Wattpad Original
There are 4 more free parts

Chapter 10

1.1M 14.5K 4.1K
                                    

Hello, readers!
This story has been selected for Wattpad's Paid Stories program. Thank you! ❤️

• • •

TULUYAN AKONG NAGISING kinaumagahan nang maramdamang nawala na si Allen dito sa kama.

Bahagya agad akong napabangon kahit antok na antok pa ako. Nasa'n na 'yon? Parang kanina lang e nakatanday pa ako sa kanya, pero ngayon biglang wala na siya sa tabi ko.

Tumingin ako sa pinto ng CR nitong kwarto namin. May umaagos na tubig mula roon. Napanatag ako. Nasa loob lang pala siya.

Dumiretso na ako sa pagbangon pagkatapos, at umupo na lang sa gilid nitong kama katapat ng banyo.

Maganda ang gising ko ngayon. Kahit pa matindi ang pag-aaway namin ni Allen kagabi at kamuntik pa kaming maghiwalay, wala na 'yon sa 'kin kasi mas tumatak sa isip ko 'yong mga binulong niya kagabi habang natutulog siya.

'Van, please . . . don't go.'

Ang sarap pa rin sa tainga kapag naaalala ko. Parang napanaginipan ko na nga yata 'yon kagabi, e.

'Yon ang unang beses na narinig ko siyang nagsalita ng ganoon. Hindi na nga talaga tuloy ako umalis sa tabi niya kagabi. Nakayakap lang ako. Hindi ko na rin nagawang linisin at gamutin ang mga sugat niya. Bigla na kasi akong tinamaan ng antok.

Tumahimik na sa CR ngayon at maya-maya lang ay lumabas na mula roon ang asawa ko. Bagong hilamos siya.

Nginitian ko siya nang matamis.

Kaso kumunot naman kaagad ang noo niya sabay umiwas ng tingin. "Ba't ka nakangiti? Anong problema mo?"

Ang bilis nawala ng kurba sa mga labi ko. Napabagsak ako ng mga balikat. Galit pa rin pala siya. Hindi niya yata alam na may mga binulong siya kagabi.

Tumayo na lang ako para ako naman sana ang gagamit ng banyo, pero bigla niya akong hinigit. "Ba't bigla kang umaalis? Tinatanong kita, 'di ba?"

Yumuko ako sabay bumuntong-hininga. "Wala. Hindi mo naman naaalala. Siguro nga nananaginip ka lang talaga kagabi."

"Ano? Anong pinagsasabi mo?"

"Wala." Binawi ko na ang braso ko at tumuloy na ako ng punta sa CR.

Pagkapasok ko, sumandal agad ako sa kasasara lang na pinto tapos nagpakawala ulit nang malalim na hininga.

Akala ko naman okay na siya at maganda rin ang gising niya ngayon kasi sinunod ko ang hiling niya sa 'kin kagabi. Pero hindi pala. Hindi niya natatandaan at wala pa rin siya sa mood. Parang nawala na rin tuloy 'yong saya ko ngayong umaga.

Nagkibit-balikat na lang ako, tapos dumiretso na sa tapat ng lababo para maghilamos din. Gusto ko nga sanang maligo kaso ayoko pang basain 'tong balikat ko. Medyo makirot pa kasi.

Habang naghihilamos naman ako, bigla kong narinig 'yong phone ko sa labas na nag-ring.

Kinabahan agad ako, baka si Zian na naman 'yon!

Pinatay ko 'tong gripo at magpupunas na agad sana ng mukha para lumabas na nitong banyo, pero sakto namang tumigil na rin sa pagri-ring ang phone. Tapos narinig ko si Allen na nagsalita.

"O?"

Mukhang sinagot niya ang tawag. Hindi na ako lumabas. Lumapit lang ako sa pinto para mas marinig siya.

"Wala siya," sabi nito sa kausap. "Oo. Ano ba kasing kailangan mo? "

". . . Wala. Nasa banyo. Bakit ba?"

A Wife's CryWhere stories live. Discover now