Kabanata III: Nakabibinging Katahimikan

1.6K 15 5
                                    

Hindi nagtagal ay namataan ng magkakaibigan na tama ang daan na kanilang binabaybay. Nakahinga na sila ng maluwag, lalo na ang nagmamaneho sa harapan. Kaliwa’t kanang mga karatula ang nagpapatunay na malapit na sila sa beach resort na nakita ni Angela sa internet, isa sa mga ito ay ang nakapakong kahoy sa poste na nagsasabing: Tinagong Dagat – 2 kilometers ahead.

Tumigil na si Camille sa pagbabasa at pumalit kay Dianna sa pagkakahimbing. Inantok siya sa pinaggagagawa niya. Maingay nang muling nagdaldalan sina Mae at Matts habang si Marian naman ay nasa likurang abala sa pagpapak ng tsitsirya. Samantalang si Angela naman ay sabik na sabik na nakaantabay sa nalalapit nilang pagdating sa destinasyon. Hindi niya makalimutan ang rilag ng litrato na nakita niya sa isang website - puting buhangin, malinaw na tubig, asul na kalangitan, at mga puno ng niyog na masarap kabitan ng duyan upang pagpahingahan habang nakikinig sa paghampas ng mga alon.

Sa kabila ng excitement, kapansin-pansin ang kakaibang ikinikilos ng mga taong madaraanan nila. Hindi nakalampas sa paningin ni Chi ang nakakapagtakang titig ng mga taong kanilang madadaanan. Patuloy na nakatingin sa kanila ang mga ito nang lingunin sila ni Chi sa side mirror. Minabuti ni Chi na ipagwalambahala na lamang ito kaysa sa mabagabag pa ang mga kaibigan.

Mataas na ang araw nang marating nila ang lugar.

“Sa wakas!” sigaw ni Angela nang makababa sila ng sasakyan matapos itong ihinto ni Chi ilang metro mula sa pampang.

Isa-isang nawala ang mga ngiti sa kanilang mukha nang mapagmasdan ng buo ang paligid. Taliwas sa inaasahan ni Angela ang kanilang nasaksihan. Tama siya sa nakita niyang puting buhangin. Sa kanyang ekspektasyon siya nagkamali - walang tao, walang mga bahay, dagat lang at mga puno. Hindi niya ito matawag na masaya. Hindi niya alam kung matutuwa siyang narating na nila ang nais puntahan o maiiyak sapagkat mukhang palpak ang napili niyang pagdausan ng reunion.

Nakabibingi ang katahimikan na bumabalot sa lugar.

Walang nagsalita habang sila ay naglakad palapit sa tubig. Walang makitang kahit anong bahay si Matts maliban sa isang nasa malayong bahagi ng pampang. Agad niya itong itinuro sa mga kaibigan at nagpasya silang puntahan ito. Wala naman na silang ibang magagawa pa. Yun ang pinakamalapit na abot tanaw nila. Hindi sila nagdala ng mga tent o sleeping bags sapagkat plano talaga nilang umupa ng matutuluyan. Mukhang nagkamali sila.

Bumalik sila sa loob ng sasakyan at nagtungo sa bahay na nakita ni Matts.

Ni isang kaluluwa sa daan ay wala silang nasalubong. Hindi kinakitaan ng buhay ang paligid saan man sila lumingon. Malapit na sila sa bahay nang mapansin nila ang isang pamilyang umano’y nagmamadaling sumakay ng kanilang kotse. Pagkahinto na pagkahinto ni Chi ng sasakyan ay siya namang harurot ng katabi nilang kotse papalayo. Nakatingin sila sa pumanaw na sasakyan habang bumababa, katakataka ang kakaibang bilis nito sa pagtakbo na akala mo ay nasa Jurrasic Park na hinahabol ng dinosaur.

Hinagod ni Mae ang bahay mula taas pababa. Hindi ito mukhang luma kung titingnan galing sa labas, ngunit may kakaiba siyang lungkot na naramdaman habang pinagmamasdan ito. Naiwang bukas ang mga bakal nitong tarangkahan, inisip niyang nakalimutang isara ng mga lumabas kanina. 

Mga walang modo. Sambit ni Mae sa sarili.

Si Mae ang bunso ng barkada. Naturingang matalino sa klase, kapantay niya si Chi sa mga matataas nitong marka na nakukuha sa kanilang mga pagsusulit noong nag-aaral pa sila. Wala siyang matandaang pagkakataon na nakatanggap ng bagsak na grado at sa bawat semestre ay hindi bababa sa 1.75 ang mga nakukuhang marka sa mga asignatura. Matagal nang may pagtingin sa kanya si Matts na siya namang alam niya. 

Hard-to-get si Mae. Pero nananalig si Matts na hindi lalampas ng limampung taon ay mapapasagot din niya ito.

Kumatok si Dianna sa malaking pintuan ng bahay.

Makalipas ang ilang sandali ay naisipan niya ulit kumatok sapagkat walang lumabas sa una niyang subok. Naiinip na ang mga kaibigan niyang naghihintay na sila ay patuluyin. Nang wala paring lumabas, nagsalita si Camille, “Guys, hanap nalang kaya tayo ng iba?” mungkahi niya sa mga kaibigan.

“Oo nga, parang walang tao eh.” sang-ayon ni Marian.

“Teka wait,” halong sagot ni Mae, “Eh diba kanina may mga lumabas galing sa loob? May tao yan. Try mo ulit Dianna.”

Muling kumatok si Dianna, sa pagkakataong ito, inilakas niya, halos magiba na ang pinto. Sa kabila ng malakas na pukpok ni Dianna sa kahoy, wari’y kahit tirahin ng tanke de gera ang bahay ay walang planong pagbuksan sila.

“Mukhang tama si Camille, wala yata talagang tao. Baka yung mga umalis kanina eh yun yung may-ari ng bahay.” dagdag ni Chi habang niluluto sila sa ilalim ng araw sa kakahintay.

“Grabe naman kung ganun, hindi manlang nila tayo sinabihan na aalis sila?”

Tahimik lamang si Angela sa gilid, nakaupo. Walang imik habang kunwari ay kinakalikot ang kanyang cellphone.

“Tara na guys,” yaya ni Matts.

Nang magkaisa silang umalis at maghanap na lamang ng ibang rest house, biglang bumukas ang pinto. Nagluwa ito ng isang pigura ng matanda.

“Tuloy kayo.”

Matapos magkatinginan ang bawat isa ay pumanhik sila sa loob.

Tuloy Kayo (Unang Libro)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon