Episode 6: Wedding with Benefits (Part 2)

3.6K 73 0
                                    

"Nak?"

Lumingon si Cathy sa may pintuan kung saan naroon ang ina na nakasilip at nagmamasid sa kanya sa kwarto.

"Nay," bati niya.

"Nauna na pala si Xander?" tanong ni Nanay Charito habang papalapit sa may kama.

"Opo, kasama ni Paolo at no'ng driver nila. Emergency daw ho eh."

"Sana naman ayos ang lahat."

Tumango lang si Cathy sa nanay habang pinagpapatuloy ang pag-aayos ng gamit at pag-iimpake.

"Nag-aayos ka pa pala. Tulungan na kita," presenta ni Nanay Charito.

Nagsimula agad ang ina sa pagtitiklop ng mga natitirang damit sa higaan habang inilalatag naman ng anak ang mga ito sa loob ng kanyang bagahe.

"Alam mo... kahit ilang beses ka nang umaalis papuntang Maynila, lagi parin akong nalulungkot," pagtatapat ng ginang na tila nagpipigil na kumawala ang luha.

"Lalo na ngayon, kasi... maiiba na ang buhay mo... buhay may asawa na. Baka isang beses nalang sa isang taon kita makita."

"Nay..."

Agad iniusog ni Cathy ang sarili tungo sa kinauupuan ng ginang at inihilig ang ulo nito sa balikat ng nanay.

"Hindi naman po mangyayari 'yon. Bibisita parin ako ng madalas. Saka paano niyo po makikita 'yung paglaki ng baby ko?"

Pinagpatuloy ng anak ang paglalambing habang pinapahiran ni Nanay Charito ang namumuong luha sa mga mata. Bigla rin naman itong napangiti sa mga narinig.

"May pangalan na ba?" Tanong agad ng ginang.

Napatawa si Cathy sa bagong sigla na ipinakita ng ina.

"Hindi ko pa naman po alam kung babae o lalaki eh," sagot naman nito.

"O kambal?" Biro ng nanay sa kanya.

"Grabe naman, 'nay!"

"May lahi yata tayo eh. Tingnan mo si Ate Candy at Ate Carmella mo, parang kambal sa kalokohan."

Nagtawanan ng malakas ang mag-nanay sa pahayag na iyon. Kung naroroon lamang ang panganay ay malamang pandalas na ito sa pangongontra.

"Paguusapan pa po namin ni Xander 'yon. Baka may gusto siyang ipangalan sa kanya," kumento ni Cathy na muling bumalik sa ginagawa matapos ng tawanan.

Hinaplos ni Nanay Charito ang buhok ng anak at pinagmasdan ito ng may bahagyang ngiti.

"Maging mabuti kang asawa ha?"

Sumilay din naman ang maliit na ngiti sa mga labi ng anak sa pagsagot nito.

"Susubukan ko po."

"Pag pinaiyak ka at sinaktan ka no'n. Nako! Wawalisin ko siya ng mas malakas!"

Napahalakhak si Cathy sa sinabi ng ina at napailing dito.

"Si Nanay talaga.... Kaya ko po ang sarili ko," pagbibida nito sa kasama na pabirong tumitig sa kanya ng may pagdududa.

"Kahit na hindi naging maayos ang panimula ninyong dalawa ni Xander... nagpapasalamat parin ako kasi hindi ka niya pinabayaan. Tingin ko mabuti siyang tao," ani Nanay Charito.

Tumango lamang si Cathy habang isinasara ang zipper ng kanyang bag. Pagkalapag nito sa sahig ay napadako muli ang tingin nito sa kanyang ina na tila bumabalik sa pagiging emosyonal.

"Maging masaya sana kayong dalawa at ang magiging pamilya ninyo," mangiyak-ngiyak na pabaong basbas ng nanay.

Hindi narin napigilan ni Cathy ang sarili at maging siya ay napaluha na rin sa mga salita ng ina. Niyakap niya ito ng buong higpit na parang ayaw kumawala.

Fated to Love You: BOOK 1  || Social SeryeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon