8. Mabuting Kaibigan

23.9K 330 38
                                    

Dahil naiilang pa rin si Mason na makipag-usap sa kahit sinong babae, napagpasyahan na lamang niyang lumapit kay Chan-Chan upang ito ang hingan ng tulong para sa kaibigang langong-lango na yata sa pag-ibig. Pero saksakan pa rin ng katorpehan.

  

Nakahanap siya ng tiyempo nang minsang nakitulog ito sa kanila dahil gumagawa pa rin ito ng mga campaign materials kasama ni Charlie.

Pinatay na kasi noon ang mga ilaw sa kwarto upang makatulog na silang lahat dahil kung anu-ano na ang itinuturo ng mga kapatid niya kay Chan-Chan na nanghihingi ng payo kung paano manligaw. Subalit napansin ni Mason na aligaga pa rin ang kapitbahay at halos hindi mapakali sa kinahihigaan habang ang katabi nitong si Charlie ay siguradong nakanganga na at naghihilik, senyales na himbing na himbing na ito.

Tanging ang nag-iisang lampshade  na lamang na ginagamit ni Mason sa pagbabasa ang nakabukas.

Dahan-dahang umupo si Mason sa foam na inilatag na naman niya sa lapag para saluhin naman si Chan-Chan kung sakaling ito naman ang masipa ng kapatid. Saka niya sinilip sina Mark at Chuck na kapwa tulog na rin.

Mahinang tinapik ni Mason ang balikat nito at tama nga siya sa hinalang hindi pa nga tulog ito dahil agad itong humarap sa kanya.

“Ano ‘yun Kuya?” tanong ni Chan-Chan.

 Pero narinig nilang umungol si Charlie kaya agad na inilapat ni Mason ang hintuturo sa kanyang labi. Ilang sandali pa ay nakita nilang umupo ang bunso na tila wala sa sarili.

“K-kuyaaa… bear…” nakapikit pa ito nang magsalita. Nananaginip na naman.

Agad namang tumayo si Mason, lumabas ng kwarto at bumalik din bitbit ang isa sa mga teddy bear ni Charlie na ipinatago ulit nito sa kwarto ng kanilang mga magulang. Mabilis na yumakap sa manika ang kapatid at tumahimik muli.

Pigil na pigil naman sa pagtawa si Chan-Chan bago naisipan ni Mason na kunin ang telepono at doon na lamang mag-type ng mensahe.

Chan, pwedeng humingi ng favor?

 

Ipinakita niya ito kay Chan-Chan na gumuhit ng question mark sa ere bago ulit nag-type si Mason .

Ok lang ba kung balitaan mo ako tungkol kay Louie? Tutulungan kitang manligaw in exchange.

 

Halos magliwanag ang mukha ni Chan-Chan sa saya nang mabasa iyon at ilang beses pang tumango at nag-thumbs up pa ito bilang pagsang-ayon. Ginantihan na lamang ito ni Mason ng ngiti bago sila sabay na humilata.

Pero sa isip-isip ni Mason, hindi niya alam kung ano ang maitutulong niya kay Chan-Chan ngayong pati siya ay wala namang karanasan sa panliligaw. Siguro naman ay nare-research din iyon? Magaling naman mag-research si Mason. Bahala na.

Simula noon, pasikreto nang nagpapalitan ng mensahe si Mason at si Chan-Chan. Bilang ganti sa mga updates tungkol kay Louie, pinapadalhan ni Mason ng tips si Chan-Chan kung paano mapapaibig ang sinisinta nito. Idinadalangin na lamang ni Mason na mabisa nga ang mga nabasa niya sa internet.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon