Chapter 16: Ang Bagong Hari ng Armenia

977 51 2
                                    

Chapter 16: Ang Bagong Hari ng Armenia

ISANG lumang silid ang bumungad sa harapan ni Richard sa pagmulat niya sa kanyang mga mata. May isang mesang gawa sa ginto ang kanyang napansin malapit sa bintana. Sa dingding ay may nakita rin siyang isang malaking litrato ng isang may katandaang lalaking may suot na korona. Hindi na gaanong malinis sa loob at napapamahayan na ng mga gagamba ito. Puro agiw at sapot na ang karamihan sa mga gamit dito.

Lumapit si Richard sa malaking litrato. Bahagya niyang hinawi ang mga sapot sa tapat noon. Kilala niya ang taong iyon. Si Haring Conrad. Minsan na siyang nakapasok sa silid na ito noong siya'y bata pa. Naaalala na niya ang alaalang nawala sa kanya noong siya'y bata pa. Marami palang masasaya siyang alaala sa kaharian ng Armenia bago nangyari ang pagbagsak ng sinasakupan nila. Doon na rin niya naalala na ang babaeng tinatangi ng kanyang puso... ay nakilala na rin pala niya noon pa.

******

"AMA, sa'n po kayo tutungo?" tanong ng batang si Richard sa ama nitong si Prinsipe Arnold. Kasalukuyan kasi nitong inilalagay sa maleta ang ilang kagamitan nito. Napansin din ng batang si Richard na kanina'y maraming mga kawal ang nakaabang sa labas ng palasyo. Halos lahat ay may dalang mga karwahe.

"Pupunta ako ng Florania, isang napakagandang kaharian sa Silangan. Matagal kasi ang pagtahak patungo do'n kaya dapat ay handa ako. Maghanda ka na rin, isasama kita upang makilala mo ang kanilang prinsesa na halos kaedad mo rin lang..." tugon ni Arnold.

Bahagyang napakamot ng ulo ang batang si Richard. Hindi siya handa para maglakbay ngunit sa tingin niya'y magiging masaya iyon kaya mabilis din siyang naghanda.

"Sige, Ama! Mukhang masaya 'yan, hintayin mo ako't magpapaalam lang ako kay Ina," masiglang tugon ni Richard na muntik nang madapa.

"O sige, bilisan mo lang... Ako na ang maghahanda ng mga gamit mo upang 'di ka magtagal," nakangiting wika ng ama nito.

Naging masaya at mapayapa ang kanilang paglalakbay patungo ng Florania. Pitong bundok ang kanilang tinawid. Napakaraming mga tanawin ang nakita't natuklasan ng batang si Richard. Ngiting-ngiti nga ito habang pinagmamasdan ang mga lugar na kanilang nalalampasan. Ito rin kasi ang kauna-unahan niyang paglalakbay kaya walang pagsidlan ang mga ngiti niya.

Narating nila ang kaharian ng Florania. Isang paraiso. Isang panaginip sa tingin. Pagpasok pa lang nila sa entrada ng kaharian kung saan ay magiliw silang pinapasok ng mga bantay na kawal ay nakaramdam kaagad sila ng kaginhawaan.

Mainit silang tinanggap ni Haring Alberto ng Florania. Kahit mag-isa na lamang ito sa pamamalakad dahil sa pagpanaw ng reyna ay naging matatag ito. Nagawa pa rin nitong mas maging maganda ang buong sinasakupan.

"Bilang kinatawan ni Haring Conrad, narito po ako... Si Prinsipe Arnold ng Armenia." Pagpapakilala ng prinsipe ng Armenia sa kagalang-galang na hari ng Florania habang katabi ang batang anak. Yumuko pa ito nang bahagya bilang paggalang.

"Siya naman po ang aking anak na si William," dagdag pa nito. Isang malapad na pagngiti naman ang isinagot ng bata at yumuko rin ito pagkatapos.

"Tamang-tama, kasing-edad mo lang ang anak kong Prinsesa. Gusto mo ba siyang makilala?" tanong ng hari ng Florania kay William.

"Opo! Ikagagalak ko po nang labis na makilala ang inyong anak," tugon ng batang prinsipe na lalong ikinangiti na rin ng hari. Matikas din na nakatayo ang bata.

"Napakatalino ng 'yong pagbigkas at pagsagot. Gusto ko 'yan! Halika't papasamahan kita patungo sa anak ko. Sana'y maging magkaibigan kayo upang sa hinaharap ay kayong dalawa ang magkatuluyan..." sabi ng hari at nagkatawanan ang karamihan ng nasa loob ng bulwagan ng palasyo. Si William naman ay hindi naintindihan ang ganoong mga bagay.

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon