Illustra: Hebreo Region

205 8 4
                                    

Kami ay nasa unang pangkat, ikawalong rehiyon—ang lahing nalalapit na ang pagkawala gawa ng kakarampot na bilang—kung saan matatagpuan ang mga Makapangyarihan at pinagmulan ng limang diyos na nangunguna sa mundo ng Illustra. Si Bagat na diyos ng hangin sa pulo ng Gaza, si Agos na diyos ng tubig sa pulo ng Sorek, si Sagana na diyos ng lupa sa pulo ng Estaul, si Ignacia na diyosa ng apoy sa pulo ng Palestin, at ako bilang diyos ng buhay na pinakamalakas sa lahat, mula sa pulo ng Hebron. Ito ang mga pulong bumubuo sa Hebreo.

Sa kauna-unahang pagkakataon, maikakasal ang isang Makapangyarihan sa Prinsesa ng sariling lahi—Prinsesa Delayla ng Palestin. Kasabay ko sa pagsasanay sa kakahuyan at pangangaso si Delayla mula pagkabata. Marami siyang nahuhuli at ni minsan ay hindi nagasgasan ang makinis niyang balat sapagkat mabilis siyang kumilos kahit pa suot nito ang mabigat niyang kapa.

Ako ang pinakabatang anak ng Punong Maestro, tinatawag na Prinsipe Samson. Ang kasal na magaganap ay ituturing na isa sa pinakamalaking pagdiriwang sa aming mundo. Mula sa rehiyon ng mga duwende—Moneres, hanggang sa rehiyon ng mga demonyong naninirahan sa Hetalia; ang lahat, naanyayahan.

Matagal naming hinintay ang araw na kami naman ang itatadhana ng mga bituin sa kasal... ngunit tinutulan ito ng isa sa iginagalang na Babaylan ng rehiyon.

Naglakbay kami ng Punong Maestro sa bundok ng Hukom kung saan namamalagi ang mga historyador ng Illustra. Dito rin sa Hukom matatagpuan ang mga Babaylan at libro ng Hula.

"Ang Prinsipe Samson ay hindi maaaring maikasal sa Prinsesa Delayla. Sinasabi sa Hula na ang kasalang ito ay ang hudyat sa pagkasira ng kinabukasan ng Hebreo. Ang babaeng ito ay mapagpanggap, yaring pakay ay makuha ang kapangyarihang magpataw ng karagdagang buhay sa ibang nilalang, at nanganganib ang Hebreo na tuluyang mawala sa kaniyang binabalak."

Bilang nag-iisa sa aming lahi na may natatanging kapangyarihan, nabahala ang Punong Maestro. Nagtungo kami sa Matalinong Templo ng mga ninunong namayapa upang humiling ng kanilang gabay kasama ng isang diwatang walang pakpak mula sa rehiyon ng Bella.

"Kailangan ang iisang isip upang masaksihan ng Prinsipe ang maaaring maganap," sambit ng Babaylan matapos isara ang bukana ng templo.

Nag-umpisa kami sa ritwal kung saan tinawag ang mga namayapa upang masaksihan ang Hula. Ayon sa Babaylan, naitala ng patnugot ng kaganapan sa hinaharap ang aking pangalan at ng Prinsesa Delayla. Sa hulang ito, ang Prinsesa Delayla na ang aking mapapangasawa. Ito na rin ang huling kaganapan sa aking buhay at sa tala ng Hebreo.

"Paano magbabago ang kapalaran ng Prinsipe Samson?" pag-aalala ng Punong Maestro.

Sukat doon, lumapit ang diwata at ipinikit ang kaniyang mga mata. "Pangalagaan ang lahi ng mga Makapangyarihan." Nang magmulat itong muli ay nasaksihan ko ang asul na apoy sa kaniyang mga mata at nanatili ang aking diwa sa nais niyang ipahiwatig. "Pitong sikat ng araw mula sa paglubog nito ngayon, sa ilalim ng mapusyaw na kalangitan..." Inilapit ng diwata ang kaniyang mukha, hanggang maglapat ang aming mga labi at pumikit ang aking mga mata. Sa isang iglap, nasaksihan ko ang mga magaganap sa hinaharap...

Isang dalaga ang nakatayo sa bukana ng palasyo kung saan magaganap ang kasal. Marumi ang telang nakabalot sa kaniyang katawan at wala itong suot na alahas. Hindi lingid sa aking kaalaman na ang dalagang ito'y isang babaeng alalay na ipagpapalit ang laman sa kapirasong ginto.

"Magandang araw, Prinsipe Samson," bati ng dalaga at nagbigay-pugay sa'min ng Punong Maestro. "Ako'y nagmula pa sa bundok ng Palestin at ipinadala ng aming pinuno upang magsilbi bago ang magaganap na kasal."

Second Battle: LustWhere stories live. Discover now