili ng prutas dahil kulang na ang pera niya. Naisip niya tuloy na baka magalit si Ruby.

Pagdating ni Richard sa bahay, naabutan niya si Ruby na nagpupunas-punas ng mesa. Palihim tuloy siyang napangiti. Kung dati, hindi niya makitang gumagawa ng gawaing-bahay ang dalaga, ngayon ay iba na. Hindi na tulad nang dati na naka-upo lang.

"Sipag naman," sabi ni Richard sa kumekembot pang si Ruby na kasalukuyang pinupunasan ang lagayan nila ng plato.

Medyo nagulat naman ang dalaga. "Dumating ka na pala. Wala kasi akong magawa... kaya naisipan kong magpunas-punas."

"Isa pa, siguro'y dapat din akong matuto ng mga gawaing tulad nito," dagdag pa ni Ruby.

"Naks!" Napangiti ang binata. Napansin din niya na maayos ang pagkakasuklay ng buhok ng dalaga. Naisipan niyang guluhin iyon.

"Itigil mo 'yan!" Kaso, mukhang alam na ni Ruby ang balak ni Richard. Iniharang agad niya ang hawak niyang basahan. Inirapan din niya ito.

"Isa pa! Ang baho mo! Ba't hindi mo kaya linisin muna ang sarili mo?" sabi pa ng dalaga. Napaamoy naman si Richard sa sarili niya at bahagya siyang nahiya.

"Oo na, mahal na prinsesa." Inilapag na ni Richard ang mga dala niya sa mesa. Nagpunta agad siya sa maliit nilang banyo para maglinis at magpalit ng damit. Bumahin pa nga siya nang bumahin. Pakiramdam tuloy niya ay parang magkakasakit siya.

"Nasaan ang mga prutas?" Iyon ang bungad ni Ruby nang lumabas si Richard.

"Pasensya ka na. Kakaunti ang kinita ko..." Akala nga ng binata ay magagalit ang dalaga, pero hindi. Bagkus ay parang nalungkot ito.

"P-pero bukas, bibili na ako. Promise... pangako!" sabi ni Richard. Unti-unti namang bumalik ang ngiti ni Ruby.

"Pangako?" Paniniguro ng dalaga.

"Pangako!" Nilapitan ni Richard si Ruby. Balak pa nga siya sanang guluhin ang buhok ng dalaga, pero hindi niya nagawa.

"Puputulin ko ang kamay mo kapag hindi mo tinigilan ang buhok ko!" Nanindak pa si Ruby habang hawak sa braso ang binata.

Pakiramdam ni Richard ay parang mabigat ang ulo niya kaya naisipan muna niyang mahiga saglit. Para rin siyang nilalamig kaya naisipan niyang umidlip muna sandali.

NAALIMPUNGATAN si Richard. Naramdaman niyang may nakakadantay sa kanya. Lumingon siya sa tabi niya at nando'n nga si Ruby. Tulog din. Nakapatong ang braso sa leeg niya at ang hita sa baywang niya. Parang masakit ang ulo niya pero inisip niyang wala lang 'yon. Dahan-dahan niyang inalis ang pagkakadantay ni Ruby sa kanya. Napalunok pa nga siya ng laway nang ang hita na ng dalaga ang aalisin niya.

"Ano ba 'to? Nakakadala naman ang legs na 'to." Iiling-iling na lang si Richard. Bumangon agad siya at nag-inat-inat. Sinulyapan niya ang orasan niya sa bahay. Alas sais na. Naalala niya rin may pupuntahan siya kaya agad niyang ipinirito ang dalawa sa apat na itlog na binili niya kanina.

"Hoy! Gising na. Kakain na." Niyugyog pa ni Richard ang balikat ng dalaga. Nagising naman si Ruby at pinamulahan agad.

"Kakain na. Bumangon ka na. May pupuntahan pati ako," sabi pa ng binata.

"S-saan ka pupunta?" tanong ni Ruby na bumangon na rin. Pumunta siya sa mesa at agad umupo.

"Sa plaza. May kailangan kasi akong kausapin," sagot ni Richard. Nag-umpisa na rin silang kumain.

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)Where stories live. Discover now