Tinik

221 5 3
                                    

Masarap magmahal, kahit ano'y isusugal. Itataya maging ang dangal, basta't pagsasama'y maging pagal.

"Mahal mo ba talaga ako, Mimi?" Tanong ni Tom sa kasintahan.

Sila'y nakahiga sa bubong habang pinagmamasdan ang nagliliwanag na buwan.

Habang nakahiga, hindi maiwasang titigan ni Mimi ang napakagwapong kasintahan. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na nabingwit niya ito.

"Oo Tom, mahal na mahal. Alam mo namang gagawin ko ang lahat para sa 'yo dahil mahal kita," paliwanag ni Mimi.

Napangiti si Tom dahil sa tinuran ng dalaga.

"Sobrang saya ko, Mimi. Simula nang dumating ka sa buhay ko, puro pagpapala ang natatanggap ko. Ikaw ang lucky charm ko," aniya.

Hindi mapigilan ni Tom na hindi kintilan ng halik sa pisngi ang dalaga. Sa sobrang kilig ni Mimi, hindi niya napansing magkatutop na pala ang kanilang mga kamay.

"Mahal na mahal kita," turan ni Tom.

"Mas mahal kita," tugon naman ni Mimi.

Dahil sa nagsusumidhing damdamin, kinabig ng binata ang balikat ng dalaga saka ginawaran ito ng isang masamyong halik. Hindi natinag ang dalaga kaya tinugon niya iyon at nilasap ang sarap ng alapaap.

Dinilaan ni Tom ang pisngi ng sinisinta habang ang kaniyang mga kamay ay dinarama ang kabuoang parte nito.

"Aaa!"

Walang magawa si Mimi kundi ang mapahalinghing sa sarap dulot ng sensasiyong tinatamasa mula sa minamahal.

Pinutol ni Tom ang pakikipaghalikan sa dalaga. Kakabigin sana siyang muli nito nang pigilan niya ito.

"May sorpresa ako sa 'yo, Mimi."

Hindi maipaliwanag ang sayang namumutawi sa mukha ng dalaga nang marinig ang sinambit ng kaniyang minamahal.

Lumayo nang bahagya si Tom upang kuhanin ang sorpresa niya sa sinisinta. Dulot ng saya, ipinikit ni Mimi ang kaniyang mata.

Kasiyahan ay namumutawi, pagod ay napapawi. Regalong bukal sa puso, nakakaginhawa ng dugo.

"Maligayang kaarawan aking mahal!" bungad ng binata.

Sa pagdilat ng dalaga, walang mapagsidlan ang saya sa kaniyang mukha. Napatalon siyang bigla sabay yakap sa binata.

"Maraming salamat, mahal ko!" pahayag nito.

Sa pagkalas ni Mimi sa yakap kay Tom ay kaagad niyang kinuha ang sisidlang naglalaman ng regalo. Dali-dali niya iyong binuksan.

Nagningning ang mga mata ng dalaga nang makita ang isang kwintas na may hugis tinik. Ito ang matagal nang inaasam ng dalaga noon pa ngunit wala siyang kakayanang bilhin ito kaya hinayaan niya na lang.

"Ang mahal nito, Tom. Nakakahiya naman sa---"

Hindi na natapos ni Mimi ang kaniyang sasabihin dahil idinampi ng binata ang kaniyang labi sa labi ng dalaga.

"Masaya ako tuwing nakikita kitang masaya."

Kaagad na kinuha ng binata ang kwintas na tangan ng dalaga at ito'y isinuot sa leeg nito. Masayang-masaya si Mimi dahil ito na yata ang pinakamasayang kaarawan niya.

O kay sarap, masarap talaga ang magmahal lalo pa't alam mong mahal ka rin niya.

"Akala ko noon, sobrang malas ko dahil sa kulay kong itim. Ikaw lang ang nagmahal at tumanggap sa akin kaya pagpapala ka sa buhay ko," saad ni Mimi.

Second Battle: LustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon