Chapter Nineteen

56.2K 1.2K 22
                                    


IKATLONG araw ni Devin sa asyenda at apat na araw na lang ay beinte-uno na siya. At wala kahit na anong palatandaan mayroon ang paligid upang malaman niya kung sino ang maaaring nagtangkang patayin siya.

Nang hapong iyon na pauwi sila ni Delio galing ng pamamasyal ay sunod-sunod ang kaba ng dibdib niya nang makita ang pamilyar na sasakyang nakaparada sa harap ng bahay katabi ng pickup nila.

"Land Cruiser. May bisita ba tayo?" Si Delio. Mabilis itong bumaba ng kabayo at inakbayan siya. Halos hilahin siya nito upang makapasok agad sa bahay at malaman kung sino ang bisita habang nililinga ang mamahaling sasakyan.

Atubiling nagpaakbay si Devin. Ano ang kailangan ni Jason dito? Ano na ang nasabi nito sa papa niya? Masisira ba ang mga plano niya?

"Narito na pala ang dalawa, Mr. Florencio." si Manuel nang bumungad sa pinto ang dalawa. "May bisita ka, Ninia..."

"Hello, sweetheart," nakangiting tumayo si Jason at humakbang pasalubong, hinapit si Devin at hinagkan nang mariin sa mga labi sa pagkagulat niya. Si Delio ay nagsalubong ang mga kilay.

"Sino siya, Ninia?" tanong ni Delio sa magaspang na tinig. Bago pa nakasagot si Devin ay naunahan na siya ni Jason who explained smoothly.

"Jason Florencio," sagot nito na iniabot ang kamay. Atubiling tinanggap ni Delio ito at nagpakilala rin. "And Ninia here is my fiancée." masuyong nilingon ang dalaga. "Gusto niyang samahan ko siya dito dahil nga sa birthday ni Devin but I got tied up kaya pinauna ko siya. Hindi ko inaasahang matatapos nang maaga ang inaayos ko..."

Hindi itinago ni Delio ang iritasyon, nawala ang charm. Ibinagsak nito ang sarili sa upuan. "Oh, well, hindi ako makapaniwalang naging mga kaibigan kayo ni Devin. How about you, Jason? Have you met Divina Ventura?"

"Yes," deretsong sagot ni Jason. "Is it so strange na maging kaibigan kami ni Devin, Delio?"

Hindi pinansin ni Delio ang matatalim na titig mula kay Manuel. "Strange it is. And I'm only glad na walang larawan si Divina sa bahay na ito. I couldn't bear it," paismid nitong sinabi.

Si Devin ay tumaas-baba ang dibdib at akmang pagsasalitaan si Delio nang pisilin ni Jason ang palad niya. Ito mismo ay nagpipigil ng sariling hindi tamaan ng kamay ang hambog na lalaki. Devin took a deep breath para kalmahin ang sarili.

"Delio, sumosobra ka na! Anak ko ang nilalapastangan mo!" alsa-boses ni Manuel na itinaas ang baston at akmang hahampasin ang binata subalit mabilis na nakalapit si Devin.

"Baka po makasama sa inyo ang magalit, M-Mr. Ventura..." tinitigan nito nang masama si Delio na nagkibit ng mga balikat at tumayo at nagtuloy-tuloy pumanhik sa itaas.

"Pagpaumanhinan ninyo ang kagaspangan ng stepson ko. Maliliit pa silang mga bata'y hindi na magkasundo si Devin at si Delio," paliwanag nito.

"Don't worry about us, Mr. Ventura. Kilala ko ang anak ninyo at para sa akin, she's unique in more ways than one. At ikinagagalak kong naging kaibigan si Devin." itinuon nito ang mga mata sa dalaga habang nagsasalita. Gustong manayo ng mga balahibo ni Devin sa katawan sa paraan ng pagkakatitig ni Jason sa kanya.

"Ang mga kaibigan ng anak ko'y kaibigan ko na rin. Wala man si Devin..." sandaling huminto sa pagsasalita ang matanda at tumingala upang punuin ng hangin ang dibdib. "Ay matutupad ang nais niyang magkaroon ng salusalo sa kaarawan niya at narito ang mga kaibigan niya. At apat na araw na lang iyon mula ngayon, Mr. Florencio."

Pagkatapos ng pag-uusap na iyo'y nagpatulong na si Manuel sa mag-asawang Vener at Lucing na ipanhik sa silid nito. Si Jason ay hinila palabas si Devin at niyakag na maglakad-lakad malayo sa bahay.

Impostor - COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon