Alapaap sa Ikatlong Kanto

237 5 2
                                    

Tigang ang umaga. Bakas sa ngiti ni Mister Jones na nilabasan siya sa loob ni Angel. Mautak ang matandang malibog dahil alam niya ang araw na ligtas maputukan ang puta. Pero kwits lang dahil wantri ang bigay. Bonus pa na nilibre niya ito ng masarap na almusal sa tapsilogan ni Mommy Delilah, sa tabi ng motel sa ikaunang kanto kung saan sila nagparaos sa buong gabing magdamag.

Bago sila naghiwalay ng ruta, nakapulupot sa brasong ipinaalam ni Angel na espesyal ang araw, Marts 3—araw ng kanyang kaarawan. Binati siya ni Mister Jones na napadukot sa walet sabay tanong kung magkano ang gusto niyang dagdag. "Dalawang daan," sabi ni Angel. "Para saktong wanpayb." Pero pa-rits ang dating ng lolo, galanteng tatlong daan ang iniabot nito at sinabihan si Angel na bumili ng bagong damit dahil mukha na raw siyang losyang sa mga luma at paulit-ulit na suot. Tinanggap ni Angel ang biyaya at nagpasalamat nang bigla siyang tinanong ni Mister Jones kung ilang taon na siya ngayon.

Napakunot ng noo si Angel. Hindi talaga siya sigurado sa pagbibilang dahil halos naging abala siya sa buong buhay niya noon na parang normal na araw lang na lumilipas ang mga petsang Marts 3, at tanggap niyang bobo rin siya sa matematiks dahil hanggang grade 3 lang ang natapos niya sa pag-aaral.

"1993," sabi niya. "Marts 3, 1993 ako lumabas sa puday ng nanay ko."

Natawa si Mister Jones sabay tapik sa dalawang pisngi ng puwet ni Angel.

"Bente tres. Bente tres ka na."

Nagpaalam si Mister Jones bago lumiko sa isang iskinita, habang dineretso naman ni Angel ang daan papunta sa ikalawang kanto. Sa ikalawang kanto, naroon ang hile-hilerang pamilihan. Maaga pa lang, maingay na ang kalsada dahil sa dami ng mamimili, at kanya-kanyang sigaw ang mga tindero't tindera sa pabaratan ng kani-kanilang paninda.

Naligaw ang mga paa ni Angel sa tapat ng isang ukay-ukay na bagsak ang mga presyo, dahil sa isip niya, paulit-ulit na umaalingawngaw ang nasabi ni Mister Jones sa kanya. Losyang. Babaeng bente tres anyos na mukha na agad losyang. Kahit wala naman talaga siyang paki-alam sa kung anong itsura niya sa mata ng mga tao, nakukurot pa rin ang damdamin niya sa tuwing may naririnig siyang hindi maganda ukol sa kanya. Kahit papaano, kagaya ng karamihang kababaihan na tanggap sa lipunan, gusto niya ring magmukhang maganda at kaaya-aya.

Sa pagtapak ni Angel sa loob ng tindahan, napukaw agad ang kanyang paningin sa isang tumpok ng damit, sa isang tela na may nangingibabaw na kulay sa lahat at kasingtingkad ng lagi niyang ginagamit na lipstik. Isang bestida nang sinuri niya, na hanggang hita lang ang iksi. Manipis ang tela pero malambot at hindi maaligasgas. Agad niyang tinanong ang babaeng tindera, na abalang-abala naman sa katatawa at sa pagtutok ng selpon sa alagang asong chihuahua na may binabayong manikang Barbie na putol ang ulo sa isang sulok.

"Putang ina," natatawang sambit ni Angel.

Libog na libog ang aso sa pagkadyot at halos maluha-luha na ang tindera sa paghagalpak. Habang si Angel, sunud-sunod na malulutong na mura ang nasambit sa ilalim ng kanyang hininga. Nang napansin siya ng tindera at ang hawak niyang damit, sinenyasan siya nito ng tatlong daliri.

"Tatlong daan?" Hindi makapaniwala si Angel sa presyo. Tumango ang tindera at sinabihan siya na bagong dating lang ang natipuhan niyang damit. Napatitig siya sa pulang bestida at napakunot ng noo, at sa isang sulok, patuloy pa ring binabayo ng naglilibog na aso ang kawawang bagay.

"Nasa'n ang pitingrum?" tanong ni Angel, at tinuro ng tindera ang isang pinto na may nakapaskil sa harap .

Tatlong utos ng diyos:

1 Isang tao lang ang pwedeng pumasok

2 Bawal matagal sa loob

3 Bawal isukat ang mga underwear (panty, brief, etc.)

Sa loob ng masikip na sukatan, tumambad sa harap ni Angel ang malaking salamin na malabo ang mga parteng gilid dahil sa kalumaan. Nakita niya ang buong imahe niya sa harap at napansin niyang kupas na kupas na ang kulay ng suot niyang dyaket. Agad siyang naghubad, simula sa pang-itaas na ispageti hanggang sa miniskirt. Babaeng napakapayat na ngayon ang nasa salamin, na mistulang lantang bulaklak sa gitna ng disyerno, na alam niyang kilalang-kilala niya pero may bumubulong na parang hindi. Hindi malabo pero magulo.

