Episode 13: Revelation (Part 3)

2.6K 40 2
                                    

"Nay..."

Yumakap agad ng mahigpit si Cathy sa kanyang Nanay Charito nang pagbuksan siya nito ng pinto. Pagod at hinagpis na pinagsama-sama ang nadarama niya sa oras na 'yon mula sa pagkakabiyahe ng matagal pauwi sa kanilang baryo sa Santa Catalina. Mahaba-haba rin ang nilakbay na noong una pa nga ay akala niya'y hindi na siya makakarating. Muntik na kasi siyang maiwanan ng pinakahuling bus sa terminal na bumiyahe ngayong gabi. Mabuti na lamang at naging mabait sa kanya ang tadhana at nakarating ang taxi niyang sinasakyan bagong ito makaalis.

"Anak... anong nangyari sa inyo? Dis-oras na ng gabi ah," tanong agad ng ina na nakakunot ang noo't hinihimas ang kanyang likod. Kita sa namumungay nitong mga mata ang resulta ng pagkakaistorbo sa pagtulog.

"Na-traffic ba kayo sa daan? Si Xander nasaan?"

Hindi naman siya makasagot. Kumapit na lamang siya sa katawan ng ginang at kinubli ang mukha sa balikat nito. Dito na siya nagsimulang humagulgol ng pagkalakas-lakas.

"Cathy, anak, ano bang nangyayari sa'yo?" Nag-aalala nang kuwestiyon nito na napabaling narin ang tingin sa maleta niyang kasama.

"Magsalita ka..."

Nang hindi parin siya umimik at tumahan ay saglit muna siyang pinakalas ng nagugulumihanang magulang at agad siyang inaya papasok sa bahay.

"Ay nako, halika sa loob at mahamog! Ano bang nangyayari—ipaliwanag mo ngang mabuti," mabilis nitong sabi habang binibitbit ang kanyang bagahe.

Pagpasok nila sa tahanan ay dumiretso muna si Nanay Charito sa kusina upang ikuha siya ng maiinom. Naiwan naman siya sa may salas na nakaupo at patuloy na humihikbi. Nanlalabo na nga ang kanyang paningin sa pamumugto ng mga matang mula pa sa biyahe ay wala ng tigil sa kakaiyak.

Maya-maya pa'y bumalik na ang kanyang nanay na may dalang baso ng tubig. Pinainom muna siya nito bago ito muling tumabi sa kanya't inumpisan siyang kausapin.

"Tahan na, bunso. Bakit ka ba iyak ng iyak? Bakit ang dami mong kargada pauwi?"

Pinahiran niya ang kanyang basang pisngi at saka huminga ng malalim. Para siyang pinagsasakluban ng langit at lupa sa sitwasyong iyon—sa isang banda ay nais talaga niyang magpaliwanag, ngunit sa ikalawa nama'y ayaw na niyang makaalala. Sobrang bigat sa kanyang pakiramdam ang hiling ng inang siya'y magtapat ngunit alam naman niyang hindi matatapos ang pangunguwestiyon nito kung hindi siya magsasalita.

Napakagat nalang siya sa kanyang labing nangangatal at saka pumikit.

"Hiwalay na po kami..." mahina't pagaralgal niyang usal.

"Ano kamo?"

"Hiwalay na po kami ni Xander, nay..." mulat niya't baling dito na mas malakas ang pagsisiwalat. "Umalis na po ako sa kanila... hindi na po ako babalik..."

"Ha? Paanong nangyari 'yon? Diba kanina lang sinabi mo sa'kin na maayos kayong dalawa? Anong nangyari at hiwalay na kayo?"

Nagsunud-sunod na nga ang mga tanong ng ginang sa kanya. Ni isa naman sa mga ito ay hindi niya makayanang sagutin. Sa sinapupunan niya'y para ring nakikipagsabayan ang anak sa pangunguwestiyon at pagpoprotesta. Bigla nalang kasi itong naging malikot sa paggalaw. Napahimas tuloy siya sa kanyang tiyan at sinubukang pigilan ang labis na pagluha dahil alam niyang nararamdaman din ito ng bata.

"Alam ba ni Madam Ramona na umalis ka?" Patuloy na interogasyon ng ina.

Umiling siya. Isinugal niya ang koneksyong iyon. Hindi kasi siya masyadong nakapag-isip ng maayos sa kagustuhang makalayo agad sa malaking bahay ng mga del Viñedo. Batid niyang sasama ang loob ng matanda sa kanyang ginawa ngunit hindi rin niya kayang magpaalam ng harapan.

Fated to Love You: BOOK 1  || Social SeryeWhere stories live. Discover now