CHAPTER TWO

2.1K 118 7
                                    

Plate no. RJT 14344

SA Tuwing pumapasok sa isip niya ang itim na sport car na iyon, naniningkit siya sa galit. Luging lugi siya sa pinagpaguran at pinagkagastusan niyang suman. Pero pasasaan ba at makikita na naman niya ang kotseng iyon. At sa susunod na makita niya o mapadaan, sisiguraduhin niyang magsisisi ang driver no'n.

"Oh, ba't sambakol na naman iyang mukha mo?" puna ni Ianira, maggagabi na'y nasa kanila pa't tinutulongan siya sa paghahanda ng lulutuin na naman niyang kakanin bukas ng umaga. Medyo marami-rami ang lulutuin niya ngayon para sa mga trabahante ng Montana Constraction Inc. Kahapon ay sinadya pa siya ni Xander Montana sa kanilang bahay para um-order para bukas.

Sa pagkaalala sa guwapo at pangalawang Montana'y nabawasan ng kaunti ang inis niya. Mabuti at naalala niya ang crush niyang si Xander, kundi magkaka-wrinkles na ang maganda niyang mukha ngayon din.

"Ano pa, e 'di 'yong kaskaserong driver ng itim na Ferrari."
Nanulis pa ang nguso niya. Naikuwento na niya ang nangyaring iyon sa kaibigan nang minsan itong dumalaw.

"Hayaan mo na nga. Tiyak ang karma ng hinayupak na iyon."
"Talagang tiyak dahil ako ang magbibigay ng karma ng gagong iyon."
Sa isip niya'y kung paano gugulpihin ang may atraso sa kaniya.

"Paano iyan, 'di mo naman nakilala?"

"Natatandaan ko ang plate number ng kotse niya."

Tumango-tango na lamang ang kaibigan at kinuha ang cellphone.

"Kailangan ko nang umuwi, Sab. May emergency daw sabi ni Kiara," paalam nito.

"Ah, sige. Sandali pala't ipagbabalot kita ng iuuwing suman at kakanin para sa mga kapatid at nanay mo. Kuh, pasensya na't kakanin na lang imbes na pera, Ianira. Kung di lang minalas kahapon, may pera sana ako...pambayad sa iyo."
Mabilis siyamg kumuha ng supot at nilagyan ng ilang balot ng suman at kakanin.

"Ito naman, parang iba kung magsalita. Sanay naman akong libreng kakanin at thank you ang tinatanggap sa iyo. Hindi naman ako nagpapabayad. Buti nga at hindi ako nabagot maghapon sa bahay. Kung hindi ako naaksidente, e malamang nasa Lighthouse Cafe ako ngayon, nahihilo sa mga order ng mga customer."
Tinungo nito ang lababo at naghigas ng kamay.

"Mga hayup kasi ang mga may kotse sa lugar na ito, eh. Alam mo, kapag ako nagkapera ng malaki, bibili ako ng ten wheeler truck at sasagasahan ko lahat ng mga may sport car dito sa Cape Montana. Pipitpitin kong parang lata ng sardinas ang mga mamahaling sasakyan nila. Tutal mayayabang din ang mga may-ari." Naniningkit ang kaniyang mga mata. Inilarawan niya sa isip ang hitsura ng mga latang pinipitpit para i-recycle. Gano'n ang gagawin niya sa itim na Ferrari'ng may atraso sa kaniya.

Tumawa si Ianira. Nagpunas ito ng kamay at humarap sa kaniya. "Bakit hindi mo na lang hiramin ang buldozer o kaya'yong pison ng baranggay kay kapitan o kaya ipahila mo ang sport car para ipapitpit sa Junkshop. Pero huwag namang lahat, Sabina. Hindi naman lahat katulad ng driver na muntik sumagasa sa iyo. Saka nakalimutan mo yatang may sport car ang mga Montana. Baka mapatay mo si Xander niyan. Pero ikaw, kung gusto mo nang mabalo ng maaga." Sumilay ang nang-aasar na ngiti ng kaibigan.

Oo nga pala! Eh, puwede namang hindi isali si Xander, giit niya sa isipan. Hindi naman niya maaatim na may mangyaring masama sa isang iyon. Lalo kung siya ang magiging salarin.

Maaga siyang gumising para magluto at maghanda ng panindang dadalhin sa Constraction site. Kailangang mag-aga siya dahil mag-aabang siya ng service van na papunta sa lugar na sinabi ni Xander. Hindi raw nito mapi-pick up ang mga miryenda ngayon kaya nakiusap na kung maaari ay mag-commute na siya papunta sa site. Hindi naman mahirap ang pakiusap nito kaya umoo siya agad. Tutal ay maraming mga service van ang dumadaan sa kanila dahil tabi lang naman ng kalsada. Mga private vehicle ang mga iyon at pag-aari din ng pamilya Montana. Ginagamit iyon ng mga turista para makapamasyal at makapaglibot sa buong isla.

CAPE MONTANA 2: Ryu Jae YoungWhere stories live. Discover now