Nang nasa katawan na niya ang pulang bestida, naisipan niyang tapalan ulit ng pulang lipstik ang kanyang mga labi, na sinundan pa ng pampakapal ng pilikmata at kilay, at nagsuklay ng kulay tanso niyang buhok. Ngayon, babaeng ubod ng lakas ng dating ang nasa salamin, na kayang ngumiti na hindi napipilitan. Nilabas niya ang kanyang selpon na Samsung S3 ang tatak, na ibinenta pa sa kanya ng isang gwapong kawatan na nagngangalang Jack Daniel sa halagang 3k. Nag-pose siya sa harap na nakahawak ang isang kamay sa balakang at ininguso ang mga namumulang labi.

"Uhm ah. Matunaw kayong lahat."

Naisip niya ang sarili sa hinaharap na suot ang pulang bestida sa Sentral Plaza. Mainit ang gabi at lalong mag-iinit kapag nakita siya ng mga lalaking malilibog. Maaangatan niya na rin si Charlotte na mukha namang palakang puta at si Glory May na sakang kung maglakad. Iirapan niya ang dalawang hamburger na 'yon na akala mo kung sinong mga mataas kung lumipad. Aakitin niya ang lahat ng lalaking may matambok na bulsa, at ibubuka niya agad ang kanyang hita hangga't maaari lalo na kay Jack Daniel na siyang matagal na niyang pinagpapantasyahan. At ang lahat ng perang matatanggap niya, ibibigay niya kay Agatha, sa nakababata niyang kapatid. Para lang may pangtustos sa ilang natitirang sem nito sa kolehiyo at sa tesis na kailangan nang tapusin. Para matapos na rin ang lahat. Para titigil na siya sa pagbebenta ng aliw. Para mapirmi na siya sa isang lalaking makakasama niya sa isang kama gabi-gabi. Para makaalis na siya sa disyerto, at para makalipad, at para makahinga nang tama sa ilalim ng alapaap.

Sana.

Sa pangatlong katok ng tindera sa pinto, nakaahon si Angel sa lalim ng kanyang mga iniisip. Mabilis niyang hinubad ang pulang bestida at nagpalit. Lumabas sa loob ng sukatan at kasamang iniabot ang tatlong daan sa itinuping damit na bibilhin.

"Wala ka na bang ibang napupusuang damit?" tanong ng tindera.

Ayaw na talagang gumastos ni Angel, pero nang napalingat siya sa isang sulok kung saan hindi pa rin tumitigil ang aso sa ginagawa sa manika, nakuha ang atensyon niya ng isang kulay na nagpaalala sa kanya ng pagiging isang bata. Isang dilaw na dyaket nang dinampot niya. 130 ang presyo, sabi ng tindera.

Lumabas siya sa tindahan ng ukay-ukay na suot ang maaliwalas na dilaw na dyaket. Bumili muna siya ng isang kaha ng sigarilyo at kape sa isang bending mashin bago tinahak ang daan papunta sa ikatlong kanto. Sa ikatlong kanto, napaupo siya sa paborito niyang bents na katabi ng isang punong kalatsutsi at nakatapat sa magandang tanawin kung saan makikita ang malawak na kalangitan at ang mga eroplanong dumaraan.

Tatlong minuto bago mag-alas nuwebe ng umaga ang oras. Sa kaliwang kamay niya ang umuusok na sigarilyo at sa kanan ang selpon na biglang tumunog. May tatlong mensahe siyang sunoud-sunod na natanggap mula sa kapatid niyang si Agatha, at nagkaroon siya ng magandang palagay na binabati siya nito ng magandang kaarawan.

Pero iba ang takbo ng mundo at gayon din ang gustong mangyari ni Angel. Dahil nang binuksan niya ang mga mensahe, wala siyang nagawa kundi ang humigop ng kape at magbuga ng usok sa imahe ng kalangitan.

Ate, nahihirapan na ako.

Hindi ko na alam ang gagawin.

Buntis ako, Ate. Tatlong buwan na.

Napapikit si Angel sa puwesto niya, at sa ingay ng eroplanong lumilipad sa himpapawid, naalala niya ang sarili noong siya'y greyd 3 pa lang. Uwian sa eskwelahan at umuulan, at suot niya ang dilaw na kapote. Tinatakbo niya ang daan papunta sa ikatlong kanto, at magtatampisaw sa bawat makitang nagmistulang lawa na katubigan sa kalsada. At sa harap ng paborito niyang puwesto, hinihintay niya ang pagtila ng ulan at mag-aabang na makasilay ng bahaghari na kukurba sa alapaap sa ikatlong kanto, at kahit kailan, hindi niya iniwanan ang mumunting pangarap.

Second Battle: LustWo Geschichten leben. Entdecke jetzt