21. Kaibigan o Kaaway?

20.7K 247 24
                                    

Nagulat silang magkakapatid nang kinabukasan ay may dala ngang bagong cellphone si Hiro at touch-screen pa. Kapalit daw iyon nung telepono ni Charlie na muntik niyang masira. Mapagkumbaba pa nitong sinabi sa lahat na second-hand lamang iyon subalit kahit walang kahon na inabot iyon ay halata namang bagong-bili dahil may protective screen pa at walang bakas na nagamit nga ang naturang cellphone.

 

At kahit pa malayo ang loob ni Mason kay Hiro, aminado naman siyang dahil sa binatang iyon ay naging masaya ang bakasyon nilang mag-anak. Ito kasi ang nagbigay-daan sa kanilang magkakapatid upang makasama sa Santa Cruzan kung saan lahat sila ay naging escort—maging ang bunsong si Charlotte na ikinainis ng huli. Tinuruan din nitong maggitara sila Marcus at Chad.

“Mase, Mase, hiramin mo ‘yung isang gitara ni Hiro. Sige na~~” bulong ni Charlie.

“Bakit hindi ikaw ang humiram?” tanong niya sa kapatid.

“Ehh… alam mo namang hindi ako pahihiramin niyan basta-basta. Pero kapag kayo ang humiram, susunod agad. Ge naa~~. Plish?” pangungulit pa nito kaya napilitan na lamang siyang pagbigyan ang bunso.

Tumayo si Mason sa kinauupuan at lumapit sa mga nagtutugtugan. “Excuse me, Hiro. Pwedeng hiramin ‘yung isang gitara mo? Sandali lang,” pakiusap niya.

Namilog naman ang mga mata ng binata at dagliang inabot ang gitarang hawak nito tutal ay gamit naman nina Marcus at Chad ang dalawa pang instrumentong pag-aari din ni Hiro. “Ay, oo naman, Kuya. Magpapaturo ka rin?”

Umiling si Mason. “Hindi na kailangan,” tipid na sagot nito at bumalik na sa sofa saka inabot sa kapatid ang instrumentong iyon.

“Yehey,” tuwang-tuwa naman sambit ni Charlie at nagsimula nang tumipa. Pero maya-maya ay tila nababagot ito. “Nakalimutan ko yung B-minor! Nakakainis naman!”

Forefinger sa buong second fret. Middle finger sa third fret, fifth string; ring finger sa fourth fret third string, kasama ng pinky sa fourth string,” pagtuturo ni Mason sa kapatid na agad namang inayos ang mga daliri.

“Tama, tama,” napangiting kumento nito bago natigilan at tinignan siya. “Buti alam mo pala? Eh, kung sa bagay, alam mo pala lahat, hehehe. Galing mo talaga!”

Nagkibit-balikat na lamang si Mason. Hindi na nila kailangang malaman na nagpaturo na siya dati kay Nile kung paano tumugtog ng gitara. Hindi lang talaga niya ginawang hobby iyon.

Isa pa sa mga napansin ni Mason nang dumating si Hiro ay ang naging epekto nito kay Charlotte. Lingid sa kaalaman ng lahat, sa tuwing inaalaska ni Hiro si Charlie ay nagiging dependent ang bunso sa mga nakatatandang kapatid—bagay na nais mangyari ng mga kuya nila. Batid kasi nilang lumaki si Charlie na ang paniniwala ay bawal magpakita ng kahinaan kaya hindi rin ito nagsasabi kung may mabigat na problema bang dinadala.

Kaya hindi rin niya masisi sila Kuya Marcus kung bakit tuwang-tuwa at ginagatungan pa ang pang-aalaska ni Hiro sa prinsesa ng pamilya dahil nais nilang masaksihan ang pagpapa-baby ni Charlie. Pati ang pagbubulul-bululan nga ng kapatid ay lumalabas kapag si Hiro ang kausap nito gayong madalas ay tuwid namang magsalita sa harap ng pamilya.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon