Si Salahudeen at si Aracelli

199 4 1
                                    

NOONG unang panahon, ang mundo ay nahahati sa dalawang sibilisasyon, ang Lumeria at ang Atlantis. Ang Atlantis at Lumeria ay napapagitnaan ng malawak na karagatan at ang tanging nag-uugnay sa dalawang kontinenteng ito ay ang makipot na daang gawa sa yelo. Ang mga taga-Lumeria ay naniniwala sa mga diyos at mga espiritu, samantalang ang mga taga-Atlantis naman ay mas pinagbibigyang-tuon ang agham at teknolohiya.

Walang sinumang taga-Atlantis ang nakatapak sa lupain ng Lumeria, kahit milyon-milyon ang sasakyang pandagat at panghimpapawid ng mga Atlantean. Ang Lumeria na itinuturing na "Lupain ng mga Diyos" ay napapalibutan ng makapal na hamog at lubhang napakapanganib maglayag patungo rito. Ngunit isang batang heneral ang sumubok ng imposible. Kasama ang malaking hukbo, tinawid nila ang daang-yelo na kumuha na noon ng napakaraming buhay. Ang pakay ng hukbo ay ang itim na diyamanteng matatagpuan lamang sa Lumeria. Sinasabing may napakalakas itong enerhiya at nais ng mga taga-Atlantis na pag-aralan ito.

Maraming sundalo na kasama sa hukbo ang namatay sa lamig, pagod at gutom. Ngunit matayog ang pangarap ni Salahudeen at nais nitong ipagpatuloy ang mapanganib na paglalakbay, kahit marami sa kaniyang kasamahan ang gusto nang bumalik sa Atlantis.

Nang mapasok ng pangkat ang maitim na hamog, ilang patibong muli ang kanilang hinarap. May nahulog sa karagatan dahil sa sobrang dilim ng daan. May namatay at nasugatan nang pinaulanan sila ng mga pana at sibat. May nilapa ng mababangis na hayop o halimaw na ring maituturing dahil sa kakaibang laki at lakas ng mga ito. Unti-unting naubos ang mga sundalo hanggang sa si Salahudeen na lang ang natira.

Ngunit nagbunga na rin yata ang paghihirap ng heneral, dahil sa wakas ay nawala na rin ang hamog at gayon na lamang ang kaniyang tuwa nang masilayan ang gintong tarangkahan ng Lumeria. Ngunit nagkamali si Salahudeen sa pag-aakalang tapos na lahat ng mga patibong, dahil sa pagtuntong ng kanyang mga paa papasok sa tarangkahan, saka niya naramdaman ang matinding sakit na noon niya lang naramdaman. Tila nais kumawala ng kaniyang mga buto mula sa kaniyang laman at sa iglap, naramdaman niya ang kaniyang pagbabago. Tumulis ang kaniyang mga kuko, humaba ang kaniyang mga balahibo, tumalas ang kaniyang pandinig, at nakaramdam siya ng matinding gutom.

"CEL? Gising."

Naalimpungatan si Cel nang yugyugin ni Ara ang kaniyang balikat. "Bakit?" ungol niya.

"'Uwi na tayo. Tapos na practice namin."

Nakasanayan na ni Cel na hintayin si Ara na kaniyang kababata tuwing nagpa-practice ito ng volleyball. Varsity player si Ara at si Cel naman ay isang dakilang bookworm.

"Ano 'yan? Atlantis na naman?" Nag-angat ng kilay si Ara nang makita ang librong nasa desk ni Cel. "Kaya 'di ka nagkaka-boyfriend eh, kahit maganda ka naman. Puro libro tungkol sa Atlantis ang inaatupag mo," palatak nito. "Naku, kasalanan 'yan ng daddy mong Archeologist na hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ang Atlantis sa Atlantic Ocean!" dagdag pa nito.

Isang ngiti lang ang isinukli ni Cel sa tinuran ng kababata. Sanay na siya rito.

Pagdating niya sa bahay, muli niyang pinagpatuloy ang pagbabasa.

SI SALAHUDEEN ang kauna-unahang halimaw na nakapasok sa loob ng gintong tarangkahan ng Lumeria nang buhay. Nagtago siya sa kagubatan. Walang makapawi sa kaniyang gutom hanggang sa makatikim siya ng laman ng tao.

Naging bantog sa Lumeria si Salahudeen. Umabot sa Chrysallis, ang paghahasik niya ng lagim. Ang Chrysallis ay ang natatanging kabisera ng Lumeria. Dito nakatira ang mga banal na tao – ang mga pari, mga mongha at mga babaylan. Sinugo ng punong konseho si Aracelli, ang pinakamalakas nilang babaylan para tugisin ang halimaw. Nagtataglay siya ng napakalakas na ispiritwal na kapangyarihan. Dala-dala ang kaniyang pana at palaso, hinanap niya sa kasukalan ang halimaw. Ngunit hindi halimaw ang kaniyang nasumpungan kundi hubo't hubad na lalaki. Sugatan ito at walang malay. Hinaplos ng awa ang puso ni Aracelli. Inakala niyang biktima rin ng halimaw ang lalaki. Ginamot niya ito hanggang sa gumaling. Ang hindi niya alam, ito na ang halimaw na hinahanap niya.

Second Battle: LustWhere stories live. Discover now